- BULGAR
- Dec 15
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 15, 2025
ISSUE #377
Ang prayoridad ng bawat tao ay sadyang hindi pare-pareho, kung kaya’t maaaring sabihin na sa pangkalahatan ay dalawa ang uri ng tao sa mundo.
Sa isang banda, merong mga patuloy na naghahangad ng kayamanan sa materyal na bagay. Hindi natin sila masisisi, sapagkat sino nga ba naman ang hindi nagnanais ng maganda at marangyang buhay? Sila ‘yung mga todo-kayod at nagsusumikap upang makamit ang kaginhawaan at karangyaan na kanilang pinapangarap.
Sa kabilang banda, ang iba naman ay simpleng bagay lang ay sapat na. Wala mang materyal na kayamanan, hindi nila ito alintana, sapagkat para sa kanila, maayos na kalusugan at buong pamilya ang pinakamahalaga.
Ang kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Jeremy Capiral y Bautista (Criminal Case No. 15-86, August 1, 2024) na aming ibabahagi sa araw na ito ay merong kaugnayan sa payak na paghahangad ng isang maybahay – ito ay ang makita at makapiling na muli ang kanyang kabiyak na tuluyan nang nawalay sa kanyang buhay.
Sa kasong ito, sa panulat ni Honorable Elmira S. Cruz-Casaido (Presiding Judge, ng Branch 68, Regional Trial Court of Camiling, Tarlac, sama-sama nating tunghayan ang pagbabahagi ng kuwento, at nawa ay maipaalala sa atin na pahalagahan ang ating mga mahal sa buhay habang sila ay kapiling pa natin sa mundong ito.
Noong ika-31 ng Disyembre 2006, kasagsagan ng bisperas ng Bagong Taon, nang matanggap ni Patricia ang isang nakapanlulumong balita – natagpuang wala nang buhay si Ariel na kanyang asawa.
Batay sa testimonya ni Patricia, siya ay nasa Sitio Tala, San Jose, Tarlac, noong araw na iyon habang si Ariel naman ay umalis para sunduin ang kanilang mga anak sa Sula, San Jose, Tarlac upang sila ay sama-samang makapagdiwang ng Bagong Taon. Ngunit, hindi inasahan ni Patricia na matatanggap niya noong gabi na iyon ang napakasamang balita.
Ang kanyang bayaw na si Resty umano ang nagsabi sa kanya na natagpuang wala nang buhay si Ariel.
Ang inakusahan na pumaslang kay Ariel ay si Jeremy. Batay sa paratang para sa krimen na Homicide na inihain laban sa kanya sa Regional Trial Court ng Camiling, Tarlac (RTC Camiling, Tarlac), kusa, labag sa batas at makasalanan na merong layunin na pumatay na sinalakay at pinagsasaksak ni Jeremy si Ariel gamit ang matalim na sandata.
Ang mga tinamong saksak sa katawan ng naturang biktima ang naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.
Naganap ang malagim na krimen, bandang alas-7:30 ng gabi, noong ika-31 ng Disyembre 2006. At naaresto lamang si Jeremy noong Ika-9 ng Hunyo 2022 o makalipas ang halos 16 na taon mula nang maganap ang nabanggit na pananalakay at pananaksak kay Ariel.
Gayunman, “not guilty” ang naging pagsamo ni Jeremy sa hukuman ng paglilitis.
Sa paglilitis ng kaso na ito, si Patricia lamang ang tumayong saksi para sa tagausig, tanging ang kanyang sinumpaang salaysay at ang death certificate ni Ariel lamang ang isinumite na ebidensya ng tagausig.
Diumano, nang malaman ni Patricia ang sinapit ni Ariel ay agad siyang nagtungo sa punerarya sa Sula, San Jose, Tarlac, at hindi na umano siya nagpunta sa pinangyarihan ng insidente. Sa kanyang cross-examination, kinumpirma ni Patricia na hindi sila magkasama ni Ariel nang mangyari ang insidente, kung kaya’t hindi niya nakita kung sino ang pumaslang sa kanyang kabiyak. Diumano, ipinaalam lamang sa kanya na si Jeremy ang sumaksak kay Ariel at hindi rin niya alam kung bakit natagpuan ang bangkay ng kanyang kabiyak sa bahay ni Jeremy.
Mariing pagtutol naman sa pagpapatuloy ang ipinaabot ni Jeremy sa hukuman ng paglilitis. Siya ay tinulungan at iprinisinta ni Manananggol Pambayan L.F. Catay Jr. mula sa PAO- Camiling, Tarlac District Office, na ipinagpatuloy ng noon ay Manananggol Pambayan na si G.C. Briones mula sa parehong distrito. Upang ipagtanggol ang kalayaan ng akusado, pormal na naghain ng Demurrer to Evidence ang Depensa. Kanilang iginiit na hindi sapat ang inihaing ebidensya ng tagausig upang maipagpatuloy ang kaso at mahatulan ang akusado.
Sa pagpapasya sa inihain na pagtutol ni Jeremy sa paratang laban sa kanya, ipinaliwanag ng RTC Camiling, Tarlac, na kinakailangan lamang tiyakin ng hukuman ay kung meron bang karampatan o sapat na ebidensya na sumusuporta sa akusasyon o na susuporta sa hatol ng pagkakasala sa taong inaakusahan. Ang karampatang ebidensya ay tumutukoy sa karakter, timbang o halaga ng katibayan na ipinrisinta ng isang partido na legal na magbibigay ng katuwiran sa panghukuman o opisyal na aksyon na hinihiling batay sa mga pangyayari. Upang masabi na merong karampatang ebidensya, mahalaga na mapatunayan na: (a) naganap ang krimen, at (b) ang partikular na antas ng pakikilahok ng akusado.
Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na ang pangunahing tungkulin ng tagausig ay hindi ang patunayan na naganap ang krimen; bagkus, ito ay ang patunayan ang pagkakakilanlan ng salarin, sapagkat walang saysay na mapatunayan ang naganap na krimen kung hindi naman mapapanagot ang salarin dahil ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi napatunayan.
Para sa RTC Camiling, Tarlac, nabigo ang agausig na patunayan kung sino ang may-akda ng pananalakay at pananaksak kay Ariel na nagdala sa nasabing biktima sa kanyang huling hantungan.
Ang testimonya ng natatanging saksi para sa tagausig na si Patricia ay hindi naitaguyod ang pagkakakilanlan ng inakusahan bilang tao na pumaslang sa biktima. Maging ang partisipasyon ni Jeremy sa naganap na krimen ay hindi naitaguyod. Binigyang-pansin din ng hukuman ng paglilitis ang katotohanan na hindi nasaksihan ni Patricia ang mismong krimen at nalaman lamang niya na pumanaw na si Ariel batay sa impormasyon na ibinahagi sa kanya ni Resty. Maging ang impormasyon kung paano niya nalaman na si Jeremy ang sumaksak kay Ariel ay hindi nabanggit ni Patricia. Maliban sa mga ito, wala ring circumstantial evidence na ipinrisinta sa pag-uusig kay Jeremy.
Bunsod ng mga nabanggit na kadahilanan, minarapat ng RTC Camiling, Tarlac na pagbigyan ang naturang Demurrer to Evidence. Alinsunod dito, ipinroklama ng hukuman ng paglilitis noong ika-1 ng Agosto 2024 ang hatol ng pagpapawalang-sala kay Jeremy. Hindi na inapela o kinuwestyon pa ang nasabing resolusyon, kung kaya’t ito ay naging final and executory.
Naisin man ng hukuman ng paglilitis na ipagkaloob kay Patricia at sa kanyang namayapang asawa ang inaasam na hustisya, hindi maaaring magbaba ang hukuman ng hatol ng pagkakasala kung ang pagkakakilanlan ng akusado ay hindi napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Ito ay alinsunod sa garantiya ng ating Saligang Batas na pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng taong inaakusahan hanggang sa ang kanyang pagkakasala sa batas ay mapatunayan nang merong moral na katiyakan.






