ni Maeng Santos @News | June 30, 2025

Muling binaha ang ilang lugar sa Navotas City nang bumigay nitong Linggo ng umaga ang mga inilagay na sandbag sa nasirang riverwall sa Celeste St., Brgy. San Jose noong Sabado ng bago magtanghali.
Kaya, muling iniutos ni Mayor John Rey Tiangco ang pagpapalikas sa mga pamilyang labis na maaapektuhan ng paglalim ng tubig baha na dala ng high tide ala-1:07 Linggo ng hapon.
Sabado ng hapon nang magsagawa ng rescue operations ang Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), katuwang ang BFP-Navotas, PNP-Navotas, fire volunteers, SCAN International, at mga boy scouts sa mga apektadong pamilya sa ilang lugar sa lungsod, partikular sa Brgy. San Jose matapos umabot ng hanggang leeg ang lalim ng baha bunga ng pagkasira ang dike pasado alas-11 ng umaga.
May 22 pamilyang inilikas ang pansamantalang nanuluyan sa Navotas Elementary School 1 habang walong pamilya ang dinala sa barangay hall kung saan sila binigyan ng pagkain, kumot, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nang mag-low tide, sinimulang maglagay ng mga sandbag sa nasirang dike ng mga tauhan ng City Engineering Office subalit, bumigay din ito nitong Linggo ng umaga matapos magkaroon ng butas.
Samantala, nagpadala rin ng mga rescue boat si Malabon Mayor Jeannie Sandoval sa pamamagitan ng City DRRMO para tumulong sa paglikas sa mga apektadong pamilya.