- BULGAR
- Aug 14
ni Eddie M. Paez Jr. @Sports News | August 14, 2025
Photo: Chezka Centeno - IG
Impresibong porma ang muling nasaksihan mula kay Chezka Centeno nang daigin nito si 3-time world 9-ball champion Liu Sasha noong semifinals ng 12th World Games sa palaruan ng Tianfu Campus Gymnasium sa Chengdu, China.
Dominanteng 7-4 na panalo ang inirehistro ni "The Flash" Centeno kay Sasha na naging daan naman ng pagkuha ng una ng kanyang upuan sa pangkampeonatong duwelo sa larangan ng women's 10-ball.
Dahil dito, nakakasigurado na si Centeno ng isang medalya sa World Games arena sa pagsagupa niya kagabi sa finals. Matatandaang noong 2017 World Games ay nakakuha ng ginto si Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Carlo Biado.
Mainit ang naging arangkada ni Centeno kontra sa kalabang Intsik, 2-0. Bagamat nasaksihan ang isang 3-3 na pagbalikwas ni Sasha, pamatay na pagtatapos (4-1) naman ang nagtulak sa alas ng Zamboanga papunta sa gold medal match.
Pinag-aagawan nina Centeno at Chinese lady cue star Han Yu ang titulo habang binabalangkas ang artikulong ito.
Umusad naman si Yu sa finals matapos talunin si Ina Kaplan (7-3, Germany) sa kabilang hati ng semis. Sa bakbakan para sa tansong medalya, naungusan ni Sasha si Kaplan sa gitgitang pamamaraan, 7-6.
Nauna rito, inilampaso ni World 8-Ball Championships runner-up Centeno si Maria Teresa Ropero Garcia (Spain) sa iskor na 7-2 upang makandaduhan ang kanyang puwesto sa round-of-4 at lalong mapalapit sa trono.