ni Angela Fernando @News | Nov. 19, 2024
Photo: Pangulong Bongbong Marcos / RTVM
Nagbigay si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ng P50-milyong tulong sa lalawigan ng Catanduanes bilang tugon sa pinsalang dulot ng Super Typhoon Pepito.
Personal na iniabot ni Marcos ang tseke mula sa Office of the President kay Governor Joseph Cua sa isang seremonya na ginanap sa Virac Sports Complex.
Bago ipagkaloob ang nasabing tulong, nagsagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang ilang miyembro ng gabinete ng aerial inspection sa lalawigan ng Catanduanes upang suriin ang iniwang epekto ni Pepito.
Kasama ng Pangulo sa inspeksyon sina Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma, at Interior Secretary Jonvic Remulla.
Samantala, base sa datos mula sa pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes, mahigit 39,500 pamilya o higit 137,000 katao ang naapektuhan ni Pepito nu'ng nakaraang weekend—tinatayang 3,760 na bahay ang malubhang nasira at 10,713 na bahay naman ang bahagyang napinsala sa lalawigan.