- BULGAR
- 2 days ago
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 16, 2026

Photo: Hindi nagpasindak si Ginebra San Miguel point guard Rj Abarrientos bagkus harapan nitong tumirada ng pag basket sa harap ng depensa ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beermen para semifinals game 6 best of seven series ng PBA Philippine Cup semifinals sa Araneta Coliseum. (REYMUNDO NILLAMA)
Laro ngayong Miyerkules - Ynares Antipolo
7:30 PM SMB vs. TNT
Nanigurado na ang defending champion San Miguel Beermen at dinurog ang Barangay Ginebra, 101-88, sa Araneta Coliseum kagabi upang makapasok sa 2025-26 PBA Philippine Cup Finals. Tinapos ng SMB ang semifinals seryeng best-of-seven, 4-2, at haharapin na ang TNT Tropang 5G simula Miyerkules sa Ynares Center Antipolo.
Unang quarter pa lang ay bumuhos ng 30 puntos si CJay Perez sa likod ng walang mintis sa kanyang 12 tira kasama ang tatlong tres at isang four-points. Mas marami ito sa buong Ginebra at nagsara ang quarter sa 39-25.
Lalong lumaki ang agwat sa pangalawang quarter, 59-41. Pinilit pa rin humugot mula sa diwa ng "Never Say Die" ang Gin Kings subalit masyadong malaki ang napuhunan ng SMB.
Bumagal ang puntos ni Best Player Perez subalit umakyat siya sa 41 sa 27 minuto lang sa sahig. Sumuporta si Don Trollano na may 23.
Nanguna sa Ginebra si Scottie Thompson na may 24, 12 sa unang quarter. Sumunod sina Norbert Torres na may 13, RJ Abarrientos na may 12 at Japeth Aguilar na may 10.
Samantala, tatanggapin simula ngayong taon ang Ramon Fernandez Trophy ng lahat na mapipiling PBA Finals MVP. Sa kanyang karera mula pagtatag ng liga noong 1975 hanggang 1994, naging bahagi si Fernandez ng hindi pa napapantayan na 19 kampeonato para sa Toyota, Tanduay at San Miguel.
Agad siyang nagbigay ng kanyang pasasalamat at basbas na gamitin ang kanyang pangalan. Walang Finals MVP si Fernandez dahil noong 1996 All-Filipino Conference lang unang iginawad ito kay Jojo Lastimosa ng Alaska.






