top of page
Search

ni V. Reyes | June 30, 2025



PUV Jeepney driver - File Photo

Photo File


Pumayag na umano ang ilang kumpanya ng langis na magbigay ng hindi bababa sa piso kada litrong diskuwento sa mga drayber ng pampublikong sasakyan upang maibsan ang epekto ng serye ng oil price hike.


Ayon kay Department of Energy (DOE) officer-in-charge Secretary Sharon Garin, resulta ito ng pakikipag-usap sa mga nasa industriya ng langis para matulungan ang mga tsuper.


"Nakausap natin 'yung Petron, Caltex, Shell at Cleanfuel. Everyday naman, 'yan mini-meeting kada isa. At least meron silang mga P1 discount sa kada litro sa lahat ng public utility vehicles," ayon kay Garin.


"So, bawi rin 'yan kasi hindi namin masyadong makontrol ang presyo. Sabi ng batas, 'wag n'yong kontrolin. So, humihingi kami ng tulong sa mga oil companies," dagdag nito.


Binanggit pa ni Garin na marami ring promo bilang loyalty program at diskuwento ang mga kumpanya ng langis na maaaring tangkilikin ng mga pribadong motorista.


Matatandaang dalawang beses na nagpatupad ng bigtime na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong nakaraang linggo.

 
 

ni V. Reyes | June 5, 2025



200 Pesos - BSP

Photo File: BSP



Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 11376 o Wage Hike For Minimum Wage Earners Act na naglalayong dagdagan ng P200 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.


Sa botong 171 na pabor, isang tumutol at walang abstain, aprubado na ng mga kongresista ang panukalang legislated wage hike na tatlong dekada nang itinutulak na mapagtibay.


Sa ilalim ng panukala, kahit regular o hindi regular na empleyado ay masasakop ng dagdag-sahod.


“Upon the effectivity of this Act, the daily rate of all minimum wage workers in the private sector, regardless of employment status, including those in contractual and sub-contractual arrangements, whether agricultural or nonagricultural, shall be increased by two hundred pesos (P200) per day,” ayon sa Section 3 ng panukalang batas.


Upang makatulong naman sa mga maliliit na negosyong maoobliga sa dagdag-sweldo, maaaring magbigay ng compliance incentives ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ito.


“The following establishments may apply for exemption from compliance with the minimum wage increase as provided by this Act: (a) retail or service establishments regularly employing not more than ten (10) workers; and (b) establishments adversely affected by natural calamities or human-induced disasters,” dagdag pa sa panukala.


Kapag ganap nang naging batas, magiging P845 ang daily minimum wage sa Metro Manila mula sa kasalukuyang P645. 


Itataas naman sa P760 ang daily minimum wage sa mga nasa probinsya mula sa kasalukuyang P560. 


Maaaring maharap sa multang P100,000 hanggang P500,000 ang mga kumpanyang hindi susunod sa regulasyon ng batas.

 
 

ni V. Reyes | Apr. 29, 2025



Photo: Bulusan Volcano - Sorsogon PIO/Juban MDRRMO

Photo: Bulusan Volcano - Sorsogon PIO/Juban MDRRMO


Apektado ng ashfall ang ilang bayan sa Sorsogon kasunod ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon, Lunes ng umaga.


Ayon sa Sorsogon Provincial Information Office, partikular na apektado ng ashfall ang mga bayan ng Juban at Irosin.


Nabatid din mula kay Philippine National Police Region 5 Director Andre Dizon, na mahigit sa 100 indibidwal o 33 pamilya sa mga apektadong barangay ang inilikas na.

Sinasabing makapal na abo ang bumalot sa mga Barangay Puting Sapa at Buraburan sa bayan ng Juban habang katamtaman sa Brgy. Guruyan at iba pang barangay.


Inabisuhan na rin ang mga motorista na magdahan-dahan sa pagbiyahe sa mga kalsadang apektado ng ashfall.


Alas-4:36 ng madaling-araw nang maganap ang phreatic eruption sa Bulkang Bulusan na tumagal hanggang alas-5 ng madaling-araw.


Ang phreatic eruption ay ang pagbuga ng usok o steam bunga ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaaring lumapit sa magma.


Sa impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), inabot ng hanggang 4.5 kilometro ang pagbunga mula sa bunganga ng bulkan.


Nakataas na ngayon ang Alert Level 1 (Low-level unrest) sa Bulkang Bulusan kasunod ng pagsabog.


Inabisuhan na rin ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na sundin ang pinaiiral na 4-kilometer radius permanent danger zone.


"Vigilance in the 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) on the southeast sector must be exercised due to the possible impacts of volcanic hazards such as PDCs, ballistic projectiles, rockfall, avalanches and ashfall on these danger areas," dagdag pa ng PHIVOLCS.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page