ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 23, 2024
ISSUE #333
Madalas nating naririnig at nababasa ang pagsigaw at paghihinagpis ng mga biktima para sa hustisya; biktima na kadalasan ay walang kalaban-laban na nakaranas ng labis na pagpapahirap at kalupitan. Wala kaming ibang ninanais, kundi ang makamit nila ang katarungan at mapagbayaran ng salarin ang ginawang kasamaan.
Sa kabilang banda, hindi natin maikakaila na hindi sa lahat ng pagkakataon ang taong napagbibintangan ang siyang tunay na may kasalanan. Merong mga pagkakataon na nadadawit lamang ang mga taong walang kasalanan at walang muwang. Maaaring nandu’n lamang sila sa maling sitwasyon at panahon.
Sila ay maituturing din na biktima, biktima ng maling paratang. Kaya bilang mga Manananggol Pambayan, mananatili kaming lalaban para din sa karapatan ng mga maling inaakusahan. Ang kanilang mga daing ay amin ding diringgin.
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Rodrigo Maravilla y Mercurio (CA-G.R. CR No. 03916, July 31, 2024), sa panulat ni Honorable Associate Justice Ronald Suva Tolentino.
Sa kasong ito, sa isang panig ang biktima ay nakaranas ng marahas na pamamaslang; sa kabilang panig, ang inakusahan naman na ang sigaw ay siya ring maling napagbintangan. Sama-sama nating tunghayan ang kuwento ng kasong ito at mapukaw sa katotohanan na may mga pagkakataon na ang parehong panig ay biktima.
Ika-24 ng Hunyo 2001, habang nagliliwaliw at nag-iiskursiyon diumano ang pamilya ni PO3 Relox sa tabing dagat sa Barangay Guinticgan, Carles, Iloilo, nakarinig diumano siya ng limang putok ng baril.
Nakita niya umano ang kalaunan ay kinilala na si Rodrigo na tumatakbo papunta sa bulubunduking bahagi ng naturang lugar, meron umano itong bitbit na baril, kaya agad na pinuntahan ni PO3 Relox ang lugar kung saan nagmula ang mga narinig na putok at doon ay natagpuan niya ang biktima na si Jimmy na nakahiga at merong mga tama ng bala sa dibdib.
Nagtungo umano si PO3 Relox sa istasyon ng pulis upang iulat ang nasaksihan. Doon ay nakita niya umano si Rodrigo at napag-alaman na naipa-blotter na ang insidente.
Cardiorespiratory Arrest secondary to a Hypovolemic Shock caused by gunshot wounds ang sanhi umano ng pagpanaw ni Jimmy.
Sinampahan ng kasong homicide si Rodrigo sa Regional Trial Court (RTC) ng Barotac Viejo, Iloilo, para sa pamamaslang diumano kay Jimmy. Sa paratang na inihain laban sa kanya, gumamit diumano si Rodrigo ang isang hindi lisensiyadong baril upang isakatuparan ang krimen. Pagsamo na “Not guilty” ang iginiit ni Rodrigo sa hukuman.
Batay sa kanyang testimonya, naglalakad umano siya sa daan patungong tabing-dagat sa Barangay Guinticgan, bandang alas-3 ng hapon, noong ika-24 ng Hunyo 2001, upang sunduin ang kanyang mga anak na noon ay naliligo sa dagat kasama ang pamilya ng nagngangalang George. Nagkita na lamang umano sila ng kanyang mga anak sa isang bahagi ng naturang lugar at sabay na umuwi ng kanilang bahay.
Bandang alas-5 ng hapon ding iyon, meron na lamang diumano na nagpunta na mga pulis sa kanilang bahay at inaresto si Rodrigo.
Ika-28 ng Disyembre 2016, nang magbaba ng desisyon ang RTC. Guilty ang naging hatol kay Rodrigo para sa krimen na homicide with the use of unlicensed firearm.
Pagkakakulong na hindi bababa sa 12 taon bilang minimum, hanggang 17 taon at 4 na buwan, bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya. Pinatawan din siya ng P75,000.00 na bayad-pinsala para sa mga naulila ni Jimmy.
Agad na naghain ng kanyang apela si Rodrigo sa Court of Appeals (CA), Cebu City upang kuwestyunin ang nabanggit na hatol ng RTC. Sa tulong at representasyon ng aming tanggapan, sa katauhan ni Mananaggol Pambayan E.B.P. Trinidad ng aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU)-Visayas, iginiit ng depensa na taliwas sa ating Saligang Batas ang ibinabang desisyon ng RTC sapagkat wala umanong katiyakan at hindi malinaw sa nasabing desisyon ang mga impormasyon at batas kung saan ibinatay ang naging hatol kay Rodrigo. Hindi man lamang umano nabanggit sa naturang desisyon ang mga elemento ng homicide, o kung ano ang katuwiran ng RTC sa pagkilala nito sa aggravating circumstance na paggamit diumano ng inakusahan ng hindi lisensiyadong baril.
Binigyang-diin din ng depensa ang kakulangan ng patunay kaugnay sa corpus delicti, sapagkat ang sinasabing baril na nakita na hawak umano ni Rodrigo ay hindi ipinrisinta ng tagausig sa hukuman bilang ebidensiya. Hindi man lamang umano nailarawan kung ano’ng klase ng baril ito at hindi rin umano nagprisinta sa hukuman ang tagausig ng sertipikasyon mula sa angkop na ahensya ng gobyerno na naglalahad na si Rodrigo ay walang lisensiya upang humawak ng baril.
Karagdagang paggiit pa ng depensa na hindi umano sapat ang mga sirkumstansya na ipinukol ng tagausig laban kay Rodrigo upang masabi na siya nga ang pumaslang sa biktima. Binigyang-diin ng depensa na tanging ang pahayag lamang ni PO3 Relox ang pinagbatayan ng RTC sa desisyon nito, pahayag na hindi man lamang umano sinuportahan o pinatotohanan ng iba pang saksi.
Kung kaya’t mahina na ebidensiya umano ang naturang pahayag at hindi maituturing na sapat na pagpapatunay sa pagkakasala ni Rodrigo.
Sa muling pag-aaral ng CA Cebu City sa kaso ni Rodrigo, sumang-ayon ang hukuman sa mga apela ng depensa na hindi napatunayan ng tagausig nang may moral na katiyakan ang pagkakasala ni Rodrigo sa batas.
Binigyang-diin ng CA Cebu City ang kahalagahan ng pagkilala sa presumption of innocence ng isang akusado, isang tuntunin na partikular na nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 14 (2) ng ating 1987 na Saligang Batas. Mabubuwag lamang umano ang nasabing pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng isang akusado kung mapapatunayan ang kanyang pagkakasala nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Para umano sa CA Cebu City, hindi naitaguyod ng testimonya ni PO3 Relox ang pagkakakilanlan ng pumaslang kay Jimmy. Napuna rin ng hukuman ng mga apela na sa bahagi ng testimonya ni PO3 Relox ay sinabi nito na mahigit-kumulang 15 metro umano ang kanyang layo kay Rodrigo nang makita niya ito na tumatakbo at may hawak na baril.
Hindi umano nakita ni PO3 Relox, kung saan nanggaling si Rodrigo at hindi rin niya umano alam kung saan ito pupunta sa bulubunduking bahagi ng barangay.
Naging kapuna-puna rin sa CA Cebu City na hindi umano nakita ni PO3 Relox ang mismong akto ng pamamaril sa biktima. Sapagkat wala umanong direktang ebidensiya patungkol mismo sa akto ng pamamaril sa biktima, kaya naman naging mahina ang testimonya ni PO3 Relox.
Isa pang palaisipan sa hukuman ang apela na para sa isang pulis tulad ni PO3 Relox na nasa serbisyo ng may 17 taon, hindi man lamang umano nito hinabol si Rodrigo o gumawa ng hakbang upang sundan at dakpin ito. Bagkus, matapos ang mga nasaksihan niya ay nagtungo si PO3 Relox sa istasyon ng pulis. Hindi rin umano kapani-paniwala para sa hukuman ng mga apela na hindi man lamang ipinatala ni PO3 Relox sa blotter na nakita niya si Rodrigo na tumalilis at may hawak na baril.
Ang mga pagkukulang at butas na nabanggit ay hindi nakaligtas sa mga mapanuring isipan ng appellate court. Bagkus, nagdulot ang mga ito ng makatwirang pagdududa kung meron nga bang kinalaman si Rodrigo sa pamamaslang kay Jimmy.
Kung kaya’t minarapat ng CA Cebu City na baliktarin ang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Rodrigo. Ang nasabing desisyon ng CA Cebu City ay naging final and executory noong Hulyo 31, 2024.
Ang bawat krimen at kasamaan na labag sa batas ay dapat pagbayaran, maihatid sa mga biktima at kanilang pamilya ang inaasam na katarungan. Dalangin namin na kanilang makamit ang karampatang hustisya. Huwag mawalan ng pag-asa, ang Poong Maykapal ay puno ng awa.
Huwag din natin kalimutan na maaaring biktima rin ang mga inaakusahan; biktima ng mali o gawa-gawang pagbibintang. Sila man ay meron ding karapatan na dapat maprotektahan. Sa mga kliyente ng aming tanggapan na kasalukuyang humaharap sa kaso na kung saan sila ay maling inaakusahan, makakaasa kayo na aming pag-iibayuhin na ipaglaban ang inyong karapatan. Dahil kayo man ay napagkaitan din ng katarungan.