top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 13, 2026



Onemig Bondoc at Aiko Melendez - IG

Photo: Onemig Bondoc at Aiko Melendez - IG



‘Kaaliw itong si Onemig Bondoc sa ipinost niyang: “Happy Together.. after 29 years,” na kasama si Konsehala Aiko Melendez sa kanyang Instagram (IG) account nitong Linggo dahil nagmukhang magdyowa na sila.


Inakala ng lahat na sila na, lalo’t nagkomento pa ang kapatid ni Aiko na si Michico Castañeda Bibit ng, “Love it, happy for you, guys!” at saka itinag sina Onemig at Konsi Aiko.

Sinagot naman ito ng konsehala ng “Thank you,” na parang inayunan nito ang pagbati sa kanila ni Uno (palayaw ni Onemig).


Sinundan pa ito ng “Aww!” na komento ng anak ni Aiko na si Marthena Jickain, na kasalukuyang nasa Chicago, Illinois, USA kasama ang amang si Martin Jickain.

Bukod sa mga komentong ito mula mismo sa mga kapamilya ng konsehala ng 5th District ng Quezon City, iisipin talaga na couple na ang dalawa. 

Kaya naman halos iisa ang sinasabi ng mga netizens. 


“Yown! Congrats, nakabalik na, kilig naman hanggang dulo,” at marami pang iba.

Kaya nagpadala kami ng mensahe kay Aiko kung sila na ni Uno.


“Hindi pa, Ate. His post was a reference na after 29 years, sinipot ko na rin s’ya,” sagot ni Aiko sa amin.


Sabi namin na hindi kasi ito naipaliwanag nang malinaw kaya inakala ng marami na after 29 years ay natuloy na sila bilang lovers, lalo’t nag-like pa si Marthena at may mga bumati na.


“Nasa getting to know and catch up kami kasi ang tagal naudlot ng story namin,” paliwanag pa ni Aiko.


At dahil siguro maraming nag-assume na may relasyon na sina Uno at Aiko, nag-live sila sa TikTok (TT) para sagutin ang mga tanong ng mga netizens.


Sa tanong kung magdyowa na sila ni Uno, diretsahang sagot ng konsehala, “Hindi!”

Susog ng single dad, “I wish. Pero ‘di n’ya pa ako sinasagot.”


Dagdag pa ni Onemig na seryoso siya at totoo ang nararamdaman niya kay Aiko at hindi ito AI (artificial intelligence).


Bakit nga ba magkasama sina Onemig at Aiko at ang posisyon nila sa larawang ipinost ng una ay parang magdyowa na, o baka naman pareho lang silang content creator at for views ito?


Agarang sagot ng single mom, “Hindi po kami gagawa ng pelikula. Wala po kaming anumang project together. You know naman that Onemig is not active anymore in showbiz.


So it has nothing to do with tsismis or whatever.”


Sundot ni Uno, “We’re just friends. Real friends.”


Hayan, malinaw na getting to know each other pa lamang ang dalawa dahil marami na ring nabago sa kani-kanilang buhay pagkalipas ng 29 years na binata’t dalaga pa sila noon.



Sa away ni Dennis at mga anak…

GENE: ‘DI KAMI GUMAGAWA NG KUWENTO, LALO NA NG KASINUNGALINGAN



UNANG beses pa lang daw na-bash si Gene Padilla dahil sa issue ng kapatid na si Dennis Padilla at ng mga anak nito sa kasal ni Claudia Barretto last year, kaya dapat ang tanong sa kanya ay kung ano ang natutunan ng mga bashers sa kanya.


“Dapat, ano’ng natutunan nila, ‘di po ako. Dahil unang-una, ‘yung mga bashers, actually, that was the first time na nagkaroon ako ng ganu’n karaming bashers dahil hindi naman ako sanay sa ganu’n.


“Matagal na po ‘yung alitan, ‘yung mga salitaan, pero never po akong nakialam.

“Kung may pag-uusap man, it’s between the family. Sa side ko, with my brother, pero hindi naman kami sumagot pagkatapos ng interbyu ng kabila kasi ‘pag sumagot pa kami, ‘di po matatapos.


“At pareho kaming parte nila at parte namin. Pareho lang maaapektuhan, kaya ang pinili namin ay maging mabuting tao na lang,” paliwanag ng aktor.


Dagdag pa niya, “Sa tanda ko na po sa industriya at bilang tao, napakahirap para sa akin at sa aking kapatid na gumawa ng kuwento, lalo na ng kasinungalingan. Kaya dapat, mag-move on na lang tayo at ‘wag patulan ang mga trolls o bashers. Sila po ang tsismoso at tsismosa ng social media.”


Ang hindi raw malilimutan ng kapatid ni Dennis ay sinabihan siyang mawala na raw at idinamay pa ang kanilang ina.


“Mabibigat po ang binitawan sa akin na sana mamatay na ako, mamatay ang kapatid ko, at mamatay ang nanay ko. Wala po kayong narinig sa akin. Kaya ayoko pong magpainterbyu. Natsambahan n’yo lang ako,” ani Gene.


Kaya ang payo niya sa mga bashers, “Naniniwala po ako na habang tumatanda tayo, panahon na para mag-ipon ng kaibigan dahil sa edad namin, napakaiksi na po ng oras.”


At ang komento ng aktor para sa mga pamangkin niyang anak ni Dennis kay Marjorie Barretto, “Kung may mga pamangkin po na ayaw sa amin o sa akin, okay lang po. Basta gusto ko pa rin sila. Ganu’n po talaga ang buhay. God bless na lang to each and everyone.”


‘God bless’ din ang mensahe ni Gene kay Marjorie, at kapag nagkita raw sila ay babatiin niya ang dating hipag.


Sey niya, “Babatiin ko po kasi makatao naman kami.”

Well, pansinin kaya siya ni Marjorie Barretto? Abangan!


 
 

ni John Mark Jumao-as (OJT) @Lifestyle | January 9, 2026



Black Nazarene 2026


Sa puso ng Maynila matatagpuan ang Quiapo, isang sentro ng kalakalan, kultura, at tagpuan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ngunit higit sa pagiging mataong distrito, ang Quiapo ay kilala bilang tahanan ng Nuestro Padre Hesus Nazareno, ang banal na imahe ni Hesus na may pasan na krus na minamahal at dinarayo ng milyun-milyong deboto.


Noong 1606, dumating sa Pilipinas ang mga Augustinian Recollect dala ang imahen ng Itim na Nazareno mula sa Mexico. Sa simula, ito ay inilagay sa Recollect Church of St. John the Baptist sa Bagumbayan na ngayo’y Luneta, at kalaunan ay inilipat sa San Nicolas de Tolentino Church sa Intramuros, Manila. Sa paglipas ng panahon, mabilis na lumaganap ang debosyon ng mga Pilipinong Katoliko sa Nazareno.


Dahil sa dumaraming deboto, iniutos ni Archbishop Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina na ilipat sa Quiapo Church ang imahe ng Itim na Nazareno sa pagitan ng taong 1767 hanggang 1787, para mas madaling mapuntahan ng mga mamamayan, lalo na ng mga deboto.


Kaya naman naging banal na tahanan na ng Black Nazarene ang naturang simbahan. At sa paglipas ng taon noong 1780, ipinagkaloob ni Pope Pius VII ang Apostolic Blessing sa mga namamanata sa imahen ng Nazareno. Isang bahagi ng debosyon ang pagdaraos ng prusisyon sa imahe kung saan naghikayat na lumahok sa mga tao mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.


Noong Enero 29, 2024, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng parokya, nagtipon ang mga obispo ng Pilipinas sa Quiapo Church para sa opisyal na pagkilala rito bilang “National Shrine of Jesus Nazareno”.


Naging matagumpay ito at kalaunan ay ginawa ang Quiapo Church na sentro ng isa sa pinakamalaking religious devotion sa mundo — ang Mahal na Poong Itim na Nazareno.

 
 

ni Vin Vaness Bello (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026



Black Nazarene 2026


Isa sa pinakamahahalagang bahagi ng taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila ay ang mga makabuluhang ritwal na "Dungaw" at "Pahalik". Ito ay nagpapakita ng malalim na debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.


Ang “Dungaw”, kilala rin bilang “La Mirata”, ay ang sandali kung saan humihinto ang andas (carriage) ng Poong Hesus Nazareno sa harap ng Minor Basilica at Parish of San Sebastian upang matingnan at magbigay-galang sa imahen ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian, ang tinaguriang “Reyna ng Quiapo.”


Ito ay sinasabing “religious courtesy” sa pagitan ng patron ng Quiapo at San Sebastian na simbolo ng pagmamahal at panalangin sa paglalakbay ng Itim na Nazareno sa itinakdang ruta ng prusisyon o Traslacion.


Ayon sa dating kura paroko ng Basilica Minor de San Sebastian, ang imahen ni Mother Mary ay ilalabas sa pagtatapos ng prusisyon, hindi bilang biblical reenactment, kundi pagbati sa imahen ng Poong Hesus Nazareno.


Bahagi rin ito ng Traslacion mula pa noong 19th century at muling ibinalik bilang opisyal na tradisyon noong 2014 matapos itong mahinto ng mga nakaraang dekada.


Sa kabilang banda, ang “Pahalik” ay matagal nang debosyon kung saan nagpupunta ang mga deboto sa Quirino Grandstand at Quiapo Church upang hawakan, halikan o punasan ng kanilang panyo ang imahen ng Black Nazarene bago at pagkatapos ng prusisyon nito.


Para sa maraming deboto, ang “Pahalik” ay pagkakataon upang ipahayag ang kanilang panata, humingi ng himala, at magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.


Tunay na napakahalaga ng dalawang ritwal na ito, na hindi lamang bahagi ng panata kundi malalim na representasyon ng pananampalataya, pasasalamat, at pag-asa ng libu-libong deboto na taunang dumadalo para sa Traslacion.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page