- BULGAR
- 10 hours ago
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 22, 2025

Tuluy-tuloy ang trabaho natin para sa kabataan. Sa 20th Congress, ang inyong Senator Kuya Bong Go muli ang Chairman ng Senate Committee on Youth. Ang mga kabataan ang kinabukasan ng bayang ito kaya napakahalagang bigyan natin sila ng sapat na suporta para matupad nila ang kanilang mga pangarap. Nakasalalay sa kanila ang kinabukasan ng ating bansa.
Marami sa ating mga kabataan ang hirap hindi lang sa gastos sa edukasyon kundi pati sa health. Kaya nga isa sa mga prayoridad ko ay palakasin ang mga programa para sa kalusugan kabilang na ang mental health. May mga batas na tayong naisulong tulad ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act bilang isa sa mga co-authors at co-sponsors.
Dagdag pa riyan, patuloy kong isinusulong ang Senate Bill No. 176 na layong magtatag ng Mental Health Offices sa lahat ng state universities at colleges. Hangad natin na matutunan nilang alagaan ang pangangatawan at pag-iisip.
Para palawakin pa ang access sa edukasyon, inihain natin ang SBN 169 na mag-aamyenda sa RA 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act na sinuportahan natin at naisabatas noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ipaglalaban natin na mapalawak ang saklaw ng tertiary education subsidy program para sa mga kwalipikadong estudyante ng private institutions.
Bilang isang health reforms crusader, naniniwala tayo na kung malusog ang kabataan, mas malayo ang kanilang mararating. Kaya isinusulong ko ring madagdagan ang pondo para sa mga programang pangkabataan ng National Youth Commission. Ang investment natin sa kabataan ay investment sa kinabukasan ng bansa.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, palagi nating hinihikayat ang mga kabataan na pumasok sa sports para mailayo sa bisyo at droga. Get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!
Noong panahon ni dating Pangulong Duterte, naisabatas natin ang RA 11470 na lumikha ng National Academy of Sports (NAS). Ngayon, gusto nating palawakin ito sa iba’t ibang rehiyon kaya inihain natin ang SBN 171 o National Academy of Sports Regional Expansion Bill.
Magtulungan tayo para sa kapakanan ng ating kabataan upang mas maging matatag ang kinabukasan ng Pilipinas.
Samantala, noong August 14, dumalo rin kami sa Philippine Public Health Association, Inc. (PPHA) 90th Annual Convention and General Assembly kasama sila National President Dr. Marc Shane Adeva, PPHA Luzon Vice President Arnold Alindada, Southern Philippines Medical Center Chief Dr. Ricardo Audan, at Northern Mindanao Medical Center Chief Dr. Jose Chan na ginanap sa Davao City.
Nagpunta naman tayo sa Bukidnon noong August 15 para sa ika-54 na Araw ng Damulog at ika-3 Kalambo-an Festival kasama sina Mayor Mel Buro, Vice Mayor Clinette Paco-Buro, Kadingilan Mayor Jerry Canoy at Manolo Fortich Mayor Rogelio Quiño. Pagkatapos nito, sinaksihan din natin ang pag-turnover ng isang Super Health Center sa Don Carlos sa pangunguna ni Mayor Ma. Victoria Pizzaro. Nagbigay tayo ng food packs para sa mga barangay health workers doon bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo sa komunidad.
Noong August 17, nakiisa rin tayo sa selebrasyon ng Kadayawan Festival sa Davao City bilang pagpupugay sa mayamang kultura at tradisyon ng lungsod. Nakasama natin sina Senator Bato dela Rosa, Congressman Omar Duterte, Councilors Myrna Dalodo-Ortiz, Jopet Baluran, Tek Ocampo, Al Ryan Alejandre, at Dose Apostol.
Noong nakaraang linggo, nakapaghatid ng tulong ang Malasakit Team sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Para sa mga biktima ng bagyo at habagat, natulungan ang 100 residente sa Maynila, 300 sa San Mateo, Rizal, at 250 sa Iloilo City. Samantala, para sa mga biktima ng sunog, nakapag-abot ng tulong sa 37 na residente sa Muntinlupa City at 30 sa Imus City, Cavite.
Bukod dito, nabigyan din ng tulong ng ating Malasakit Team ang ilang mga iskolar. May 166 estudyante mula sa Lyceum of the Philippines Batangas na nakatanggap ng scholarship, gayundin ang 85 mula sa University of the Perpetual Help System Dalta sa Calamba City, Laguna, at 50 sa parehong unibersidad sa Bacoor City, Cavite.
Bukod dito, tumutok din ang Malasakit Team sa pagpapalakas ng ating health infrastructure. Sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, naisagawa ang turnover ng Super Health Center sa Brgy. Balubal, habang sa Brgy. Binuangan, Maco, Davao de Oro naman ay dinaluhan naman natin ang inagurasyon ng isa pang Super Health Center.
Bilang inyong Mr. Malasakit, hindi ko sasayangin ang pagkakataong makapaglingkod sa kapwa Pilipino. Bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.