top of page
Search
  • BULGAR

Pampanga, kampeon sa NBL Black Arrow; finals sa CTG 3x3 Pilipinas, handa na

ni Anthony Servinio - @Sports | October 30, 2020




Kinoronahan bilang bagong kampeon ng 2019-2020 National Basketball League (NBL) Black Arrow Express President’s Cup ang Pampanga Delta Converge matapos durugin ang La Union PAOwer, 76-68, sa Game 4 Miyerkules ng gabi mula sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Winakasan ng Delta ang serye, 3-1, sa mga tirada nina Levi Hernandez, Michael Juico at Mark Jason Tamayo.


Nagsama si Juico at sentro Daryl Pascual para ibuhos ng Pampanga ang unang 12 puntos ng pangalawang quarter upang maagaw ang lamang at hindi na nila binitawan ito, 29-18. Mula doon ay inalagaan nila ng mabuti ang lamang at palaging may sagot tuwing lalapit ang PAOwer.


Pinasok ni Hernandez ang 10 sa kanyang 24 puntos sa ikatlong quarter at nanatiling lamang ang Delta, 58-51. Pinasok ni Erven Silverie ang tres bilang huling hirit ng La Union subalit sinagot ito ng huling buslo ni Hernandez na sinundan ng pandiin na tres ni Tamayo upang ibalik sa 11 ang agwat, 76-65, at 1:39 sa orasan.


Samantala, handa na ang lahat para sa Grand Finals ng 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM ngayong araw mula sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna. Isang dosenang koponan ay may pagkakataon na mauwi ang P1-M mula sa pinakauna at nag-iisang ligang propesyonal ng 3X3 Basketball sa bansa.


Noong Martes ay winalis ng Family’s Brand Sardines-Zamboanga City ang ikatlong kampeonato sa apat na yugto ng torneo matapos talunin ang Uling Roasters-Butuan, 21-20. Dahil dito, hawak ng Zamboanga City ang numero unong pwesto papasok sa Grand Finals at pasok na sila agad sa quarterfinals kasama ang #2 Butuan, #3 Nueva Ecija Rice Vanguards at #4 Sta. Lucia Realtors-Pasig.


Ang walong nalalabing koponan ay maglalaro simula 11:00 ng umaga upang malaman kung kanino mapupunta ang apat pang puwesto sa quarterfinals. Ang mga laro ay sa pagitan ng #8 Big Boss Cement-Porac Green Gorillas at #9 Zamboanga Peninsula Valientes MLV, #5 Palayan City Capitals at #12 Pagadian Rocky Sports, #6 Sarangani Marlins at #11 Petra Cement-Roxas ZN Rockies at #7 Master Sardines-Bacolod kontra #10 Bicol Paxful 3X3.


Paborito pa ang Zamboanga City subalit hindi sila nakakasiguro dahil isang mali lang ang kailangan at tapos agad ang kanilang kampanya. Bibigyan ng P300,000 ang magtatapos ng pangalawa habang P100,00 ang para sa pangatlo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page