ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 5, 2024
Magandang balita para sa ating mga State Universities and Colleges (SUCs) dahil tinanggap na ng ating mga kasamahan sa Senado ang ating panukalang dagdagan ng P3.058 bilyon ang pondo ng 82 SUCs para sa pagpapatupad ng free higher education o libreng kolehiyo. Kasama ang dagdag na pondo sa bersyon ng 2025 national budget na inaprubahan kamakailan ng Senado.
Katumbas ng dagdag na P3.058 ang pinangangambahang kakulangan sa pondong kinakailangan sa libreng kolehiyo para sa susunod na taon. Dahil sa karagdagang budget na ito, mas mataas ng 13% ang pondo ng libreng kolehiyo kung ihahambing sa halagang unang ipinanukala ng Department of Budget and Management (DBM) sa 2025 National Expenditure Program (NEP).
Bilang isa sa mga may akda at co-sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free Tuition Law (Republic Act No. 10931), tinitiyak nating patuloy na makakapaghatid ang ating mga SUCs ng libreng edukasyon para sa mga kabataan.
Kung sapat ang pondo para sa libreng kolehiyo, hindi lamang ang patuloy na pag-aaral ng mga kabataan ang matitiyak natin, masisiguro rin nating may kakayahan ang ating mga SUCs na maghatid ng dekalidad na edukasyon.
Mahalagang mapunan natin ang pinangangambahang kakulangan sa pondo upang mapalawak natin ang kakayahan ng mga SUCs na tumanggap ng mas maraming estudyante. Kung hindi natin matutugunan ang naturang budget na kinakailangan para sa libreng kolehiyo, mapipilitan ang ating mga SUCs na pagkasyahin ang kanilang pondo sa dumaraming bilang ng mga mag-aaral. Ibig sabihin, maaaring sumikip pa lalo ang ating mga silid-aralan, madagdagan ang trabaho ng mga guro, at ma-overuse ang mga pasilidad kagaya ng mga laboratoryo at aklatan.
Umaasa rin tayo na mareresolba sa susunod na taon ang mga isyung may kinalaman sa kakulangan ng pondo ng libreng kolehiyo. Tuwing inihahanda kasi ng DBM ang panukalang pondo ng libreng kolehiyo sa ilalim ng NEP, ginagamit na batayan ng ahensya ang sinisingil na halaga ng mga SUCs mula pa sa nagdaang dalawang taon upang ipatupad ang free higher education. Hindi ito angkop sa layunin ng batas, kung saan nakasaad na ang dapat maging batayan sa pondo ng libreng kolehiyo ay ang inaasahang bilang ng mga enrollees.
Dahil dito, hindi nagtutugma ang nagiging panukalang pondo ng libreng kolehiyo sa pagdami ng mga mag-aaral. Inaasahang sa susunod na taon, mas mataas ng 62.5% ang enrollment sa mga SUCs kung ihahambing sa naitala noong 2018. Inaasahan namang 46.1% lamang ang itataas ng free college fund kung ihahambing sa pondong inilaan noong 2018, maliban na lamang kung hindi natin mapunan ang kakulangan nito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com