top of page
Search

ni Gina Pleñago @News | September 6, 2025



Missile ng China - PCG

Larawan: Ang mag-ina na inaresto ng mga operatiba ng Taguig City Police na sinasabing magkasabwat sa online exploitation sa 7 menor-de-edad. (Gina Pleñago)



Sa entrapment at rescue operation ng mga tauhan ng Taguig City Police Station, hinuli ang isang ina at dalagang anak na magkasabwat umano sa online exploitation sa pitong menor-de-edad kabilang ang sariling anak, nitong Miyerkules ng gabi.


Ayon sa ulat ni Taguig CPS OIC P/Col. Byron Allatog, sina alyas Hazel, 42, at Joylyn, 19, ng Calzada-Tipas, Taguig City, ay nakakulong na habang inihahanda ang isasampang reklamong paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), na inamyendahan ng RA 10364, RA 11862, RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act).


Alas 10:20 ng gabi nitong Setyembre 3, nang isagawa ang operasyon sa bahay ng mga suspek kung saan nailigtas ang pitong menor-de-edad.


Natuklasan ang ginagawa ng mag-ina nang isa sa biktima ang nagkwento sa kanyang guro na agad  ipinaalam naman sa pulisya.


Matapos ang validation at koordinasyon sa Women and Children Protection Desk (WCPD), nakumpirma sa operasyon ang ilegal na gawain nang makuha ang mga hubad na larawan at video online ng mga batang may edad 3-17.


Nakumpiska rin ang ilang sexual gadgets at cellphone na ginamit sa online sexual exploitation.   


Kasama ng kapulisan ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para kumilos bilang pansamantalang tagapag-alaga. Pinadali ang medico-legal na eksaminasyon at medikal na pagsusuri, at nagbigay ng kagyat na psychosocial intervention.


Nakipag-ugnayan na rin ang Lungsod ng Taguig sa child-caring facility kung saan ililipat ang mga biktima para sa pangmatagalang rehabilitasyon pagkatapos ng inquest proceedings.


Mariing kinondena ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang panibagong kaso ng child exploitation at nangako na walang humpay ang gagawing pagbabantay laban sa child exploitation na katunayan ay nasa 50 menor-de-edad na ang nailigtas simula noong 2022.


Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang ina ng mga biktima ay nagre-record ng malalaswang video ng kanyang mga anak at ibinebenta ito online o sa mga dayuhan sa halagang P2,500 kada transaksyon.


Iniulat na siya ay tinulungan ng kanyang 19-anyos na anak na babae, na pinilit din ang kanyang 3-anyos na anak, apo ng suspek, sa pagsasamantala.


 
 

ni Gina Pleñago @News | August 6, 2025



Missile ng China - PCG

Larawan mula sa PCG



Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na may pagsabog na naganap sa Puerto Princesa, Palawan kasunod ng pagpapakawala ng rocket ng China, kamakalawa.


Ang pangyayari ay iniulat ng NBI-Puerto Princesa City District Office matapos alamin ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang napaulat na pagsabog sa naturang petsa.


Pinangangambahan naman ng mga residente sa Puerto Princesa City matapos makarinig ng malakas na pagsabog mula sa kalangitan sa kanilang lugar.


Inilarawan nilang tunog bilang malalim at sumasalubong o reverberating boom, na unang inakalang may pangyayari sa himpapawid o kaya ay lindol (seismic).


Sa beripikasyon ng NBI-PUERDO, ang pagsabog ay kasabay ng takdang paglulunsad ng rocket ng Tsina na Long March 12, na naganap sa pagitan ng 6:14-6:42 ng gabi mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan Province, China.


Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang landas ng rocket ay dumaan malapit sa Palawan, na may potential zones ng mga debris na natukoy na humigit-kumulang 21 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 18 nautical miles mula sa Tubbataha Reef.


Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Space Agency ay nakumpirma na ang acoustic shockwave ay naaayon sa mga epekto ng atmosphere mula sa high-altitude rocket propulsion and stage separation.


Wala namang naiulat na napinsala o nasaktan ngunit ang insidente ay nagdulot ng pansamantalang alarma, lalo na sa mga barangay sa baybayin.


Pinayuhan ang publiko na iwasang lumapit o humawak sa anumang mga hinihinalang fragment ng rocket dahil sa mga potensyal na lason na residues at manatiling kalmado habang ang mga otoridad ay nagsisikap na pamahalaan ang sitwasyon.


 
 

ni Gina Pleñago @News | July 19, 2025



$580,000 at P1.2M cash NAIA - Bureau of Customs

Photo File


Nabulilyaso ang isang babae nang mahuli sa patibong ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sinasabi umanong abortionist nang magbenta online ng abortion pills sa nagpanggap na buyer sa Makati at nalaman sa Maynila nang ituro ng delivery rider kahapon.


Hindi otorisado o lisensyado ang babaeng suspek na magbenta ng medisina na nahuli sa entrapment operation noong Hulyo 14, 2025 ng mga ahente ng NBI Dangerous Drugs Division, sa Maynila.


Natuklasan ang online selling ng suspek, agad ikinasa ang entrapment, ani NBI Dangerous Drugs Division chief Jonathan Galicia.


Apat na klase ng abortion pills ang nakumpiska na tinawag ng NBI bilang “do-it-yourself” abortion kit with instructions dahil hindi na aniya, kailangan pa ng medical supervision.


Aniya, may inilabas na advisory ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa paggamit ng nasabing mga gamot.


Ang naarestong suspek ay nahaharap na sa reklamong paglabag sa Food and Drug Administration (FDA) Law, Cybercrime Prevention Act, Pharmacy Law.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page