top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 29, 2025



Matinding pag-swak sa basket ang ginawa ni Rain or Shine Jhonard Clarito habang todo sa depensa si Cliff Hodge ng Meralco Bolts sa mainit na laro sa PBA 50th season Philippine Cup quarterfinals

Photo: Matinding pag-swak sa basket ang ginawa ni Rain or Shine Jhonard Clarito habang todo sa depensa si Cliff Hodge ng Meralco Bolts sa mainit na laro sa PBA 50th season Philippine Cup quarterfinals do or die match kagabi sa Araneta Coliseum. (Reymundo Nillama)


Laro ngayong Enero 4 - Araneta

5:15 PM Meralco vs. TNT

7:30 PM SMB vs. Ginebra


Binuo ng Meralco Bolts ang apat na magtatagisan sa semifinals ng 2025-26 PBA Philippine Cup matapos talunin muli ang paboritong Rain Or Shine Elasto Painters, 98-89, kagabi sa Araneta Coliseum.


Nag-aabang sa Bolts ang maagang nakapasok na TNT Tropang 5G sa seryeng best-of-seven ngayong Enero 4, 2026. Malaking tulong sa Bolts ang pangalawang quarter kung saan linimitahan nila ang ROS sa 11 puntos lang.


Dahil dito, nabura ang 26-20 bentahe ng E-Painters at lumamang ang Bolts sa halftime, 42-37, at matalinong inalagaan ito. Hinatid ni Chris Newsome ang pandiin na shoot, 90-82, papasok sa huling minuto. Humabolng tres si Adrian Nocum, 85-90, subalit iyan na kanilang huling hirit at kalmadong nagpasok ng mga free throw si Newsome upang mapreserba ang tagumpay.


Bumida si Newsome na may 31 puntos. Sumuporta si Chris Banchero na may 21 at CJ Cansino na may 14. Tinambakan ng Bolts ang E-Painters noong Sabado, 96-79, para ipilit ang knockout game. Tinalo ng TNT ang Meralco, 100-98, sa elimination round noong Oktubre 29.


Nabalutan ng emosyon ang laro at pormal na nag-retiro ang beteranong si Gabe Norwood. Nagsilbi ng 18 taon si Norwood sa ROS at Gilas Pilipinas. Nanguna sa ROS sina Nocum na may 29 at Gian Mamuyac na may 20. Nagtala si Norwood ng tatlo sa kanyang pagpapaalam.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 28, 2025



Pinagtulungan sa mahigpit na depensa nila Jeremiah Gray at Japeth Aguilar kapwa ng Ginebra San Miguel ang ginawang pag basket ni Alec Stockton ng Converge FiberXers

Photo: Pinagtulungan sa mahigpit na depensa nila Jeremiah Gray at Japeth Aguilar kapwa ng Ginebra San Miguel ang ginawang pag basket ni Alec Stockton ng Converge FiberXers habang nasa kasagsagan ng kanilang tagpo sa PBA 50th Season Philippine Cup Quarterfinals do or die match sa Araneta Coliseum. REYMUNDO NILLAMA



Nagbunga muli ang "Never Say Die" ng Barangay Ginebra at umulit sa Converge FiberXers sa overtime, 99-98, sa 2025-26 PBA Philippine Cup quarterfinals kagabi sa Araneta Coliseum. Bumira ng three-points si Stephen Holt kasabay ng huling busina para sa tiket sa semifinals. Kahit siyam na puntos lang, napiling Best Player si Holt.


Nanguna sa opensa sina RJ Abarrientos na may 20 at tig-13 sina Scottie Thompson at Jayson David. Pinilit ng Ginebra ang dagdag na limang minuto nang ipasok ni Jeremiah Gray ang tatlong free throw, 86-86, buhat sa foul ni Alec Stockton na may tatlong segundo sa pang-apat na quarter.


Sa overtime, humabol ang Gin Kings mula sa 93-97 butas simula sa malayong tres ni Troy Rosario na may 20 segundo sa orasan. Winalis ng Gin Kings ang dalawang laro para burahin ang twice-to-beat bentahe ng FiberXers.


Susunod sa semifinals para sa Ginebra ang naghihintay na defending champion San Miguel Beermen na pinauwi agad ang NLEX Road Warriors, 101-94, noong Araw ng Pasko. Kinalimutan ng Ginebra ang malambot na pagtatapos ng pangalawang quarter kung saan sinayang nila ang 37-29 lamang at inagaw ng Converge ang bentahe, 40-39.


Bumawi ang Gin Kings at bumalik sa 68-60 ang agwat sa mga shoot nina Abarrientos, David at Ralph Cu. Nagtala ng 25 para sa FiberXers si Juan Gomez de Liano. Sumunod si reserba Archie Concepcion na may 18 at Justin Arana na may 15 at 13 rebound.


Sa Enero 4 magsisimula ang hiwalay na seryeng best-of-seven semifinals. Ang kabilang serye ay sa pagitan ng TNT Tropang 5G at ang mananaig sa Rain Or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 25, 2025



Photo by Reymundo Nillama / Bulgar Sports


Nanigurado ang San Miguel Beer at inuwi na ang 2025 PBA Philippine Cup matapos daigin ang TNT Tropang 5G, 107-96, sa Game Six kagabi sa Philsports Arena. Nagwakas ang seryeng best-of-seven, 4-2, at walang iniwan na duda ang Beermen.


Bumalik ang malupit na opensa at nagsama sina June Mar Fajardo at Jericho Cruz para itulak ang Beermen sa kanilang pinakamalaking lamang sa pangatlong quarter, 80-60.


Patuloy na pumalag ang TNT sa likod nina Jordan Heading, Kelly Williams at Almond Vosotros subalit may nakahandang sagot ang Beermen. Walang shoot sa unang tatlong quarter, biglang uminit si Marcio Lassiter para sa mga pandiin na puntos.


Kasama ang mga napapanahong buslo nina Fajardo at Cjay Perez ay sinigurado ang resulta. Parehong nagtapos na may tig-24 puntos sina Fajardo at Perez at humakot din ng 12 rebound si Fajardo.


Nagtapos si Cruz na may 13 at siya rin ang napiling Finals MVP ng PBA Press Corps. Nanguna sa TNT si Calvin Oftana na may 14 ng kanyang 19 sa unang quarter na kinuha ng Tropa, 25-23.


Sumunod sina Williams na may 17 at Brandon Ganuelas-Rosser na may 15. Nagwagi ang TNT sa Game One, 99-96. Bumangon ang Beermen at nagwagi ng tatlong sunod – 98-92, 108-88 at 105-91 – bago humabol ng isa pa ang Tropa sa Game Five, 86-78.


Magpapahinga muna ang mga koponan at magtitipon muli sa Oktubre para sa ika-50 season liga. Magsisimula ang taon sa Philippine Cup kaya ilang buwan malalasap ng Beermen ang tagumpay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page