- BULGAR
- 23 hours ago
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 30, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang pamangkin ko na 12-anyos ay binastos at hinipuan ng kanilang kapitbahay. Walang ibang nakasaksi nito kundi siya lamang at ang kanyang kalaro na isa ring menor-de-edad. Mariing itinanggi ito ng nasabing kapitbahay at sinabing paiba-iba umano ang nagiging kuwento ng pamangkin ko. Maaari pa rin bang maituloy ang kaso laban sa nasabing kapitbahay kahit ang testimonya lamang ay manggagaling sa dalawang menor-de-edad?
— Jeremy
Dear Jeremy,
Ang panghihipo at iba pang uri ng pambabastos ay tunay na isang krimen na dapat pagbayaran ng sinumang gumagawa nito. Ngunit gaya ng pag-uusig ng iba’t ibang kriminal na kaso ay kinakailangan na ang pagkakasala ng akusado ay mapatunayan nang walang pag-aalinlangan.
Ang testimonya ng saksi ay isa sa mga ebidensyang maaaring gamitin para rito, ngunit paano nga ba kung ito ay magmumula sa isang bata? Paano kung may mga pagkakaiba-iba sa mga naratibo nito? Ito ba ay magiging sapat pa rin upang maisakdal ang akusado? Ito ang sinagot ng Korte Suprema sa kasong Resty Laconsay vs. People of the Philippines (G.R. No. 259861, October 21, 2024), sa panulat ni Honorable Associate Justice Henri Jean Paul Inting:
“The Court has consistently held that when the offended party is a young and immature girl, her version of what happened is generally given credence because of her relative vulnerability and the shame and embarrassment that may arise if the matter about which she testified were not true. ‘Youth and immaturity are generally badges of truth and sincerity.’”
Maliwanag sa nabanggit na ang testimonya ng isang bata ay pinaniniwalaan ng hukuman at may bigat bilang ebidensya. Ayon sa Korte Suprema, sa pangkalahatan, ang isang bata ay hindi magsasabi ng kasinungalingan lalo na kung ito ay hinggil sa isang bagay na maaaring magdulot ng kahihiyan kung mapatutunayan na kasinungalingan. Kung kaya’t taliwas sa sinasabi ng ilan na ang bata ay hindi kapani-paniwala at ang mga ito ay hindi pa ganap ang pag-iisip, ang pagiging bata at pagkakaroon ng murang isipan ay siya pa ngang tanda ng pagiging makatotohanan at sinsero sa pagsasabi ng kanilang nalalaman.
Kung ang testimonya ng isang bata ay pabago-bago, hindi agaran na ito ay magbubunga ng pagkawala ng kredibilidad nito. Maaaring ito ay bunga lang ng takot o trauma sa kanilang nasaksihan, o iba pang bagay na susuriin sa hukuman upang malaman ang katotohanan.
Kaya sa iyong kalagayan, kung ang akusado ay walang matibay na depensa o katwiran na magpapaliwanag na hindi siya ang maysala at pawang personal na atake lamang sa testigo ang binabanggit niya, maaari pa ring tumuloy ang kaso kahit na ang mga testigo ay pawang mga bata.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.