top of page

Namemeligro sa Olympics, NBA U.S. tinalo ng Australia

  • BULGAR
  • Jul 14, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 14, 2021



Nasa peligro ba ang asam na gold medal ng mga NBA superstars ng U.S. sa 2020+1 Tokyo Olympics? Ipinatikim ng World #3 Australia ang ikalawang sunod na talo sa mga #1 Amerikano sa exhibition game, 91-83, kahapon sa Michelob ULTRA Arena sa Las Vegas, Nevada.

Nagpasikat si Patty Mills sa harap ng kanyang coach sa San Antonio Spurs na si USA coach Gregg Popovich sa pagsabog ng 21 puntos, kasama ang pandiin na buslo na nagbigay sa Australia ng 88-83 na lamang. Sinundan ito ng isa pang free throw ni Mills, ang bibitbit ng bandila sa pambungad na parada ng Olympics, at nanaig ang depensa na nagresulta sa buslo ni Joe Ingles ng Utah Jazz upang tuldukan ang malaking panalo.

Hindi nakapuntos ang Team USA sa huling 2:58 matapos ang isang free throw ni Kevin Durant upang lumapit, 83-86. Maliban kay Mills at Ingles, nakalista din sa Australia ang mga NBA player na sina All-Defense Matisse Thybulle ng Philadelphia 76ers, Dante Exum ng Houston Rockets, Josh Green ng Dallas Mavericks, Aaron Baynes ng Toronto Raptors at Matthew Dellavedova ng Cleveland Cavaliers sa gabay ni Coach Brian Goorjian.

Galing ang Australia sa makapigil hiningang 87-84 tagumpay sa #4 Argentina noong isang araw. Ipinasok ni Mills ang tres sabay ng huling busina para maiwasan ang tabla. Sariwa pa sa alaala ng Team USA ang nalasap na 87-90 sa #22 Nigeria noong isang araw.

Isa sa mga assistant ni Coach Popovich ang dating Northern Consolidated shooter Chip Engelland. Naging mamamayan ng Pilipinas si Engelland upang katawanin ang bansa noong Dekada 80.

Susunod para sa U.S. ang Argentina ngayong araw. Magkikita muli sila ng Australia sa Sabado at wawakasan ang paghahanda laban sa #2 Espanya sa Lunes bago tumulak pa-Japan.

Samantala, haharap sa matinding pagsubok ang Team USA Women laban sa WNBA All-Stars sa WNBA All-Star Game ngayong araw bilang kanilang paghahanda. Dahil dito, pansamantalang titigil ang mga laro ng liga habang tumatakbo ang Olympics.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page