top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 22, 2025



ISSUE #378



Upang makamit ng isang biktima ang hustisya sa kasong kriminal, hindi sapat na merong nakasaksi sa naganap na krimen o may nagpahayag kung sino ang salarin. Kinakailangan ding ang pagtestigo ng saksi ay may legal na timbang at tunay na halaga, at ang kanyang salaysay ay personal na kaalaman na maipapahayag sa hukuman hinggil sa krimen at sa gumawa nito.


Mawawalan ng saysay ang anumang impormasyong maaaring magamit upang malutas ang isang krimen kung ito ay hindi magmumula sa mismong taong nakasaksi, maliban na lamang sa ilang mga eksepsiyon na pinahihintulutan ng ating batas, partikular sa ilalim ng Rules of Court.


Ang kasong kriminal na ating ibabahagi sa araw na ito, na may pamagat na People of the Philippines vs. Pablito Pajaroja y Cadalen and Ryan Agkis @ Ayan (Criminal Case No. S-7396, September 22, 2017), ay malinaw na pagsasalarawan ng kapalaran ng isang biktima ng krimen na hindi nakamit ang hustisya dahil ang mga taong pinaniniwalaang may mahalagang kaalaman hinggil sa naganap na krimen at sa mga salarin nito ay nabigong tumestigo o dumalo sa mga pagdinig sa hukuman.


Sama-sama nating tunghayan ang kuwento na ito.


Kasong murder ang inihain laban kina Pablito at Ryan sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna) kaugnay sa naganap na pananaga at kalaunang

pagpanaw ng biktima na nagngangalang Ulderico.


Si Pablito ay naaresto at binasahan ng sakdal noong ika-22 ng Hulyo 2009. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis. Ang akusado naman na si Ryan ay nanatiling at-large.


Apat na saksi para sa tagausig ang dumalo sa pagdinig at ipinrisinta sa hukuman ng paglilitis – si Virginia, ang naulila na maybahay ng biktima; sina PO3 Perez at PO3 Aninao, ang mga pulis na umaresto kay Pablito; at si Dr. Tamares, ang sumuri sa bangkay ng biktima.


Batay sa testimonya ni Virginia, bandang alas-7:30 ng gabi, noong ika-23 ng Oktubre 2008 nang matanggap niya ang balita na tinaga ang kanyang asawa na si Ulderico at binawian na ito ng buhay. Nagmula umano ang nakapanlulumong balita sa kanilang anak na si Regina na umuwing umiiyak mula sa pinangyarihan ng insidente. Nang tanungin ni Virginia si Regina kung sino ang salarin sa nasabing pamamaslang, mga pangalan nina Pablito at Ryan ang diumano’y sinabi nito.


Isinalaysay rin diumano sa kanya ni Regina na makailang-ulit itong nawalan ng malay noong matuntun niya ang pinangyarihan ng insidente. Nawalan din umano ng malay si Regina noong makauwi na ito sa kanilang bahay upang ibalita ang karumal-dumal na sinapit ng haligi ng kanilang tahanan.


Sa isinagawang cross-examination kay Virginia, kanyang ipinahayag na hindi niya nasaksihan ang mismong pagkakataga at pagkakapaslang kay Ulderico, at tanging ang kanyang anak na si Regina lamang ang nagbalita sa kanya ukol sa insidente. Nang sabihin diumano sa kanya ni Regina na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang ay agad siyang naniwala sapagkat nanggaling diumano mismo si Regina sa pinangyarihan ng insidente.


Isang nagngangalang Percival ang diumano ay nakasaksi sa krimen, subalit sa parehong mga taon ng 2011 at 2012 ay hindi ito dumalo sa pagdinig sa hukuman. 

Ang ilang ulit na pagsasawalang-bahala ni Percival ang naging dahilan upang maghain ng mosyon ang depensa na kung saan kanilang hiniling ang pagsasantabi ng testimonya ng naturang saksi. 


Ipinagkaloob ang nasabing hiling sa bisa ng kautusan ng hukuman ng paglilitis na merong petsa na ika-23 ng Pebrero 2013. 


Ang hindi pagsipot ni Percival ay nangangahulugan na pagkabigo ng tagausig na maiprisinta ang maaari sanang naging susi sa hindi makatarungang pagkakapaslang kay Ulderico.


Noong ika-30 naman ng Hulyo 2014 nang dumalo sa paglilitis si PO3 Aninao. Inihayag ng panig ng tagausig na siya ay magpapahayag ng kanyang testimonya, ngunit kalaunan ay hindi na rin ito ginamit pa sa pag-uusig laban kay Pablito.


Si Dr. Tamares ay dumalo sa paglilitis noong ika-10 ng Disyembre 2014. Upang mapabilis ang paglilitis, kapwa itinakda ng tagausig at depensa na si Dr. Tamares ang sumuri sa bangkay ni Ulderico, at na siya ring nagsagawa ng anatomical diagram, post mortem examination at death certificate ng nabanggit na biktima.


Noong ika-17 naman ng Hunyo 2015 nang dumalo sa pagdinig si PO3 Perez. Kapwa pinagkasunduan ng tagausig at depensa na si PO3 Perez, kasama si PO3 Aninao, ang umaresto kay Pablito, at hindi nakita o nasaksihan ng mga ito ang insidente na nagdala kay Ulderico sa kanyang huling hantungan.


Matapos na pormal na maisumite ng tagausig ang lahat ng kanilang mga minarkahan na ebidensya, hiniling ng depensa, sa pamamagitan ng isang mosyon, na maipagkaloob sa kanila ang pagkakataon na makapaghain ng Demurrer to Evidence. Ito ay pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis noong ika-18 ng Mayo 2016.


Hindi nagsumite ang tagausig ng kanilang komento o oposisyon sa inihaing Demurrer to Evidence ng Depensa gayung pinagkalooban sila ng hukuman ng paglilitis ng pagkakataong makapagsumite nito. 


Sa pagpapasya sa kasong ito, ipinaliwanag ng RTC Siniloan, Laguna na ang paghahain ng Demurrer to Evidence ay nangangahulugan ng pagtutol ng naghain na partido sa paglilitis o pagpapatuloy ng legal na usapin bunsod ng kakulangan sa ebidensya ng kabilang partido sa punto ng batas, maging totoo man o hindi. 


Sa mga kasong kriminal, ito ay paraan ng paghiling ng akusado sa hukuman na suriin ang ebidensya na ipinrisinta ng tagausig laban sa kanya at kung sapat ang mga ito upang mapanatili ang isang hatol ng pagkakasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 

Ang pagdedesisyon ng hukuman sa naturang hiling ay katumbas ng pagdedesisyon batay sa merito ng kaso. Kung kaya’t, ang pagkakaloob ng hukuman sa naturang hiling ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado.


Matapos ang matapat at maingat na pagsusuri sa mga ebidensya na isinumite ng tagausig, nagbaba ng kautusan ang RTC Siniloan, Laguna, kung saan ipinahayag nito na bigo ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ni Pablito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ayon sa desisyon ng hukuman, naging kapuna-puna na wala ni-isa sa apat na mga saksi ng tagausig ang dumalo sa pagdinig at paglilitis ng kaso, ang personal na nakasaksi sa mismong pananaga at pamamaslang kay Ulderico. Wala rin kahit isa sa mga nabanggit na saksi ang merong personal na kaalaman kung sino ang mismong tumaga at pumaslang sa biktima.


Bagaman si Regina, na anak mismo ni Ulderico, ang nagbalita sa saksi na si Virginia na wala nang buhay ang kanyang amang biktima, at ang nagsabi na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang, hindi nakitaan ng hukuman ng paglilitis ng pagsisikap sa bahagi ni Virginia na hikayatin si Regina upang magbigay ito ng kanyang sinumpaang salaysay at magsilbing saksi sa kaso na kanyang isinampa laban sa mga akusado. Hindi rin tumestigo si Regina sa hukuman.


Gayundin, ang impormasyon ukol sa naganap na krimen na mula sa sana ay mahalagang saksi na si Percival ay hindi nagamit bunsod ng hindi niya pagdalo sa pagdinig sa hukuman.


Dahil sa mga nabanggit, itinuring ng RTC Siniloan, Laguna na hearsay evidence lamang ang mga ebidensya na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman, dahil ang mga ito ay hindi nakapaloob sa anumang pagtatangi na pinahihintulutan ng ating Rules of Court, hindi ito binigyan ng legal na timbang ng hukuman ng paglilitis.


Binigyang-diin ng RTC Siniloan, Laguna, na hindi maaaring ipagkait sa akusado ang kanyang kalayaan kung ang ebidensya laban sa kanya ay hindi sumapat sa pagtataguyod ng kanyang kasalanan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Kung kaya’t minarapat na ipagkaloob ng RTC Siniloan, Laguna, ang Demurrer to Evidence na inihain ng depensa. Kaugnay nito, ipinawalang-sala si Pablito sa krimeng murder at ipinag-utos ang agarang pagpapalaya sa kanya, maliban na lamang kung meron pang ibang makatarungang dahilan upang siya ay manatili sa piitan.


Ang nasabing kautusan, na ipinroklama noong ika-22 ng Setyembre 2017, ay hindi na kinuwestyon pa sa pamamagitan ng Petition for Review on Certiorari.


Ipinag-utos naman ng hukuman ng paglilitis ang pagpapadala sa Archive Docket Section ng kaso laban kay Ryan, na maaaring muling buhayin sa oras na maaresto ang nabanggit na akusado, at ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.


Maraming taon na ang lumipas at hindi pa rin lubos na nalulutas ang karumal-dumal na sinapit ni Ulderico. Kung sakali man na maaresto si Ryan at tumakbo ang pagdinig ng kaso laban sa kanya, o sino pa man na maaaring merong kinalaman sa naganap na pamamaslang, nawa ay meron nang sapat na ebidensya upang makamit na ng kaluluwa ni Ulderico ang karampatang hustisya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 15, 2025



ISSUE #377



Ang prayoridad ng bawat tao ay sadyang hindi pare-pareho, kung kaya’t maaaring sabihin na sa pangkalahatan ay dalawa ang uri ng tao sa mundo. 


Sa isang banda, merong mga patuloy na naghahangad ng kayamanan sa materyal na bagay. Hindi natin sila masisisi, sapagkat sino nga ba naman ang hindi nagnanais ng maganda at marangyang buhay? Sila ‘yung mga todo-kayod at nagsusumikap upang makamit ang kaginhawaan at karangyaan na kanilang pinapangarap. 


Sa kabilang banda, ang iba naman ay simpleng bagay lang ay sapat na. Wala mang materyal na kayamanan, hindi nila ito alintana, sapagkat para sa kanila, maayos na kalusugan at buong pamilya ang pinakamahalaga.


Ang kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Jeremy Capiral y Bautista (Criminal Case No. 15-86, August 1, 2024) na aming ibabahagi sa araw na ito ay merong kaugnayan sa payak na paghahangad ng isang maybahay – ito ay ang makita at makapiling na muli ang kanyang kabiyak na tuluyan nang nawalay sa kanyang buhay. 


Sa kasong ito, sa panulat ni Honorable Elmira S. Cruz-Casaido (Presiding Judge, ng Branch 68, Regional Trial Court of Camiling, Tarlac, sama-sama nating tunghayan ang pagbabahagi ng kuwento, at nawa ay maipaalala sa atin na pahalagahan ang ating mga mahal sa buhay habang sila ay kapiling pa natin sa mundong ito.


Noong ika-31 ng Disyembre 2006, kasagsagan ng bisperas ng Bagong Taon, nang matanggap ni Patricia ang isang nakapanlulumong balita – natagpuang wala nang buhay si Ariel na kanyang asawa.


Batay sa testimonya ni Patricia, siya ay nasa Sitio Tala, San Jose, Tarlac, noong araw na iyon habang si Ariel naman ay umalis para sunduin ang kanilang mga anak sa Sula, San Jose, Tarlac upang sila ay sama-samang makapagdiwang ng Bagong Taon. Ngunit, hindi inasahan ni Patricia na matatanggap niya noong gabi na iyon ang napakasamang balita. 

Ang kanyang bayaw na si Resty umano ang nagsabi sa kanya na natagpuang wala nang buhay si Ariel.


Ang inakusahan na pumaslang kay Ariel ay si Jeremy. Batay sa paratang para sa krimen na Homicide na inihain laban sa kanya sa Regional Trial Court ng Camiling, Tarlac (RTC Camiling, Tarlac), kusa, labag sa batas at makasalanan na merong layunin na pumatay na sinalakay at pinagsasaksak ni Jeremy si Ariel gamit ang matalim na sandata. 


Ang mga tinamong saksak sa katawan ng naturang biktima ang naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay. 


Naganap ang malagim na krimen, bandang alas-7:30 ng gabi, noong ika-31 ng Disyembre 2006. At naaresto lamang si Jeremy noong Ika-9 ng Hunyo 2022 o makalipas ang halos 16 na taon mula nang maganap ang nabanggit na pananalakay at pananaksak kay Ariel. 


Gayunman, “not guilty” ang naging pagsamo ni Jeremy sa hukuman ng paglilitis.

Sa paglilitis ng kaso na ito, si Patricia lamang ang tumayong saksi para sa tagausig, tanging ang kanyang sinumpaang salaysay at ang death certificate ni Ariel lamang ang isinumite na ebidensya ng tagausig.


Diumano, nang malaman ni Patricia ang sinapit ni Ariel ay agad siyang nagtungo sa punerarya sa Sula, San Jose, Tarlac, at hindi na umano siya nagpunta sa pinangyarihan ng insidente. Sa kanyang cross-examination, kinumpirma ni Patricia na hindi sila magkasama ni Ariel nang mangyari ang insidente, kung kaya’t hindi niya nakita kung sino ang pumaslang sa kanyang kabiyak. Diumano, ipinaalam lamang sa kanya na si Jeremy ang sumaksak kay Ariel at hindi rin niya alam kung bakit natagpuan ang bangkay ng kanyang kabiyak sa bahay ni Jeremy.


Mariing pagtutol naman sa pagpapatuloy ang ipinaabot ni Jeremy sa hukuman ng paglilitis. Siya ay tinulungan at iprinisinta ni Manananggol Pambayan L.F. Catay Jr. mula sa PAO- Camiling, Tarlac District Office, na ipinagpatuloy ng noon ay Manananggol Pambayan na si G.C. Briones mula sa parehong distrito. Upang ipagtanggol ang kalayaan ng akusado, pormal na naghain ng Demurrer to Evidence ang Depensa. Kanilang iginiit na hindi sapat ang inihaing ebidensya ng tagausig upang maipagpatuloy ang kaso at mahatulan ang akusado.


Sa pagpapasya sa inihain na pagtutol ni Jeremy sa paratang laban sa kanya, ipinaliwanag ng RTC Camiling, Tarlac, na kinakailangan lamang tiyakin ng hukuman ay kung meron bang karampatan o sapat na ebidensya na sumusuporta sa akusasyon o na susuporta sa hatol ng pagkakasala sa taong inaakusahan. Ang karampatang ebidensya ay tumutukoy sa karakter, timbang o halaga ng katibayan na ipinrisinta ng isang partido na legal na magbibigay ng katuwiran sa panghukuman o opisyal na aksyon na hinihiling batay sa mga pangyayari. Upang masabi na merong karampatang ebidensya, mahalaga na mapatunayan na: (a) naganap ang krimen, at (b) ang partikular na antas ng pakikilahok ng akusado. 


Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na ang pangunahing tungkulin ng tagausig ay hindi ang patunayan na naganap ang krimen; bagkus, ito ay ang patunayan ang pagkakakilanlan ng salarin, sapagkat walang saysay na mapatunayan ang naganap na krimen kung hindi naman mapapanagot ang salarin dahil ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi napatunayan.


Para sa RTC Camiling, Tarlac, nabigo ang agausig na patunayan kung sino ang may-akda ng pananalakay at pananaksak kay Ariel na nagdala sa nasabing biktima sa kanyang huling hantungan. 


Ang testimonya ng natatanging saksi para sa tagausig na si Patricia ay hindi naitaguyod ang pagkakakilanlan ng inakusahan bilang tao na pumaslang sa biktima. Maging ang partisipasyon ni Jeremy sa naganap na krimen ay hindi naitaguyod. Binigyang-pansin din ng hukuman ng paglilitis ang katotohanan na hindi nasaksihan ni Patricia ang mismong krimen at nalaman lamang niya na pumanaw na si Ariel batay sa impormasyon na ibinahagi sa kanya ni Resty. Maging ang impormasyon kung paano niya nalaman na si Jeremy ang sumaksak kay Ariel ay hindi nabanggit ni Patricia. Maliban sa mga ito, wala ring circumstantial evidence na ipinrisinta sa pag-uusig kay Jeremy.


Bunsod ng mga nabanggit na kadahilanan, minarapat ng RTC Camiling, Tarlac na pagbigyan ang naturang Demurrer to Evidence. Alinsunod dito, ipinroklama ng hukuman ng paglilitis noong ika-1 ng Agosto 2024 ang hatol ng pagpapawalang-sala kay Jeremy. Hindi na inapela o kinuwestyon pa ang nasabing resolusyon, kung kaya’t ito ay naging final and executory.


Naisin man ng hukuman ng paglilitis na ipagkaloob kay Patricia at sa kanyang namayapang asawa ang inaasam na hustisya, hindi maaaring magbaba ang hukuman ng hatol ng pagkakasala kung ang pagkakakilanlan ng akusado ay hindi napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Ito ay alinsunod sa garantiya ng ating Saligang Batas na pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng taong inaakusahan hanggang sa ang kanyang pagkakasala sa batas ay mapatunayan nang merong moral na katiyakan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 7, 2025



ISSUE #376



Sa mainit na araw ng konstruksyon sa Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal, hindi ingay ng martilyo o lagari ang bumasag noong Mayo 1, 2002 – kundi ang sigaw ng alitan, hampas, at pagbagsak ng isang lalaking itago na lamang natin sa pangalang Uncle Moya. 


Sa gitna ng gusot ng inuman, galit, at pagod, lumutang ang dalawang pangalan ng lalaking sina Boy Jun, pamangkin ng biktima, at ang kapwa trabahador ng biktima na siyang akusado na si Alyas Bato, na nakainitan umano ng biktima bago maganap ang trahedya.


Sa pag-ikot ng hustisya, lumutang ang tanong: Sa pagitan ng alingawngaw ng galit at bigwas ng kahoy, sino ang tunay na salarin? At may sapat bang bigat ang ebidensya upang hatulan ang akusado?


Sa kasong People of the Philippines v. Bayani (Crim. Case No. 02-53xx-M), Regional Trial Court, Branch 78, Morong, Rizal, sa panulat ni Honorable Judge Lily Ann M. Padaen noong 16 Nobyembre 2016, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ng tagausig ay sapat upang patunayan ang pagkakasala ni Alyas Bato sa kasong pamamaslang o Homicide.


Ayon sa impormasyon, noong Mayo 1, 2002, bandang ala-1:30 ng hapon, sa loob ng La Hacienda construction site sa Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal, sinaktan at hinampas umano nang paulit-ulit ng dos-por-dos ni Alyas Bato si Uncle Moya, sa bahagi ng ulo at leeg, na naging sanhi umano ng kanyang kamatayan.


Kinasuhan ang akusado ng homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code, at sa kanyang arraignment, siya ay nag-plead ng not guilty, kaya nagsimula ang pagdinig.

Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig si Boy Jun, ang pamangkin ng biktimang si Uncle Moya. 


Ayon kay Boy Jun, narinig umano niyang nagtatalo ang kanyang tiyuhin na si Moya at ang akusadong si Alyas Bato habang siya ay nasa second floor ng ginagawang bahay. Inilarawan niyang nag-aaway umano ang dalawa tungkol sa kanilang trabaho bilang construction workers. Sinabi rin niya na nakita niya si Alyas Bato na kumuha ng isang dos-por-dos. Ilang sandali matapos nito, bumaba siya at nadatnan ang kanyang tiyuhin na si Moya na nakahandusay na at wala nang malay.


Ngunit sa isinagawang cross-examination, lumitaw na hindi aktuwal na nakita ni Boy Jun ang mismong pananakit. Inamin niyang nasa second floor lamang siya at bumaba lamang nang makarinig ng ingay o komosyon. Dahil dito, ang mga nakita niya ay pawang resulta lamang ng insidente – hindi ang aktuwal na pangyayari. 


Sa madaling sabi, walang direktang saksi sa akto ng panghahampas ng dos-por-dos na aniya ay dahilan ng tinamong pinsala ni Uncle Moya.


Tinawag din ng tagausig si P/Supt. Frez, ang medico-legal officer na nagsagawa ng autopsy sa katawan ni Uncle Moya. 


Ayon sa kanyang salaysay, dinala sa Eastern Police District Crime Laboratory ang bangkay para isailalim sa autopsy, at natukoy umano niya na intracranial hemorrhage ang naging sanhi ng kamatayan.


Ngunit dito lumitaw ang napakalaking problema, hindi kailanman naisumite ng tagausig ang nasabing autopsy report bilang ebidensya, at wala ring anumang dokumentong inialok upang patunayan na may naganap na autopsy, o na ang sinuring bangkay ay talaga ngang kay Uncle Moya. 


Sa madaling sabi, tanging oral testimony lamang ni P/Supt. Frez ang naiprisinta, at natapos ang presentasyon ng tagausig ng mga ebidensya nito nang hindi nai-offer ang katunayan ng pagkamatay ng biktimang si Uncle Moya.


Sa kabilang banda, ang Public Attorney’s Office (PAO), bilang counsel de oficio, sa ngalan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Ferdinand C. Arabit, ay tumalima na huwag nang magprisinta ng ebidensya para sa panig ng depensa, sapagkat ang lahat ng subpoena na ipinadala sa akusado ay ibinalik sa hukuman na may notasyong ‘RTS – moved out’ (o ‘lumipat na ng tirahan’).”


Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Alyas Bato. Pinag-aralan ng hukuman ang kabuuang ebidensya ng tagausig at napag-alamang nabigo itong patunayan ang pagkakasala ni Alyas Bato nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Ayon sa Hukuman, nagkulang ang tagausig sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento at pleadings sa kaso. 


Una, hindi sila nagsumite ng memorandum na sana ay naglalaman ng kabuuang pagsusuri, synthesis, at legal na batayan ng kanilang ebidensya. 


Pangalawa, nang i-rest ang kaso noong Agosto 24, 2009, hindi rin sila nagsagawa ng formal offer of evidence. 


Ayon sa Hukuman, wala man lamang naisumiteng dokumento gaya ng death certificate, autopsy report, o anumang medico-legal findings na magpapatunay sa mismong pagkamatay ng biktima. 


Sa madaling sabi, naghain sila ng kasong homicide, ngunit kahit isang dokumento upang patunayan na may taong namatay ay hindi naisama sa records ng korte.

Hinggil sa nabanggit, muling nilinaw ng Hukuman na ang kasong homicide ay may apat na elemento:

  1. May isang taong namatay

  2. Ang akusado ang pumatay

  3. May intensiyon siyang pumatay, na pinapalagay sa mga sadyang pananakit

  4. Walang qualifying circumstance (kaya Homicide, hindi Murder)


Sa kasong ito, batid ng Hukuman na walang saysay na talakayin ang tatlong natitirang elemento kung ang unang elemento pa lamang – ang mismong pagkamatay ay hindi naman napatunayan. Ito ang pinakamalaking butas sa kaso.


Binigyang-diin ng Hukuman na mahalagang tandaan na sa homicide, ang unang pundasyon ng kaso ay ang fact of death o katunayan ng pagkamatay. Kailangang mapatunayan na may taong namatay, bago pa pag-usapan kung sino ang pumatay, kung may intensiyon, o kung ano’ng sirkumstansyang nakapalibot sa insidente. Ngunit sa kasong ito, nabigo ang tagausig na patunayan kahit ang pinakaunang elemento ng krimen. Ito ang pinakamalaking butas na bumalot sa buong paglilitis.


Ibinahagi rin ng Hukuman na lalo pang lumala ang sitwasyon nang hindi naisama sa ebidensya ang dokumentong autopsy report, sa kabila ng pagkakakilanlan nito sa testimonya ni P/Supt. Frez. Tulad ng itinuro sa Sabay v. People (G.R. No. 192150, 1 Oktubre 2014, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion), hindi sapat na ma-identify lamang sa testimonya ang isang dokumento; kinakailangan itong maipasok sa records sa pamamagitan ng formal offer. Sa kasong ito, walang anumang formal offer ang naisumite. Hindi maaaring magbigay ng judicial notice ang korte upang punan ang kakulangang ito. Ang oral testimony lamang ng medico-legal officer ang naiwan, at ayon sa batas, hindi iyon sapat upang maitaguyod ang fact of death nang lampas sa makatuwirang pagdududa. 


Kaya’t nang usisain ng hukuman ang kritikal na tanong – kung napatunayan ba nang may moral certainty na namatay si Uncle Moya at si Alyas Bato ang pumatay – ang naging sagot ng korte ay malinaw na hindi. Walang dokumentong nagpapatunay sa mismong pagkamatay ng sinasabing biktima. Dahil dito, hindi rin maikakabit kay Alyas Bato ang anumang pananagutan. Tahasang sinabi ng hukuman na hindi napatunayan ang guilt of the accused beyond reasonable doubt.


Binigyang-diin ng Hukuman ang konstitusyonal na presumption of innocence. Ang akusado ay mananatiling inosente hanggang hindi napatutunayan ang kabaligtaran. 

Ayon sa Hukuman, hindi rin diumano napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin sapagkat sa cross-examination ng saksing si Boy Jun, lumalabas na hindi nito mismong nasaksihan ang akto ng pananakit sa kanyang Uncle Moya. 


Muli, tungkulin ng tagausig ang magdala ng ebidensya. Ngunit sa kasong ito – walang proof of death, hindi natukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, walang formal offer of evidence, walang dokumentong medico-legal, at hindi rin naisumite ang memorandum. Dahil dito, hindi naabot ng tagausig ang kinakailangang antas ng ebidensya sa kasong kriminal.


Sa huli, idineklarang walang sala si Alyas Bato at walang pananagutang sibil. Ang kabiguan ng tagausig na patunayan ang guilt beyond reasonable doubt ang naging pangunahing dahilan ng pagpapawalang-sala. Sa pagtatapos, paalala ng kasong ito na sa mata ng batas, ang hustisya ay hindi nakapatong sa mga tanong o suspetsa sapagkat ito ay nakasalalay sa bigat at katumpakan ng ebidensya. 


Gayunpaman, tila humuhugot pa rin ng daing mula sa hukay ang katahimikan ng lugar kung saan hinimlay ang malamig na bangkay ni Uncle Moya – isang paalala na ang hustisya ay hindi lamang paghahanap ng salarin, kundi pagtiyak na tama at patas ang proseso ng paghuhusga.


Sa pagitan ng init ng alitan at lamig ng papeles, isang pagpapakita sa lahat na kung walang matibay na katibayan, hindi maaaring ibulid sa bilangguan ang isang mamamayan, sapagkat pinaiiral ang hustisya na idinidikta na kapag kulang ang ebidensya, katarungan ang nag-uutos ng pagpapawalang-sala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page