top of page
BIDA - ANGEL, NI-LIKE ANG PAG-UNFOLLOW DAW SA KANYA NI MARIEL AT KAY ANNE SA IG-FB Angel L

Biktima, hindi nakamit ang hustisya dahil krimen ay walang nakakita

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 5 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | July 19, 2026



ISSUE #404



Maraming krimen sa ating bansa ang hindi nalulutas bunsod ng kawalan ng saksi o kakulangan ng ebidensya. Dahil dito, maraming biktima—buhay man o namayapa ang patuloy na nananaghoy para sa inaasam na hustisya.


Isa na rito ang biktima sa kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa kasong People of the Philippines vs. Momongan Tumarumpong alyas “Momong” (Criminal Case No. 22-26510, August 6, 2024).


Isang insidente ng pamamaril ang naganap noong ika-6 ng Abril 2022 sa isang purok sa Maigo, Lanao del Norte, na kumitil sa buhay ng isang residente na nagngangalang Roberto.


Si alyas “Momong” ang pinaratangang salarin sa naturang insidente na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.


Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Iligan City, Lanao del Norte, inaresto si Momong noong ika-15 ng Setyembre 2022.


Batay sa Information para sa kasong Murder na inihain sa RTC ng Iligan City, pinagbabaril umano ni Momong si Roberto sa iba't ibang bahagi ng katawan nito nang may pagtataksil, kalupitan, malinaw na paghahanda, at gamit ang higit niyang lakas.

Naganap ang krimen bandang alas-5:30 ng hapon noong ika-6 ng Abril 2022 sa mismong bahay ni Roberto. Ang mga pinsalang tinamo nito ang direktang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.


Tumayo bilang saksi para sa Tagausig ang pinsan ni Roberto na si Josephine.

Batay sa kanyang testimonya, nakikitira si Josephine sa bahay nina Roberto, ng asawa nito, at ng kanilang mga anak. Bandang alas-3:00 ng hapon noong araw na iyon, nasa terasa siya ng bahay at kasama niyang nag-iinuman sina Roberto, Ken Ken, Bayda, at Momong.


Diumano, nang umalis na sina Ken Ken at Bayda, inutusan siya ni Roberto na ihanda ang higaan nito dahil nais na umano nitong matulog. Sinunod ni Josephine ang utos at iniwan sina Roberto at Momong sa terasa.


Habang inihahanda niya ang higaan ni Roberto, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril. Matinding takot umano ang kanyang naramdaman. Hindi niya natanaw si Roberto dahil may nakaharang sa pintuan. Ilang saglit pa, narinig niya ang paghingi ng saklolo ng kanyang pinsan. Agad niya itong pinuntahan at nakita niyang sugatan at naliligo sa sariling dugo si Roberto. Wala na rin umanong ibang tao sa terasa nang mga oras na iyon.


Sa isinagawang cross-examination kay Josephine, kinumpirma niyang hindi niya personal na kilala si Momong at noong araw lamang ng insidente niya ito unang nakita.

Dagdag pa niya, nagkape lamang si Momong at wala siyang napansing may dala itong anumang bagay. 


Nilinaw rin ni Josephine na ang terasa ay nasa unang palapag ng bahay nina Roberto, samantalang nasa ikalawang palapag ang higaan na ipinahanda sa kanya. Kinumpirma rin niyang hindi niya aktuwal na nakita na binaril ni Momong si Roberto at nang humingi ng saklolo ang kanyang pinsan ay hindi nito nabanggit ang pangalan ni Momong.


Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan J.M. Alfeche ng PAO-Iligan City, mariing itinanggi ni Momong ang paratang laban sa kanya at iginiit ang kanyang kawalang-kasalanan sa naganap na pamamaslang kay Roberto.


Kasama ni Momong na tumayong saksi para sa Depensa ang kanyang asawa na si Kairon. 


Ayon sa kanya, bandang alas-5:30 ng hapon noong ika-6 ng Abril 2022 ay nagtitinda silang mag-asawa ng mga prutas sa Pagadian. May negosyo umano ang kanyang mga magulang doon kaya naroon sila sa naturang araw at oras. Hindi rin umano kilala ni Momong ang biktima at napakalayo ng tinitirahan nito sa barangay kung saan sila nakatira.


Maingat na sinuri ng hukuman ang bawat pangyayari kaugnay ng insidente ng pamamaril kay Roberto upang matiyak kung napatunayan ang lahat ng elemento ng krimeng Murder at kung si Momong nga ang may sala.


Sa ibinabang desisyon ng RTC ng Iligan City, ipinahayag ng hukuman na hindi ito nakumbinsi na si Momong ang pumaslang kay Roberto.


Binigyang-diin ng hukuman na upang magkaroon ng hatol na guilty sa Murder, kinakailangang mapatunayan ang apat na elemento nito: una, na may taong napatay; ikalawa, na ang akusado ang pumaslang sa biktima; ikatlo, na ang pagpatay ay ginawa sa ilalim ng alinman sa qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, na ang pagpatay ay hindi saklaw ng krimeng parricide o infanticide.


Bagama't maaaring patunayan ang mga elementong ito sa pamamagitan ng circumstantial evidence, kinakailangan na higit sa isang sirkumstansya ang maipakita at ang mga ito, kapag pinagsama-sama, ay malinaw na magtuturo sa akusado bilang may sala at mag-aalis sa posibilidad na ibang tao ang gumawa ng krimen.


Sa kasong ito, walang direktang ebidensya na nag-uugnay kay Momong sa pamamaslang. Isinalalay ng Tagausig ang kaso sa mga sumusunod na circumstantial evidence batay sa testimonya ni Josephine: una, magkakasamang nag-iinuman sina Josephine, Roberto, Momong, Ken Ken, at Bayda bago ang insidente; ikalawa, noong araw lamang na iyon unang nakita ni Josephine si Momong; ikatlo, nagkape lamang si Momong at wala siyang napansing dala nitong anumang bagay; ikaapat, nang umalis sina Ken Ken at Bayda ay naiwan sa terasa sina Roberto at Momong habang pumasok si Josephine sa loob ng bahay; ikalima, habang inihahanda niya ang higaan ay nakarinig siya ng dalawang putok ng baril; ikaanim, matapos ang ikalawang putok ay narinig niya ang paghingi ng saklolo ni Roberto; ikapito, paglabas niya ay wala na ang akusado; at ikawalo, nakita niyang naliligo na sa sariling dugo ang biktima.


Para sa hukuman, bagama't may mga ebidensyang sumusuporta sa ilan sa mga elemento ng Murder, nanatili pa rin ang makatuwirang pagdududa sa pagkakasala ni Momong.


Napansin ng hukuman na walang naipakitang ebidensya na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng akusado at ng biktima o anumang kahina-hinalang pangyayari bago iniwan ni Josephine ang dalawa sa terasa. 


Ayon din mismo sa kanyang testimonya, hindi niya kilala ang akusado bago ang araw ng insidente kaya wala rin siyang nalalamang motibo nito upang patayin ang biktima.

Hindi rin nabanggit ni Josephine kung gaano katagal mula nang pumasok siya sa bahay hanggang sa marinig niya ang mga putok ng baril. Dahil sa mga kakulangang ito, hindi maisantabi ng hukuman ang posibilidad na nakaalis na si Momong sa lugar bago pa man maganap ang pamamaril.


Hindi rin ikinaila ng hukuman na likas na mahina ang depensang pagtanggi at alibi. Gayunman, ipinaalala nito na ang hatol ay hindi ibinabatay sa kahinaan ng depensa kundi sa lakas at tibay ng ebidensya ng Tagausig.


Dahil dito, napagpasyahan ng RTC ng Iligan City na hindi napatunayan ang pagkakasala ni Momong nang lampas sa makatuwirang pagdududa, kaya siya ay pinawalang-sala. Ang desisyong ito, na inilabas noong ika-6 ng Agosto 2024, ay hindi na inapela o kinuwestyon.


Dahil sa kabiguang maiugnay si Momong sa pamamaslang kay Roberto nang lampas sa makatuwirang pagdududa, hindi maalis sa aming isipan ang posibilidad na malaya pa ring nakagagala ang tunay na salarin.


Umaasa kami, gayundin ang mga mahal sa buhay ni Roberto, na darating ang panahon na may makakalap na sapat na ebidensya upang matukoy at mapanagot ang tunay na pumaslang sa kanya, nang sa gayon ay makamit ni Roberto ang hustisyang matagal nang hinihintay at ang katahimikan ng kanyang kaluluwa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page