Pagtaguyod ng PSAA Esports mas palalakasin ang MLBB

by MC @Sports News | October 9, 2026

Photo: Higit na palalakasin ng PSAA Esports ang larong Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) sa pangunguna nina CreamLoops Marketing Manager Pamela Ann Abril, PSAA founder at sports organizer Fernando “Butch” Arimado sa pagbisita sa TOPS “Usapang Sports” kasama sina Campaign Manager Racel Santos, Event Director Keith Christina Valler at P-pop sensation Believe bilang brand ambassador. (Gen Villota)
Malaking tulong para sa Esports ng Philippine Schools Athletic Association (PSAA) ang pagtataguyod ng kauna-unahang competition ng school-based league ang Creamloops para sa ikalimang season sa susunod na buwan.
May kabuuang 16 na koponan mula sa walong miyembrong paaralan ng PSAA ang maglalaban-laban sa Mobile Legends: Bang Bang.
Sisimulan ang torneo sa Nob. 11, matapos ang basketball season ng liga. Ang unang esports event ng PSAA ay nakikita bilang isa pang mahalagang hakbang sa patuloy na pagsisikap ng asosasyon na palawakin ang sports program.
Ang partnership ay isang paraan upang masuportahan ang mga kabataang atleta at makatulong sa pagpapaunlad ng grassroots sports.
“Masaya at proud kami na ma-organize ang esports para sa PSAA. Ilang taon na rin kaming sumusuporta sa esports at palagi naming hinahangaan ang mga student-athlete na disiplinado at responsable, at kayang pagsabayin ang kanilang pag-aaral at sports,” pahayag ni CreamLoops Marketing Manager Pamela Ann Abril sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) sa Philippine Sports Commission Conference Room kahapon.
Partikular na pinili ng kumpanya ang Mobile Legends: Bang Bang para sa PSAA competition dahil kinikilala nito ang lumalaking popularidad ng esports sa mga estudyanteng Pilipino at ang potensiyal ng organisadong paglalaro bilang plataporma para sa disiplina, teamwork at pag-unlad sa kompetisyon.
Ang kampeon ay tatanggap ng ₱100,000 cash at CreamLoops products, habang makakakuha naman ng ₱50,000 ang runner-up at ₱30,000 ang third-place finisher.
Malugod namang tinanggap ni PSAA founder at sports organizer Fernando “Butch” Arimado, na siya ring nagtatag ng National Youth Basketball League, ang partnership at inilarawan ito bilang malaking dagdag-suporta sa batang asosasyon. Kasama nina Abril at Arimado sa TOPS forum sina Campaign Manager Racel Santos, Event Director Keith Christina Valler, at Believe, ang pinakabagong P-pop sensation sa bansa at brand ambassador ng kumpanya.





Comments