- BULGAR
- 7 hours ago
ni BRT @News | June 23, 2025
File Photo: Bureau of Customs PH
Tinatayang P219.5 milyong halaga ng smuggled fuel ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa La Union Port.
Huli sa akto nitong Huwebes ng gabi ang motor tanker na MT Bernadette habang naglilipat ng diesel patungo sa isang lorry truck.
Ayon sa BOC, nadiskubre rin na may dalawa pang lorry truck na may lamang diesel fuel na nagmula sa naturang tanker.
Sa imbentaryo nitong Biyernes, tinatayang nasa 200,000 litro ng diesel ang nasa tanker, habang may 19,000 litro at 40,000 litro naman sa dalawang trak.
Nasa 259,000 litro ang kabuuan ng umano'y ipinuslit na fuel.
Kaugnay nito, hindi umano nakapagpakita ng anumang dokumento ang 10 tripulante ng MT Bernadette upang patunayan ang legalidad ng kanilang aktibidad.
Inaresto ang drayber, porter, lookout, at iba pang sinasabing kasabwat sa operasyon kaya umabot sa 21 ang kabuuang bilang ng mga naaresto.
Ang mga may-ari, kapitan ng barko, crew, at iba pang mga sangkot ay nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at TRAIN Law.