top of page
WINNER - ISA SA MGA HOSTS NA NANLAIT SA ANAK NI KRIS, NAGPAKITA NA SA NBI_FB Circulated.jp

Pinirmahang 2024, 2025, 2026 budget, ilegal... BBM, lagot! — Sara

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | October 22, 2026



Inday Sara Duterte at Bongbong Marcos - FB

Photo: Inday Sara Duterte at Bongbong Marcos - FB



Hinamon ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpaliwanag kung bakit nilagdaan nito ang mga pambansang badyet na kalaunan ay idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema (SC).


Ayon kay Duterte, hindi umano sumunod ang mga nasabing badyet sa mga panukalang paggasta na isinumite mismo ng administrasyon sa Kongreso.


Sinita rin ng Bise Presidente ang mga miyembro ng Kongreso sa kanilang papel sa pagpasa ng mga badyet, at inakusahan ang bicameral conference committee na hindi na ginagampanan ang tungkulin nitong masusing suriin ang mga panukalang paggasta, sa halip na nagsisilbi umanong “stamping pad” ng Malacañang.


“Ang pambansang badyet ay pera ng taumbayan, hindi kasangkapan sa pamumulitika at personal na interes ng mga nasa pwesto sa gobyerno,” ani Duterte.


“Ipinagtanggol ng Korte Suprema ang batas. Ngayon, panahon na upang managot sa taumbayan si Pangulong Marcos at ang mga miyembro ng Kongreso,” wika pa niya.


Sinabi ni Duterte na pinagtibay ng desisyon ng Korte Suprema ang kanyang babala noong 2024 na hindi na umano ginagampanan ng bicameral conference committee ang orihinal nitong tungkulin na suriin at pag-isahin ang magkahiwalay na bersyon ng badyet na inaprubahan ng House of Representatives at Senado.


Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang General Appropriations Act (GAA) para sa 2024 matapos dagdagan ng Kongreso ng P449.5 bilyon ang unprogrammed appropriations, mula sa P281.9 bilyong nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) tungo sa P731.4 bilyon sa pinagtibay na badyet.


Idineklara rin ng mataas na hukuman na labag sa Konstitusyon ang 2025 budget dahil sa P17.99 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Bukod dito, pinawalang-bisa rin ng SC ang ilang probisyon sa 2026 budget na may kaugnayan sa pagpapalabas ng unprogrammed appropriations dahil sa kakulangan ng mga pananggalang at masyadong malawak na mga kondisyong maaaring gamiting batayan sa pagkuha ng pondo.


Ang unprogrammed appropriations ay mga nakalaang pondong maaaring ilabas kapag natugunan ang mga itinakdang kondisyon, gaya ng paglampas ng koleksiyon ng kita ng pamahalaan sa target nito.


Nilinaw naman ng Korte Suprema na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang naturang mga pondo, ngunit kailangang sumunod ang mga ito sa mga limitasyong itinakda ng Konstitusyon at magkaroon ng malinaw na prayoridad sa paggasta.


Samantala, sinabi ng Malacañang nitong na hihilingin nito sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang ilang bahagi ng desisyon.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi sang-ayon ang administrasyon sa mga kondisyong itinakda ng hukuman para sa pagpapalabas ng unprogrammed appropriations.


Iginiit din ng Palasyo na hindi dapat managot si Marcos sa paglagda sa mga nasabing badyet. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page