ni Ryan Sison @Boses | Mar. 23, 2025

Isang mapanganib at nakagagambalang aktibidad ngayon na ginagawa ng marami ang ilegal na karera ng mga motorsiklo sa mga lansangan at expressway.
Ayon sa Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG), nakarating sa kanila ang video ng sinasabing motorcycle drag racing sa Central Luzon Link Expressway (CLLEX) sa Nueva Ecija.
Batay sa report, madalas na nakatsinelas lamang, walang suot na motorcycle gear at helmet ang mga rider na nakikipagkarera ng lagpas 100 kilometers per hour, kung saan nagdudulot ng seryosong banta sa kanilang sarili at sa iba pang mga motorista.
Ang drag race na ito ay may malaking pusta na umaabot ng hanggang P150,000, na isinasagawa nila anumang oras, ito man ay hapon kung kailan nakakaabala sa mga dumaraang sasakyan o kaya sa gabi kahit pa walang ilaw sa kalsada o expressway.
Agad na nagkasa ng operasyon ang PNP HPG, matapos silang makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga residente ng lugar, na nagresulta sa pagkakaaresto sa anim na rider kung saan nakitaan ng mga paglabag sa batas trapiko at land transportation rules habang nasamsam ang mahigit 10 motorsiklo.
Bukod sa reklamong ingay na dulot ng modified motorcycle muffler, giit ng kagawaran na ang mga naturang karera ay naglalagay sa panganib sa mga kalahok nito at mga inosenteng motorista. Gayundin, ang mga binagong sasakyan ay nagdaragdag ng risk ng mechanical failure, na maaaring humantong sa mas matinding aksidente.
Sa ngayon ay nakikipagtulungan na ang PNP HPG sa pamunuan ng CLLEX upang maiwasan ang expressway na maging hotspot para sa illegal drag racing.
Ang ilegal na karera ng motorsiklo ay hindi lamang nagdudulot ng panganib sa mismong mga rider kundi pati na rin sa ibang motorista at mga indibidwal. Kaya sana huwag tayong pasaway para hindi makaperhuwisyo at walang ring madamay.
Kung talagang gustong sumali at interesado sa mga ganitong klase ng karera, dapat legal at iyong aprubado ng gobyerno sa halip na ilagay sa panganib ang ating buhay dulot ng aktibidad na ito sa mga lansangan.
Paalala rin sa mga kababayang rider na laging magsuot ng tamang gear at helmet tuwing nagmomotorsiklo habang maging maingat sa pagmamaneho.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com