- BULGAR
- 15 hours ago
by Info @Editorial | August 26, 2025

KINUMPIRMA ng Malacañang na tuluyan nang naging batas ang Konektadong Pinoy Bill matapos itong mapaso nang hindi nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Layunin ng bagong batas na palawakin ang internet access sa bansa, gawing mas simple ang proseso ng licensing, at pababain ang gastos sa koneksyon.
Nakasaad din dito ang pagbubukas ng data transmission sector sa mas maliliit na kumpanya at bagong manlalaro nang hindi na kailangan ng legislative franchise o Certificate of Public Convenience and Necessity.
Sa pamamagitan ng batas na ito, umaasa tayong mabibigyang-daan ang mas maayos na internet, partikular sa mga liblib na lugar kung saan ang koneksyon ay mahina o lubos na limitado.
At dahil isinusulong din ng batas ang kompetisyon sa sektor ng telekomunikasyon, maaari itong magbunga ng mas mababang presyo at mas mataas na kalidad ng serbisyo para sa mga konsyumer.
Naniniwala tayo na hindi ito simpleng teknikal na usapin lamang. Ang mabilis at murang internet ay malaking tulong sa edukasyon, hanapbuhay, negosyo, at maging sa serbisyong pampubliko.
Isipin na lamang ang milyun-milyong estudyante na umaasa sa online learning at mga negosyanteng gumagamit ng social media upang makabenta. Para sa kanila, hindi luho ang internet — ito ay kabuhayan at kinabukasan. Gayunman, mahalagang paalalahanan ang pamahalaan na ang batas ay simula pa lamang. Ang tunay na hamon ay ang maayos at tapat na implementasyon nito. Dapat tiyakin na ang pondo ay hindi nauuwi sa bulsa ng iilan, at ang mga proyekto ay natatapos sa oras.
Responsibilidad din ng pribadong sektor na gampanan ang kanilang bahagi sa pagbibigay ng serbisyong patas at dekalidad. Kapag palpak, goodbye na.Ang mas mabilis at abot-kayang internet ay hindi pribilehiyo, kundi karapatang nararapat para sa bawat Pilipino.