US nagre-ready vs. Iran
- BULGAR

- 17 hours ago
- 2 min read
by Jenny Rose Albason @World News | February 16, 2026

Photo: Donald J. Trump - FB
Naghahanda ang militar ng Estados Unidos para sa posibilidad ng tuluy-tuloy at ilang linggong operasyon laban sa Iran kung mag-uutos si US President Donald Trump na atakihin ang bansa.
Ayon sa kanila, mas malawak at mas seryoso ang plano kumpara sa mga naunang military retaliation ng Amerika.
Nakasaad na nakatakdang makipagpulong sina Steve Witkoff at Jared Kushner, kinatawan ng Amerika, sa mga kinatawan ng Iran sa Geneva sa Martes, sa tulong ng Oman bilang tagapamagitan para talakayin ang kasunduang pangkapayapaan. Sinabi naman ni US Secretary of State Marco Rubio na mas nais ni Trump ang kasunduan sa Tehran, ngunit aminadong mahirap itong makamit.
Kasabay nito, patuloy ang pagdami ng puwersang militar ng US sa rehiyon. Kinumpirma ng Pentagon ang pagpapadala ng karagdagang aircraft carrier, libu-libong tropa, fighter aircraft, at guided-missile destroyers sa Middle East.
Sa isang talumpati sa North Carolina, binanggit ni Trump ang posibilidad ng “regime change” sa Iran, bagama’t hindi tinukoy kung sino ang nais niyang pumalit. Ayon sa White House spokesperson na si Anna Kelly, “all options on the table with regard to Iran,” at si Trump ang magpapasya base sa interes ng Amerika. Tumanggi namang magkomento ang Pentagon sa detalye ng operasyon.
Noong nakaraang taon, nagsagawa ang US ng limitadong pag-atake sa mga nuclear site ng Iran, kabilang ang “Midnight Hammer” na gumamit ng stealth bombers. Gumanti ang Iran sa pamamagitan ng limitadong strike sa isang base ng US sa Qatar. Ayon sa mga opisyal, mas kumplikado ang planong operasyon ngayon, at posibleng targetin hindi lamang ang nuclear facilities kundi pati ang mga pasilidad ng estado at seguridad ng bansa.
Babala ng mga eksperto, mataas ang panganib sa mga puwersa ng US dahil sa arsenal ng missile ng Iran. Posible rin na ang serye ng gantihan ay magpalawak sa tensyon ng gera sa buong rehiyon. Matatag ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran at sinabi nitong maaari silang gumanti laban sa alinmang base militar ng US sakaling atakihin ang kanilang teritoryo.
May mga base militar ang US sa Jordan, Kuwait, Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, United Arab Emirates, at Turkey. Sa gitna ng tumitinding tensyon, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na anumang kasunduan sa Iran ay dapat maglaman ng elementong makikinabang sa Israel. Ipinahayag naman ng Iran na handa silang talakayin ang limitasyon sa nuclear program kapalit ng pag-alis ng mga sanksyon ng Amerika, ngunit tumangging isama sa negosasyon ang kanilang missile program.








Comments