ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 8, 2026

Photo: SS / Viral / Circulated
Nasa cloud 9 pa sana si Vice Ganda mula sa pagkakapanalo niyang Best Actor sa nakaraang 51st Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Call Me Mother at short vacation abroad bago bumalik sa hosting job sa It’s Showtime pero ngayon, viral na naman at naba-bash ang Unkabogable Star sa social media.
May isang Pinoy fan kasi na nakakita at nag-video kay Vice sa airport habang pabalik ng ‘Pinas ilang araw pa lang ang nakararaan.
Nag-viral ang naturang video clip dahil sa dialogue ng may-edad nang babae na “Ay, si ano ‘to, artista. Si ano ‘to. Artista ‘to. Ito ‘yung sikat na artista sa Pilipinas,” pero hindi mabanggit ang name ni Vice.
Dagdag pang bati-tanong ng babae kay Vice Ganda habang patuloy na kinukunan ng video ang naglalakad na It’s Showtime host, “Uwi ka na ng ‘Pinas? Happy New Year!”
Nilingon naman ni Vice ang fan at bumati rin ng “Happy New Year po!” pero kasunod nito ay nag-dialogue ang komedyante ng “‘Di n’yo nga ako kilala, ate, eh!” na sinundan ng mahinang tawa.
Nagpaliwanag ang fan na nakikita niya sa TV si Vice pero malamang, na-startstruck at na-mental block ito kaya ‘di masabi ang pangalan ni Meme.
Sa puntong ‘yun ng video ay maririnig ang baklang kasama ni Vice na nag-dialogue ng “Tama na video, Mother!”
Sa episode naman ng It’s Showtime nu’ng Lunes (Enero 5), sa isang portion ng show ay ni-reenact ni Vice ang nangyari sa airport at du’n nga umamin ang TV host na nabuwisit at napikon siya sa ginawang pag-video ng fan at pagsasabi pa sa kanya na sikat siya sa ‘Pinas pero hindi naman pala siya kilala.
Hirit ni Vice sa isang contestant ng show, “Kamukha mo ‘yung nagbi-video sa ‘kin sa airport,” na sinundan ng pag-ulit nito sa dialogue ng fan, “Ay, kilala ko ‘to, eh. Sikat ‘to. Sikat ‘to, eh. Artista ‘to, eh.”
Pagkatapos, du’n na nga umamin si Vice na na-offend siya sa ginawa ng fan. “Tapos echosera, ‘di raw niya alam ang pangalan ko, eh, kitang-kita ko siya nu’ng nakita niya ako, ‘Si Vice Ganda,’ tapos vinideo ako.”
Dagdag pang kuwento nito, “Ang layo ng nilakad niya, girl, ha? Talagang binuwisit niya ako. ‘Ay, sikat ‘to, eh. Sikat ‘to!’ Ganito ang mukha nu’n (patungkol sa contestant). Ayoko nang ikuwento ‘yung buo dahil maba-bash ka lalo, ‘day!”
Dahil sa viral video, samu’t sari na naman ang reaksiyon ng mga netizens kay Vice. May mga nakakaintindi sa Unkabogable Star dahil baka pagod daw sa biyahe at nagmamadaling makauwi. May mga kumampi rin na nakakainsulto naman talaga ‘yung way ng pagkakasabi ng babae na sikat si Vice pero ‘di niya mabanggit ang name.
Pero may mga netizens din ang humirit na nagpakita na naman ng kagaspangan ng ugali at pag-a-attitude si Vice. Kitang-kita raw sa paglalakad nito nang mabilis kahit alam na may kumukuha sa kanya ng video ang kayabangan at dedma lang sa kapwa Pilipino na humahanga sa kanya. At mas nakumpirma pa nga raw ang pagiging ‘entitled’ nito dahil sa bibig niya mismo nanggaling ang para sa kanya ay ‘pambubuwisit’ ng fan dahil panay ang sabing sikat siya pero ‘di nga mabanggit ang name niya.
May mga nagsabi ring bakit hindi na lang sinabi ni Vice sa naturang fan ang kanyang pangalan kung ‘di nito mabanggit nang diretso. Ang mahalaga naman daw ay nakilala siya nito.
Hindi rin maiwasang maikumpara ng ilan na nu’ng nagmo-mall tour at nagpo-promote si Vice ng Call Me Mother ay todo-kaway ito sa mga fans, pero nu’ng may fan ngang nakakilala sa kanya sa airport, nagmamadali itong maglakad at nagalit pa ang kasama na kinunan siya ng video.
Well, ayaw na naming makadagdag sa stress at anxiety ni Vice sa dami na naman ng namba-bash ngayon sa kanya. Basta ang masasabi na lang namin, the more tayong bine-bless ni Lord, mas dapat tayong maging mapagkumbaba at mabait sa ating kapwa.
Agree, mga Mother?

SA unang episode ng taon ng CIA with BA, tinalakay sa segment na Tanong ng Pilipino ang isang viral video kung saan makikitang hinaharang ng mga pulis ang isang SUV na umano’y tumatakas.
Sa nasabing video, makikita rin ang pagbabasag ng windshield ng sasakyan, na agad nagbunsod ng diskusyon tungkol sa paggamit ng puwersa ng kapulisan.
Dahil dito, may viewer na nagtanong, “Kailan pinapayagan ang pulis na gumamit ng ganitong klaseng pwersa?”
Umani ang video ng iba’t ibang reaksiyon online, partikular kung lehitimo ba ang naging aksiyon ng mga pulis.
Ayon kay Atty. Matt Cesa, nakadepende sa sitwasyon ang paggamit ng puwersa at dapat itong angkop sa banta.
“Kailangan mong gumamit ng force depende sa situation. Kung may danger sa ibang tao, may harm sa sarili mo, ‘di mo magawa ‘yung duty mo, kailangan mong mag-inflict ng commensurate force,” paliwanag niya.
Iginiit naman ni Atty. Rafael Rivera ang prinsipyo ng necessity.
“You may use force as it is necessary,” aniya, sabay sabing ang ikinilos ng driver sa video ay maaaring ituring na banta na nangangailangan ng agarang aksiyon ng kapulisan.
Dagdag pa ni Rivera, base sa nakikitang sitwasyon, makatwiran ang pagpigil sa sasakyan.
Tinalakay din ng panel ang posibleng kaso kung mapatutunayang ilegal ang pagkakuha ng sasakyan. Ayon kay Atty. Marian Cayetano, maaaring kasuhan ang driver ng carnapping.
Sa pagtatapos ng talakayan, napapanahon ang paalala ni Tito Boy Abunda laban sa mabilis na paghuhusga batay lamang sa viral videos.
“We’re so quick to judge base sa ating napapanood sa social media… may tendency tayong gumawa ng sarili nating assumptions,” aniya, na hinikayat ang publiko na unawain muna ang buong konteksto ng bawat insidente.
Ang CIA with BA na pinangungunahan nina Senador Alan at Pia Cayetano at ni Tito Boy ay napapanood tuwing Linggo, alas-11 ng gabi sa GMA-7.






