Heading ng Tropang 5G inisahan agad ang Bolts
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 21, 2026

Photo: Malakas na umangat si KJ Quinto ng Meralco Bolts para pakawalan ang bola upang hindi abutan ng matinding depensa ng katunggaling ng Talk 'N Text Tropang 5G sa unang tagpo nila sa semifinals game ng PBA Commissioner's Cup best of seven series sa Ynares Center Antipolo City. (Reymundo Nillama)
Laro sa Biyernes - MOA
5:15 PM ROS vs. Ginebra
7:30 PM TNT vs. Meralco
Sumandal ang defending champion TNT Tropang 5G sa malakasang huling quarter upang mabigo ang Meralco Bolts, 94-89, sa pagbubukas ng 2026 PBA Commissioner's Cup Semifinals kagabi sa Ynares Center Antipolo.
Huling hinawakan ng Bolts ang 75-74 bentahe at mula doon ay gumana ng todo sina Calvin Oftana, Roger Pogoy at Jordan Heading upang ibalik sa 11 ang agwat, 88-77. Unang lumamang ang Tropa, 32-21, unang minuto ng pangalawang quarter.
Hindi basta tumiklop ang Meralco at lumapit sa four-points ni Bong Quinto, 89-92. Sinagot ito ng buslo ni super import Bol Bol upang makahinga ang Tropa at kumapit sila sa nalalabing 46 segundo.
Napiling Best Player si Heading na may 15 puntos bilang reserba. Nagsumite muli ng halimaw na numero si Bol na 37, 11 rebounds, walong assists at anim na tapal sa 42 minuto.
Ayon kay Coach Chot Reyes, ang pundasyon ng laro nila ay huwag sila daigin ng Meralco pagdating sa trabaho. Kailangan higitan nila ang enerhiya ng kalaro.
Nagtala ng 22 at 14 rebounds si Marvin Jones. Sumunod sina Quinto na may 17 at CJ Cansino na may 12. Tinatapos kagabi sa 2nd game ang unang laro ng #2 Barangay Ginebra at #3 Rain Or Shine Elasto Painters. Tinambakan ng Gin Kings ang ROS sa elimination, 114-90, noong Mayo 3 sa likod ng 40 ni Justin Brownlee.





Comments