top of page

Sapul sa bigtime oil price hike... PUV drivers, bigyan ng P5K ayuda — PBBM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | March 12, 2026



Bongbong Marcos at PUVs - LTFRB 2

Photo: Pangulong Bongbong Marcos at PUVs - LTFRB



Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang agarang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para sa mga pampasaherong tsuper na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng umiiral na tensyon at giyera sa Middle East.


Pinulong ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang mga Metro Manila mayors kahapon para plantsahin ang mabilis at maayos na pamamahagi ng tulong.


“Bilang mayors, kayo ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon at bilang ng mga tricycle at jeepney drivers sa inyong mga lungsod. Kaya mahalaga ang ating pagtutulungan. Sa mabuting koordinasyon at sabayang pagkilos, mas mabilis nating maipaparating ang tulong sa bawat driver na nangangailangan,” ani Recto.


Magsisimula sa susunod na linggo ang distribusyon ng fuel subsidy sa Metro Manila, na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr).


Kasunod nito, agad na ipatutupad ang pamimigay sa iba pang rehiyon sa buong bansa.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, unang ipamamahagi ang cash aid sa mga tricycle driver sa pamamagitan ng kani-kanilang local government units (LGUs).


Kalahati aniya ng P60 bilyong pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis in Situations (AICS) ang inilaan para sa naturang programa.


“Ang napagkasunduan namin ng mga alkalde ng Metro Manila at later on sa buong bansa ay by Tuesday next week, sisimulan na natin iyong pagbigay ng tulong-pinansyal,” saad niya.

“The DSWD is ready. The President has instructed us to make use of everything in our arsenal to make sure na hindi maapektuhan ang mga kababayan natin,” diin ng DSWD chief.


Makakatanggap din ng P5,000 cash aid ang mga driver ng jeepney, taxi, bus, at transportation network vehicle services (TNVS) sa mga susunod na linggo, na posibleng ipamahagi sa Abril ayon naman kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.


“Definitely lahat po ‘yan mabibigyan but we have to start somewhere,” saad ng Transportation chief


“Ang utos at usapan ngayon ay ‘wag pahirapan ang ating mga kababayan kaya po cash payout.”


“Kung iyong perang iyon ay gagamitin nila sa subsidy fuel subsidy nasa kanila iyon, kung iyon ay gagamitin nila pambili ng gamot, pangkain okay din po iyon sa gobyerno sa amin sa DOTr at sa Pangulo, kasi iyong pera sa kanila po iyon,” hirit ni Lopez. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page