top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | March 12, 2026



Bongbong Marcos at PUVs - LTFRB 2

Photo: Pangulong Bongbong Marcos at PUVs - LTFRB



Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang agarang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para sa mga pampasaherong tsuper na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng umiiral na tensyon at giyera sa Middle East.


Pinulong ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang mga Metro Manila mayors kahapon para plantsahin ang mabilis at maayos na pamamahagi ng tulong.


“Bilang mayors, kayo ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon at bilang ng mga tricycle at jeepney drivers sa inyong mga lungsod. Kaya mahalaga ang ating pagtutulungan. Sa mabuting koordinasyon at sabayang pagkilos, mas mabilis nating maipaparating ang tulong sa bawat driver na nangangailangan,” ani Recto.


Magsisimula sa susunod na linggo ang distribusyon ng fuel subsidy sa Metro Manila, na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr).


Kasunod nito, agad na ipatutupad ang pamimigay sa iba pang rehiyon sa buong bansa.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, unang ipamamahagi ang cash aid sa mga tricycle driver sa pamamagitan ng kani-kanilang local government units (LGUs).


Kalahati aniya ng P60 bilyong pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis in Situations (AICS) ang inilaan para sa naturang programa.


“Ang napagkasunduan namin ng mga alkalde ng Metro Manila at later on sa buong bansa ay by Tuesday next week, sisimulan na natin iyong pagbigay ng tulong-pinansyal,” saad niya.

“The DSWD is ready. The President has instructed us to make use of everything in our arsenal to make sure na hindi maapektuhan ang mga kababayan natin,” diin ng DSWD chief.


Makakatanggap din ng P5,000 cash aid ang mga driver ng jeepney, taxi, bus, at transportation network vehicle services (TNVS) sa mga susunod na linggo, na posibleng ipamahagi sa Abril ayon naman kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.


“Definitely lahat po ‘yan mabibigyan but we have to start somewhere,” saad ng Transportation chief


“Ang utos at usapan ngayon ay ‘wag pahirapan ang ating mga kababayan kaya po cash payout.”


“Kung iyong perang iyon ay gagamitin nila sa subsidy fuel subsidy nasa kanila iyon, kung iyon ay gagamitin nila pambili ng gamot, pangkain okay din po iyon sa gobyerno sa amin sa DOTr at sa Pangulo, kasi iyong pera sa kanila po iyon,” hirit ni Lopez. 

 
 

by Mai Ancheta @News | March 4, 2026



PUV public transport vehicle HD - Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB

Photo: Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB



Pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbigay ng provisional fare increase sa halos lahat ng uri ng pampublikong transportasyon kung aabot ng hanggang P60 per liter ang presyo ng diesel.


Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, ang plano ay ikinukonsidera sa gitna ng tumataas na pandaigdigang presyo ng langis bunsod na rin ng nagaganap na tensiyon sa Gitnang Silangan.


Sinabi ni Mendoza na naisumite na ang resolution sa petisyon ng mga pampublikong bus at jeep, at pagpapasyahan na ito sa lalong madaling panahon.


Humihirit ang transport groups ng dalawang pisong minimum increase sa jeepney at bus habang P20 naman para sa flagdown rate ng Transport Network Vehicle Services.

Hiniling naman ng provincial bus operators ang dagdag na singkwenta sentimos kada kilometro, habang ang point to point buses (P2P) ay 30% hanggang 40%fare hike. 


 
 

ni V. Reyes | June 30, 2025



PUV Jeepney driver - File Photo

Photo File


Pumayag na umano ang ilang kumpanya ng langis na magbigay ng hindi bababa sa piso kada litrong diskuwento sa mga drayber ng pampublikong sasakyan upang maibsan ang epekto ng serye ng oil price hike.


Ayon kay Department of Energy (DOE) officer-in-charge Secretary Sharon Garin, resulta ito ng pakikipag-usap sa mga nasa industriya ng langis para matulungan ang mga tsuper.


"Nakausap natin 'yung Petron, Caltex, Shell at Cleanfuel. Everyday naman, 'yan mini-meeting kada isa. At least meron silang mga P1 discount sa kada litro sa lahat ng public utility vehicles," ayon kay Garin.


"So, bawi rin 'yan kasi hindi namin masyadong makontrol ang presyo. Sabi ng batas, 'wag n'yong kontrolin. So, humihingi kami ng tulong sa mga oil companies," dagdag nito.


Binanggit pa ni Garin na marami ring promo bilang loyalty program at diskuwento ang mga kumpanya ng langis na maaaring tangkilikin ng mga pribadong motorista.


Matatandaang dalawang beses na nagpatupad ng bigtime na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong nakaraang linggo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page