ni Anthony E. Servinio @Sports | May 8, 2025
Photo: Buttler, Curry at Hield - Golden State Warriors FB
Baligtad na ang mundo ng 2025 NBA Playoffs Conference Semifinals at wala pa ring panalo ang mga paboritong koponan sa kanilang mga tahanan. Nanaig ang mga bisitang Golden State Warriors at Indiana Pacers.
Nalampasan ng Warriors ang hamon ng maagang pagkawala ni Stephen Curry upang tambakan ang Minnesota Timberwolves sa Game 1, 99-88. Lumikha ng Milagro si Tyrese Haliburton para takasan muli ng Pacers ang Cleveland Cavaliers sa Game 2, 120-119 at itayo ang 2-0 bentahe.
Nasaktan ang hita ni Curry at napilitang umupo na may 8:19 pa sa pangalawang quarter at lamang ang GSW, 30-20. Hindi na siya bumalik subalit inangat ng mga kakampi ang laro at lumaki ang agwat sa 76-53 sa pangatlong quarter at sapat na iyon.
Nakahanap ng tagasalba ang GSW kay Draymond Green na may 24 puntos, Jimmy Butler III na may 20 at 11 rebound at Buddy Hield na may 18. Kabuuang 13 minuto lang si Curry subalit mayroon na siyang 13 mula sa tatlong tres.
Nanguna sa Minnesota si Anthony Edwards na may 23 subalit nalimitahan siya sa isang free throw sa unang 2 quarter. Ang Game 2 ay sa Biyernes sa Target Center pa rin.
May 12 segundong nalalabi, ipinasok ni Haliburton ang unang free throw buhat sa foul ni Ty Jerome at sadyang minintis ang pangalawa, 118-119. Nakuha ang offensive rebound at tumira ng himalang 3-points na may isang segundo sa orasan at hindi na nakaporma ang Cleveland.
Ipinasok ni Haliburton ang 11 ng kanyang 19 sa huling quarter. Namuno sa Pacers sina Myles Turner at Aaron Nesmith na parehong may 23 habang 19 din si Bennedict Mathurin. Nasayang ang 48 ni Donovan Mitchell. Lilipat ang serye sa Gainbridge Fieldhouse para sa Game 3 sa Sabado at Game 4 sa Lunes.