ni Chit Luna @News | August 2, 2025
File Photo: Hiwalay na pagsusuri na inilathala noong Setyembre 2024, na pinamagatang “Switching from Cigarettes to Heated Tobacco Products in Japan — Potential Impact on Health Outcomes and Associated Health Care Costs.
Dumadami ang ebidensya mula sa Japan na ang heated tobacco products (HTPs) ay may mahalagang papel sa pagbaba ng paggamit ng sigarilyo.
Isang pag-aaral na inilathala sa Tobacco Control noong Oktubre 2024, na pinamagatang “Transformation of the Tobacco Product Market in Japan, 2011-2023,” ang nag-ulat na ang mga naninigarilyo at kabuuang benta ng sigarilyo sa Japan ay bumaba ng mahigit 50 porsyento sa pagitan ng 2011 at 2023.
Ang pagbaba ay nagsimula noong 2015, nang ipinakilala ang heated tobacco products sa merkado ng Japan. Pagkatapos nito, bumilis nang husto ang antas ng pagtigil sa paninigarilyo.
Ang pagkahati ng merkado ng sigarilyo sa Japan sa loob lamang ng mahigit isang dekada ay isang kahanga-hangang tagumpay.
Dagdag nito, ang pagtukoy kung paano makamit ang parehong uri ng pagbabago sa ibang lugar ay dapat maging prayoridad sa pampublikong pananaliksik sa kalusugan.
Isang hiwalay na pagsusuri na inilathala noong Setyembre 2024, na pinamagatang “Switching from Cigarettes to Heated Tobacco Products in Japan — Potential Impact on Health Outcomes and Associated Health Care Costs” ang humula ng malaking benepisyo sa kalusugan ng publiko at ekonomiya kung mas maraming naninigarilyo ang lilipat sa HTPs.
Tinantiya ng pag-aaral na kung kalahati ng mga naninigarilyo sa Japan ay tatalikod sa nasusunog na tabako at gagamit ng HTPs, hanggang 12 milyong sakit na may kaugnayan sa tabako ang maiiwasan. Ayon pa rito, posibleng makatipid ang Japanese healthcare system ng hanggang 454 bilyong yen.
Inirekomenda ng mga mananaliksik na ipagpatuloy ng Japan ang pagbibigay prayoridad sa “cost-efficient” measures na nagtataguyod ng kalusugan ng publiko at benepisyo sa ekonomiya.
Kabilang dito ang paghikayat sa mga naninigarilyo na lumipat sa mga produktong may pinababang peligro o less harmful alternatives, pagdaragdag ng kamalayan sa mga panganib sa kalusugan at paggamit ng diskarte sa pagbubuwis batay sa pinsala.
Sinasabi ng mga pandaigdigang tagapagtaguyod ng kalusugan na ang karanasan ng Japan ay nagbibigay ng matibay na ebidensya para sa mga bansa na isaalang-alang ang paggamit ng harm reduction bilang isang diskarte sa pagkontrol ng tabako.
Binigyang-diin ni Dr. Lorenzo Mata, presidente ng Quit for Good, isang grupong tagapagtaguyod ng kalusugan sa Pilipinas, na ang mga makabagong alternatibo na walang usok tulad ng heated tobacco at vapes ay maaaring magbigay ng mas mahusay na pagkakataon para ibaba ang bilang ng mga naninigarilyo.
Ayon kay Mata, kung talagang gusto ng gobyerno na tulungan ang mga naninigarilyo, dapat unahin ang edukasyon at pag-access sa mga alternatibong ito na hindi gaanong nakakapinsala.
Sa Global Tobacco and Nicotine Forum noong 2023, binanggit ni Hiroya Kumamaru, vice director sa AOI Universal Hospital ng Japan, na ang paninigarilyo ang pinakamalaking sanhi ng kamatayan sa nasabing bansa.
Pagdating ng 2019, halos ikatlo ng mga lalaki at ikaapat ng mga babaeng gumagamit ng tabako ay lumipat sa HTPs, isang resulta na inilarawan niya bilang ‘kahanga-hanga’.
Sinabi niya na ang mga alalahanin tungkol sa hindi inaasahang epekto tulad ng dual use o pagsisimula sa kabataan ay hindi nagkatotoo.
Habang patuloy na nakikipaglaban ang pandaigdigang komunidad ng kalusugan sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo, ang dekadang paglipat ng Japan patungo sa mga alternatibong may pinababang pinsala ay maaaring mag-alok ng isang scalable na modelo para sa ibang mga bansa na naghahangad na makamit ang katulad na resulta, ayon sa pag-aaral.