top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Haharap na sa best-of-3 ang Grizzlies at Jazz

BULGAR
May 23, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 23, 2021




Nagpasikat si Ja Morant sa overtime upang itulak ang bisitang Memphis Grizzlies sa 117-112 panalo sa Golden State Warriors sa huling araw ng NBA State Farm Play-In Tournament kahapon sa Chase Center. Napunta sa Grizzlies ang huling puwesto sa playoffs at haharapin ang numero unong Utah Jazz sa seryeng best-of-three simula sa Lunes.


Matapos ibalik ng tres ni Jordan Poole ang lamang sa Warriors, 109-107, ipinasa ni Morant ang bola kay rookie Xavier Tillman para sa tres na nagpalamang sa kanila, 110-109. Sinundan ito ng dalawang magkasunod na buslo ni Morant upang lumayo, 114-109, at apat na segundo ang nalalabi.


Hindi basta sumuko ang Golden State at bumomba ng tres si Poole para lumapit, 112-114. Matapos tumawag ng timeout si Coach Taylor Jenkins, sinigurado ng Desmond Bane ang panalo matapos ang dunk at free throw galing sa foul ni Poole sa huling dalawang segundo.

Lamang ang Memphis, 95-85, subalit humabol ang Golden State sa huling 3 minuto ng 4th quarter upang itakda ang overtime sa buslo ni Andrew Wiggins na may 33 segundo sa orasan. Sinundan ng magandang depensa at may pagkakataon na manalo agad ang Warriors ngunit nagmintis si Draymond Green sabay tunog ng busina.

Nagtapos si 2020 Rookie of the Year Morant na may 35 puntos at sinundan ni Dillon Brooks na may 14. Nasayang ang 39 puntos ni Stephen Curry at triple double ni Green na 11 puntos, 16 rebound at 10 assist.

Ngayong buo na ang 16 koponan, magsisimula ngayong araw ang apat na seryeng best of seven sa Round One ng playoffs. Ang pagbisita ng #6 Miami Heat sa #3 Milwaukee Bucks ang magtataas ng telon sa Eastern Conference sa 2:00 ng umaga at susundan agad ng Western Conference sa pagitan ng #5 Dallas Mavericks at #4 LA Clippers sa 4:30 ng umaga.

Matapos lumusot sa Play-In, haharapin ng #7 Boston Celtics ang #2 Brooklyn Nets sa 8:00 ng umaga. Magwawakas ang aksyon sa pagdalaw ng #6 Portland Trail Blazers sa #3 Denver Nuggets sa 10:30 ng umaga.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page