ni Gerard Arce @Sports News | June 30, 2025
Photo: Nagwagi ang Petro Gazz Angels sa pagwalis sa lahat ng sets laban sa Galeries Tower Highrisers sa Pool A action ng 2025 PVL on Tour. CIrculated / Premier Volleyball League (PVL)
Mga laro sa Martes
(FilOil EcoOil Centre)
4:00 pm – PLDT vs Farm Fresh
6:30 pm – Cignal vs Creamline
Bawing-bawi sa pagkadismayang nakuha ang All-Filipino Conference titlists Petro Gazz Angels sa pagkabigong nalasap sa unang salang sa Premier Volleyball League (PVL) On Tour matapos walisin ang Galeries Tower Highrisers sa 25-23, 25-21, 26-24 kagabi sa unang sultada sa Batangas City Sports Center sa Batangas City.
Naiwasan ng Petro Gazz na madala pa sa extended na fourth set ang laro matapos kumana ng 6-1 run sa dulo ng third set kasunod ng hataw ng mahahalagang puntos ng beteranong spiker na si Nicole Tiamzon. Mula sa 20-23 bentahe ng Galeries ay sumiklab ang apat na sunod na atake ng Petro Gazz sa pangunguna ni Tiamzon para makuha ang 24-23 na bentahe.
Nabuhayan ang Highrisers nang maitabla ni Batangas-native Jewel Encarnacion ang laro sa 24-all, subalit agad na ibinalik ang kalamangan sa Angels kasunod ng service error para sa 24-25.
Bumida sa iskoring si dating two-time league MVP Myla Pablo sa 14 puntos mula lahat sa atake na sinundan ng tig-10 puntos nina Mary Joy Dacoron at Jonah Sabete, na sumalo rin ng siyam na excellent receptions.
"Well 'yung nga sabi namin wag hanapin ang wala kung sino andyan sila mag-contribute sa team kase andyan naman sila at alam nila ang bawat galaw sila sa team. Maganda naman ang performance ng bawat isa, nagkulang lang kami sa adjustment nung una, at kailangan lang namin ng maraming communication as a team," pahayag ni Pablo sa post press-conference. Bumagsak naman sa 0-2 rekord ang Galeries na pinagbidahan ni Ysa Jimenez sa 13pts mula sa 11 kills at dalawang blocks kasama ang walong digs., habang sumegunda si Roselle Baliton sa 10 marka at Encarnacion sa siyam.