ni Anthony E. Servinio @Sports | May 27, 2026

Photo: Dumadrayb si Jalen Brunson #11 ng New York Knicks paikot kay James Harden #1 at Sam Merrill #5 ng Cleveland Cavaliers sa bahaging ito ng kanilang laro sa NBA Eastern Conference Finals. (Sarah Stier/Getty Images)
Laro ngayong Miyerkules - Paycom
8:30 AM SA vs. OKC
Magbabalik ang New York Knicks sa NBA Finals matapos ang 27 taon! Tinalo nila sa ika-apat na sunod na laro ang Cleveland Cavaliers, 130-93 at walisin ang Eastern Conference Finals kahapon sa Rocket Arena.
Nagpamalas agad ng bangis ang Knicks nang burahin 8-2 lamang ng Cavs at kunin ang unang quarter, 38-26 sa mga buslo nina Karl-Anthony Towns, Jalen Brunson, Mikal Bridges at reserba Mitchell Robinson. Hindi nakaporma ang Cleveland at hindi nag-preno ang NY para lalong palakihin ang agwat sa huling apat na minuto, 123-78.
Kahit hindi na siya naglaro sa huling quarter, nagtapos na may 15 si Jalen Brunson para mapiling Eastern Conference Finals MVP. Gumawa siya ng kabuuang 102 o 25.5 bawat laro sa serye.
Double-double si KAT na 19 at 14 rebounds. Sumuporta sina OG Anunoby na may 17 at Mikal Bridges na may 15.
Nanguna sa Cleveland si Donovan Mitchell na may 31. Kinapos ang tulong ng kakampi at sumunod sina Evan Mobley na may 15 at James Harden na may 12.
Mabibiyayaan ng Knicks ng siyam na araw na pahinga at kahit anong mangyari sa Western Conference ay sa Hunyo 4 magsisimula ang seryeng best-of-seven. Tabla ang World Champion Oklahoma City Thunder at San Antonio Spurs, 2-2, papasok sa mahalagang Game 5 ngayong Miyerkules sa Paycom Center.
Si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson ang magiging unang kababayan na maglalaro sa NBA Finals. Lumipat siya sa NY galing Utah Jazz noong nakaraang Hulyo na puntiryang mabigyan ng singsing bilang kampeon.
Nakamit din ng Knicks ang NBA Cup noong Disyembre laban sa Spurs, 124-113, sa likod ni Cup MVP Brunson. Kung sakaling palarin, sila ang magiging unang dobleng kampeon.

