top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 21, 2024


Agarang Solusyon by Sonny Angara

Limampung taon na ngayong buwan ng Hulyo 2024 ang Nutrition Month na idineklara noong 1974 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng Presidential Decree 491. Nilalayon ng batas na maipamulat sa lahat ang kahalagahan ng tamang nutrisyon.


Ang batas na ito ang naging daan sa pagtatatag ng National Nutrition Council (NNC) na nanguna sa pagbibigay impormasyon ukol sa importansya ng nutrisyon.


Hanggang sa kasalukuyan, napakalaki pa rin ng problema ng Pilipinas sa malnutrisyon. At ‘pag sinabing malnutrisyon, hindi lamang ito ang mga Pilipinong kulang sa timbang o payat na payat, kundi maging ang mga obese, sobra sa timbang o kaya naman ay kulang sa kaukulang nutrisyon sa katawan.


Pinakamalaking bilang ng nangangailangan ng atensyon sa suliraning ito ang mga bata na napatunayang sa kanilang paglaki o pagsapit ng kanilang adulthood ay nagiging unproductive at may malulubhang karamdaman tulad ng sakit sa puso at diabetes.


Sa ngayon, 30 porsyento ng mga batang may edad 5 pababa ay nababansot at delayed ang physical and mental development dahil sa poor nutrition. Sabi nga ng World Health Organization, nagdudulot ng negatibong epekto sa buhay ng isang tao kung sa unang 1,000 araw pa lamang niya sa mundo (mula sa ipinagbubuntis pa lamang siya hanggang sa edad na 2) ay kulang na siya sa nutrisyon. Maaaring makaapekto ito nang malaki sa kanyang abilidad sa pag-iisip kaya’t kadalasan ay mahina rin ang kanyang performance sa paaralan. Sa kanyang pagtanda, madali siyang dapuan ng iba’t ibang karamdaman, na nagiging dahilan upang hindi rin siya maging produktibo sa kanyang pamumuhay.


Sa pagtataya ng Nutrition International, kung patuloy na magiging problema ng Pilipinas ang malnutrisyon sa mga darating na panahon, posibleng P2.3 trilyon ang mawala sa kita ng bansa dahil malaking bahagi ng populasyon nito ang hindi produktibo.


Isa sa mga batas na ating iniakda, ang Republic Act 11148 o ang Kalusugan ng Mag-Nanay Act (First 1,000 Days Law) ang direktang tumututok sa problema natin sa malnutrisyon, katunayan ang pagtatatag nito ng isang malawakang programa na magbibigay solusyon sa mga suliraning pangkalusugan ng mga bata.


Tumanggap ng malaking papuri ang batas na ito mula sa Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2, kung saan isa tayong commissioner, dahil sa mga aksyong nagawa ng naturang batas para labanan ang stunting and malnutrition.


Isa rin sa mga batas na ating inisponsor sa Senado at isa rin tayo sa mga author ay ang Republic Act 11210 o ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law. Sa ilalim ng batas na ito, kapwa tinututukan ang kalusugan ng nanganak na ina at ng kanyang bagong silang na sanggol. Pangunahing layunin ng batas na masigurong maibibigay ng ina sa kanyang sanggol hanggang sa ikaanim na buwan nito ang kinakailangang nutrisyon. Sa loob ng higit tatlong buwang maternity leave, mas nakakapagpokus ang ina sa pag-aalaga sa kanyang anak at nakatutulong din ito sa kanya upang mabawi ang lakas mula sa pinagdaanang hirap sa panganganak.


Matatandaan na sa mga unang taon ng aking namayapang ama bilang senador, nagsilbi siyang principal author o pangunahing may-akda ng Republic Act 7600 o ang Rooming-In and  Breastfeeding Act of 1992. Malaking tulong sa pangangatawan at mental development ng isang sanggol ang regular na pagpapasuso sa kanya ng kanyang ina hanggang sa ikaanim na buwan at maging kaakibat ang breast milk sa iba pang nutrisyon ng bata pagkalipas ng ikaanim na buwan nito.


Sa huling taon naman natin bilang Finance committee chairman ng Senado, kung saan huling taon na rin natin bilang senador, siniguro nating may nauukol na pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act o pambansang budget ang mga programang tututok sa proper development ng mga bata, partikular ang mga nasa laylayan ng lipunan. 


Naglaan tayo ng P19 milyon sa Early Childhood Care and Development program para pondohan ang pagsasanay ng child development workers at ng mga guro. Base ito sa rekomendasyon ng EDCOM 2 na gawing professionalized ang child development workers dahil sila ang sumisiguro na nabibigyan ng tamang nutrisyon ang mga bata mula edad 0 hanggang 4, at may access sa early education sa kani-kanilang komunidad.

May inilaan din tayong P300 milyon sa Department of Health na gagamitin sa pagtulong sa nutritionally-at-risk mothers na hindi nasasailalim sa DOH-World Bank Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project.


Hindi natatapos sa mga programang ito ang tulong ng gobyerno sa pagresolba sa malnutrisyon. Marami pang makabuluhang batas at programa ang nakahanda kaya’t kailangang makalap natin ang lahat ng suliraning pangkalusugan na nagiging dahilan ng stunting and malnutrition ng mga batang Pinoy. 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 3, 2024


Agarang Solusyon by Sonny Angara


Nitong huling dalawang taon, nakita natin ang muling pagbangon ng ating turismo. Matatandaan na isa ang industriyang ito sa pinadapa ng pandemya na naging dahilan upang lumamya nang husto ang ekonomiya ng iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas.


Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang 2023 Philippine Tourism Satellite Accounts Data, lumalabas na ang sektor na ito ang nakapagtala ng pinakamataas na growth rate.


Ibinabase ng PSA ang paglalabas ng mga datos na ito sa Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA), kung saan noong 2023, umabot sa 8.6% (GDP) ang naibahaging lakas ng TDGVA sa ekonomiya ng Pilipinas.


Nabatid na noong nakaraang taon ay umakyat sa P2.08 trilyon ang TDGVA o 47.9 percent growth mula sa P1.41 trilyong naitala nito noong 2022.


Ang ilan sa nagpalakas sa turismo, base sa Tourism Satellite Account ng PSA ay ang accommodation services, food and beverage serving activities, transport services, travel agencies at iba pang reservation services. Nariyan din ang entertainment and recreation services, shopping and miscellaneous services.


Ang kinita naman ng sektor sa inbound tourism o ang pagpasok ng mga dayuhang turista sa bansa ay umabot sa P697.46 bilyon o pumalo sa 87.7 percent growth rate. Ang domestic tourism expenditure naman ay lumago ng 72.3 percent o kumita ng P2.67 trilyon.


Talagang pansin na pansin natin ang napakabilis na pagbangon ng ating turismo dahil sa sipag at tiyaga ng Department of Tourism sa pangunguna ni Tourism Secretary Christina Frasco na maipakilala sa iba’t ibang panig ng mundo ang Pilipinas. Congratulations sa inyo, Sec.!


Ngayong taon naman, sa unang apat na buwan, nakapag-ulat ang DOT ng pagdagsa ng mahigit 2 milyong turista sa ‘Pinas. Unang apat na buwan pa lamang ‘yan sa target ng sektor na makapagtala ng 7.7 million arrivals bago matapos ang taon.


So, saan galing ang datos na nagpapakita ng increased tourist arrivals?


Una, dahil sa matiyagang promotion campaigns at marketing ng DOT na mas lalo pang pinalakas ng partners nito. Pangalawa, ang visa-free entry para sa mga dayuhang mula sa 157 countries na binigyan ng ganitong pribilehiyo.


Sinisikap din ngayon ng DOT na ma-streamline ang pag-iisyu ng mga visa para sa cruise travellers, matapos tayong makapagtala ng pagtaas sa cruise arrivals noong 2023 na umabot sa 101,573 passengers. Isa ang cruise arrivals sa tinitingnang pinakamahalagang aspeto ng turismo sa kasalukuyan. At bago nga natapos ang buwan ng Mayo, umabot pa sa 123,042 pasaherong sakay ng cruise ships ang bumisita sa ‘Pinas.


Kung ganitong tuluy-tuloy ang pagtaas ng ating tourist arrivals, dapat, siguruhin ng gobyerno na magiging maganda at masaya ang karanasan ng ating mga bisita. Anu-ano ba ang puwedeng makapagpasaya sa mga turista? Siyempre, isa r’yan ang magandang airport na walang kontrobersiyal na problema tulad ng sirang air-conditioning systems, mga lumang kagamitan, at nito ngang mga huling buwan, pagdagsa raw ng mga daga at ang pagkakaroon ng surot sa mga upuan. Umaasa tayo na sa tulong ng pribadong sektor ay maaayos ang mga problemang ito sa mga lumang paliparan at makapagpatayo ng mga bago.


Problema rin hanggang ngayon ang transportasyon dahil nga wala pa tayong high-speed rail system na mabilis na makapagbibiyahe ng mga pasahero, lalo na ‘yung malalayo ang destinasyon. Kung may ganito sana tayong transport system, mas marami pang dayuhan ang maipapasyal natin sa mga naggagandahang lugar sa ‘Pinas at tiyak na makakatulong pa ito sa kabuhayan ng mga probinsyang ‘yan. Pero dahil nga sa napakabagal na land travel natin, hindi ito madalas na nagagawa.


Nito ring 2023, nakapag-ulat ang DOT ng kabuuang P509 billion tourism investments. Ibig sabihin, tumaas ng 34 percent sa record nito noong 2022. Ang pinakamataas na factor dito, ayon kay Sec. Frasco ay ang accommodation sector na lumaki ng 51% sa kabuuan.


Hindi natatapos dito ang patuloy na paglago ng ating turismo. Sa walang patid na pakikiisa at pakikipagtulungan ng private sector partners ng DOT, pasasaan ba’t isang araw ay kaya na rin nating makipagtagisan ng ganda sa mga pinakasikat na tourist destinations sa iba’t ibang bahagi ng globa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 23, 2024


Agarang Solusyon by Sonny Angara

Sa pagdaan ng mga taon, nakikita natin ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya na kaakibat ang napakaraming impormasyon na sa isang pindot lang ay nakararating sa mamamayan.


Noon, hindi lahat ng tao ay may access sa internet dahil napakamahal ng subscription. Pero ngayon, naging mas madali na ang internet access at mas mura na ang halaga nito. Ang kailangan mo lang, mobile phone, o iba pang gadget. At kahit sa kaunting budget, puwede ka na makipagtalastasan sa social media o socmed kung tawagin natin.


Maganda naman sana na naging mas madali na ang access ng mga Pilipino sa internet. Pero sa paglipas ng panahon, naging tulay ang social media sa iba’t ibang katiwalian tulad ng disinformation o ‘yung mga kumakalat na impormasyong walang basehan, at ang iba, gawa-gawa lamang.


Ang paglala ng disinformation sa socmed ay kalat na kalat na at posibleng makaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Mas nagiging seryoso ang problema natin sa usaping ito kapag panahon ng kampanya hanggang sa mismong mga araw bago sumapit ang eleksyon. ‘Yan kasi ang isa sa mga ginagamit na paraan ng mga supporter ng kandidato kung paano nila isusulong ang kandidatura ng kanilang manok, habang may ilang grupo naman na ginagamit ang socmed para manira ng isang kandidato o kung sinumang indibidwal.


Wala  mang eksaktong datos na magpapakita kung gaano kalala ang epekto ng disinformation sa resulta ng eleksyon, inatasan pa rin kamakailan ni Comelec Chairman George Garcia ang isang unit ng poll body para suriin ang posibleng paggamit ng artificial intelligence o AI, gayundin ng deepfake technology sa eleksyon. Ipinag-utos ng opisyal ang pagbabawal sa teknolohiyang ito sa 2025 elections sapagkat maaari umanong i-impersonate nito ang mga personalidad na paniniwalaan naman ng publiko.


Sa kasalukuyan, mula 50% hanggang 85% ng mga Pinoy ay may internet access. Ayon sa Department of Information and Communications Technology, isa ang Pilipinas, kundi man nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang top users ng internet. Tayo rin ang gumugugol ng maraming oras sa social media apps. Ibig sabihin, babad na babad talaga ang Pilipino sa socmed. Pero sa mga binibisita nating websites, anu-ano ang nakakatulong sa atin para maging productive tayo sa buhay?


Sana, nakakatulong sa buhay natin ang pagbababad natin sa internet at ‘yan ang isa sa mga gusto nating mangyari base sa inihain nating panukala sa Senado – ang Senate Bill 625, ang National Digital Transformation Act. Layunin nito na mahulma ang digital skills ng mamamayan at gawing permanente ang isang national digital transformation strategy at ang isang national skills development strategy. Ito ay para masiguro na bawat Pilipino ay nabibigyan ng mas malinaw na pag-unawa sa kahalagahan ng information and communications technology (ICT) para naman ma-develop nila ang kanilang ICT skills. Kung may sapat tayong kaalaman dito, mas magiging malawak din ang kaalaman natin kung paano madi-disseminate ang tunay at pekeng impormasyon na nakikita at nababasa natin sa internet.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page