ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 6, 2024
Isang liham ang ating natanggap sa pamamagitan ng email noong ika-30 ng Nobyembre bilang reaksyon sa ating isinulat noong Nobyembre 22 tungkol sa mga itinalagang benepisyo at pribilehiyo ng senior citizens sa ilalim ng ating mga batas.
Ang liham ay galing kay Ginoong Rudy Ruiz ng Las Piñas City. Nabanggit kasi natin sa nasabing kolum na ang sinumang Pilipino na naninirahan sa Pilipinas o sa ibayong dagat na tumuntong sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap ng P10,000 mula sa gobyerno.
Anang ating tagatangkilik, may kababayan siyang nagdiwang ng ika-81 na kaarawan ngunit walang nakuhang P10,000 dahil wala raw pondo ang gobyerno.
Ginoong Rudy, sa iyong tanong na kung anong batas ito nasasaad, ito ay isang importanteng probisyon ng Republic Act (RA) 11982 o ang Act Granting Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians o ang Expanded Centenarians Act na ipinasa noong unang bahagi ng taong ito.
Sa ilalim ng amyendang ito, ang makakatanggap lamang ay iyong mga Pilipinong narating ang tinatawag na “milestone” na edad na 80, 85, 90 at 95. Hindi nito saklaw ang mga may edad na 81, 82, 83, 84 at 91, 92, 93 at 94. Kaya’t kung ang iyong kababayan ay 81, makukuha niya ang benepisyong ito pagtuntong niya ng 85.
Ayon sa RA 11982, may isang taon ang mga senior citizen na umedad na ng 80, 85, 90 o 95 para kunin ang nasabing P10,000 na benepisyo mula sa gobyerno.
Nabanggit ni Ginoong Rudy na siya ay 78-taong gulang. Pagtuntong ni Ginoong Rudy ng edad na 80, siya rin ay karapat-dapat na makatanggap ng benepisyong ito mula sa gobyerno.
Kaya’t nananawagan tayo sa Kongreso na tiyakin ang pagpondo ayon sa itinatalaga ng batas na ito para sa kapakanan ng senior citizens na tulad ng ating mambabasang si Ginoong Rudy. Na hindi matulad ang nakaaantig sanang batas na Expanded Centenarians Act sa ilan pang mga batas na nawalan ng saysay sapagkat wala namang katapat na alokasyon o pondo.
Nauna nang inamin ng mga opisyal ng gobyerno na hindi maipatupad nang lubusan ang Centenarians Act at Expanded Centenarians Act dahil sa kakapusan o walang pondo para rito. Umaasa naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa 2025 ay mabibigyan ito ng kaukulang pondo para sa pagpapatupad ng batas na ito.
Sa magkahiwalay na pahayag naman kamakailan ng DSWD at ng Department of Budget and Management (DBM) ay sinabing para sa 2025, ang budget ng DSWD ay P229 bilyon at ang P3 bilyon dito ay para sa Centenarian Act at Expanded Centenarian Act.
Tulad ng bulalas ng kasabihan, “Ilagay ninyo ang salapi sa kabig ng inyong bibig.” Sapagkat ang bawat araw ng paghihintay ng isang senior citizen sa inaasahang biyaya mula sa pamahalaan sa kanilang pagtanda ay matagal nang labis.
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyerno sa pagbibigay sa ating mga nakatatanda ng benepisyong hindi naman kalakihan at kulang na kulang nga para sa mga nasa takipsilim na ng kanilang buhay. Asintaduhin naman ang kanilang kapakanan bilang pagkilala sa kanilang mahalagang naiambag sa pag-angat ng ating bayan noong sila ay malalakas pa.
Salamat, Ginoong Rudy, sa inyong pagliham na sumasalamin sa inyong masugid na pagtangkilik sa pahayagang ito at sa inyong lingkod.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.