ni Mylene Alfonso @News | August 6, 2025
File Photo
Nasa 90 electric cooperatives ang nakapagbibigay ng mas murang singil sa kuryente kumpara umano sa Manila Electric Company (Meralco), ayon kay National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda.
Sa panayam ng isang lokal na himpilan ng radyo kay Almeda, sinabi nito na batay sa kanilang nakalap na datos, sa kabuuang 121 electric cooperatives sa bansa ay 90 rito o nasa 74% ang nakapagbibigay ng mas murang singil sa kuryente kaysa sa power rates ng Meralco.
Batay sa comparative analysis data na nakuha ng NEA, lumilitaw na mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025 ay napanatili ng mga electric cooperatives ang mababang presyo ng kanilang kuryente, nasa P1.00 hanggang P4.00 kada kwh. Ang mga electric cooperatives ang nagsu-supply ng kuryente sa BARMM, CARAGA, Cordillera Autonomous Region (CAR), Region 3, 5, 7, 9, 11 at 12.
Sa kasalukuyan, nasa P12.6435 per kWh ang singil ng Meralco, na pinakamataas umano sa buong Southeast Asia.
Noong 2023, una nang inireklamo ni Philreca Rep. Presley de Jesus, kung bakit hindi kayang pababain ng Meralco ang singil sa kuryente na kayang gawin ng mga electric cooperatives.
“If we compare to Meralco, these cooperatives are so small. Meralco holds essentially a mega franchise with the largest captive market,” nauna na nitong pahayag.
Aniya, sa lawak ng customer base ng Meralco at may modernong pasilidad ay dapat pababa ang singil nito.