Fajardo at Medecillo may laban vs. Japanese boxers

by Gerard Arce @Sports News | October 20, 2026

Photo: Fajardo at Demecillo
Determinadong maiuwi ng 2 Filipino title contenders na sina Miel “Silent Assassin” Fajardo at Zyvyr “Blitz Kid” Medecillo ang magkahiwalay na world title belt sa bansa kontra Japanese boxers sa Nob. 26 sa Ebara Wave Arena sa Ota-ku Tokyo, Japan.
Bagaman hindi pa siyento-por-siyento ang paghahanda at preparasyon sa bakbakan, aminadong pagtupad sa kanilang mga pangarap at mabigyan ng karagdagang kampeon ang Pilipinas, na tanging si International Boxing Federation (IBF) minimumweight titlist Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran ang Pinoy na kampeon.
Makakatapat ni Fajardo (14-3-2, 12KOs) si reigning IBF flyweight titlist Masamichi Yabuki (20-4, 18KOs), habang makakaharap ni Medecillo si reigning World Boxing Association (WBA) mini-flyweight champion Takeshi Ishii (12-1, 9KOs), na kapwa nasa pangangalaga ng Hong Kong-based RCT Boxing Promotions sa ilalim ng dating pro-boxer at CEO na si Lennon Tsoi.
“Gagawin lang namin yung pinaghandaan namin, yung pinag-ensayuhan namin, kase lagi rin namin pinapanood yung laban niya, kase magaling din siya sa counter, kaya tingin ko patibayan na lang talaga,” pahayag ni Fajardo kahapon sa ginanap na press conference ng “Double World Title: A Shot at history,” sa New World Makati Hotel sa Makati City.
“Kukunin ko talaga itong world championship na ito, kase ito talaga yung pinaka-pangarap namin ng papa ko at ng coaches namin,” bulalas naman ng 21-anyos kasunod ng unbeaten na 9-0 win-loss kartada kasama ang 5 panalo mula sa knockouts.





Comments