Biado at Manas ng Asia vs. rest of the world,, abangan

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | October 9, 2026

Photo: Circulated
Maraming miron ng pagtumbok ang inaasahang naglalaway na sa muling pagsiklab ng digmaang binansagang Reyes Cup dahil inanunsyo na ang pangalan ng mga bilyaristang kakatawan sa Team Asia at sa Team Rest of the World ngayong Oktubre.
Nanunumbalik para sa mga Asyano si Duong Quoc Hoang ng Vietnam pati na ang Pinoy tandem nina Carlo Biado at Albert James Manas. Dinomina ni "The Martian" Hoang ang Premiere League Pool (PLP) 2026, si "Black Tiger" Biado ang kasalukuyang hari ng 9-ball sa buong daigdig habang reigning Reyes Cup MVP naman si "Starboy" Manas.
Aayuda sa kanila sa paligsahang isinasaayos ng Matchroom sina U.S. Open finalist Robbie Capito ng Hongkong gayundin si PLP podium finisher at Indon protege Albert Januarta.
Powerhouse ang nagpaplanong rumesbak na Team Rest of the World. Ang koponan ay binubuo nina Derby City Classic Master of the Table Shane Van Boening (USA), US Open king Francisco Sanchez Ruiz (Spain), ang Rusong si Fedor Gorst na nangibabaw sa China Open, Joshua Filler mula sa Germany at Serbian Aleksa Pecelj.
Samantala, kinandaduhan nina Biado at Manas ang runner-up honors para sa Pilipinas nang magsara ang tagisan ng husay sa Men's Double 10-Ball World Championships sa Bali International Convention Center ng Indonesia.





Comments