P23M shabu sa mga CCTV, naharang sa NAIA
- BULGAR

- 5 hours ago
- 1 min read
ni Gina Pleñago @News | February 20, 2026

Photo: Ang mga umano'y shabu na inilagay sa loob ng lalagyan ng idineklarang CCTV kits sa OBC warehouse sa NAIA Complex Pasay City. (via Gina Pleñago)
Muling nakasamsam ang Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng ilegal na droga mula sa dalawang abandonadong package sa OBC Warehouse, NAIA Complex, Pasay City.
Ang mga package na parehong idineklarang CCTV kits, ay isinailalim sa beripikasyon at masusing sinuri kung saan nadiskubre na naglalaman ng hinihinalang shabu na may halagang aabot sa P22,997,600.
Ayon sa Customs, ang unang package ay nagmula sa Malawi, Africa, na naglalaman ng 2,370 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na P16,116,000.
Habang ang ikalawang package ay nagmula naman sa Johannesburg, South Africa, na naglalaman ng 1,012 gramo ng umano'y shabu na may halaga na P6,881,600.
Ang mga ilegal na droga ay pormal na itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang kustodiya, pagtatapon, at karagdagang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni NAIA BOC District Collector Atty. Maria Yasmin O. Mapa, na mas pinalalakas ang pagbabantay sa mga paliparan at warehouse, katuwang ang iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang drug smuggling networks sa mga paliparan sa bansa.








Comments