- BULGAR
- 1 hour ago
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 19, 2025
Photo: PBA PH
Laro ngayong Linggo – MOA 7:30 PM
SMB vs. TNT
Nakamit ng San Miguel Beer ang mahalagang 2-1 bentahe sa 2025 PBA Philippine Cup Finals matapos ang 108-88 tambakan sa TNT Tropang 5G kagabi sa Araneta Coliseum. Lilipat ang serye sa MOA Arena para sa Game 4 ngayong Linggo.
Namayagpag sa ilalim si June Mar Fajardo para magtapos na may 33 puntos at 11 rebound. Naramdaman ng TNT ang pagliban ni Poy Erram na napilay ang bukong-bukong noong Game 2 at nabawasan ng isang magbabantay kay Fajardo.
Kahit kulang sa manlalaro, maganda ang simula ng Tropa at lumamang, 15-5. Matiyagang humabol ang SMB hanggang naka-shoot ng magkasunod sina Fajardo at Marcio Lassiter, 52-49, at isang minuto ang nalalabi sa pangalawang quarter.
Mula roon ay hindi na nakatikim ng bentahe ang TNT at lumayo ng todo ang Beermen. Ang huling agwat ay siya ring pinakamalaki ng laro.
Maliban kay Fajardo ay humugot ng lakas ang SMB kay Chris Ross na may 15 mula sa apat na tres. Nag-ambag ng 13 si Jericho Cruz at 12 kay Cjay Perez.
Nanguna sa TNT si Roger Pogoy na may 16 habang may 15 si Calvin Oftana. Gumawa ng 14 si Almond Vosotros mula sa apat na three-points habang 13 si Glenn Khobuntin.
Bago ang Game 4 ay igagawad ang Best Player of the Conference. Ang mga kandidato ay sina Oftana, Perez at Fajardo.
Samantala, mukhang hindi aalis at lalahok ang Terrafirma Dyip sa parating na ika-50 taon ng PBA sa Oktubre. Inihayag ni Commissioner Willy Marcial sa mga mamamahayag na hindi nagkasundo ang bibili sana sa prangkisa.