top of page
Pokwang.jpg

Ignite, pasok na sa playoffs sayang, wala roon si Sotto

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 8, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 8, 2021





Hinintay pa ng G-League Ignite ang huling araw ng regular season kahapon bago makapasok sa playoffs ng 2021 NBA G-League sa loob ng bubble sa ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida. Hawak ang kanilang kapalaran, nagtrabaho ng todo ang Ignite upang talunin ang Austin Spurs, 127-92, upang masungkit ang ika-walo at huling pwesto sa playoffs na magsisimula agad ngayong Martes ng umaga, oras sa Pilipinas.


Bumuhos si Amir Jackson ng 27 puntos habang double-double si Isaiah Todd na may 25. Nagdagdag ng 18 puntos si Fil-Am Jalen Green. Si 7'2 Pinoy cager Kai Sotto ay kasama sa paunang listahan ng Ignite subalit hindi niya nagampanan ang kanyang tungkulin at umuwi ng Pilipinas upang maglaro para sa Gilas Pilipinas. Hindi na siya nakabalik sa Ignite matapos ipagpaliban ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Qatar.


Nagtapos ang Ignite na tabla ang 8-7 kartada sa Oklahoma City Blue subalit nanaig sa bisa ng kanilang 109-103 tagumpay noong Pebrero 12. Nakatanggap ng malaking tulong ang Ignite mula sa Santa Cruz Warriors na tinalo ang Blue sa naunang laro noong hapon, 113-103, kaya naging mahalaga na manalo sila sa Spurs.


Haharapin ng Ignite sa knockout playoffs ang numero unong Raptors 905 (12-3). Tinalo nila ang Raptors, 113-105, noong Pebrero 13 subalit iba na ang usapan kapag playoffs na.


Ang magwawagi ay tutuloy sa semifinals kontra sa mananalo sa #4 Spurs (10-5) at #5 Delaware Blue Coats (10-5). Nasa kabilang bahagi ng bracket ang #2 Warriors (11-4) laban sa #7 Rio Grande Valley Vipers (9-6) at #3 Erie Bayhawks (11-4) kontra #6 Lakeland Magic (9-6).


Sumasabay at hindi lumalayo sa liderato ng karamihan ng torneo, muntik na ma-disgrasya ang Ignite at hindi makakapasok sa playoffs matapos matalo ng tatlong sunod-sunod bago ang laban sa Austin. Dumapa ang Ignite sa Blue Coats (92-120), Agua Caliente Clippers (111-116) at Vipers (107-130).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page