top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Sa isang senyas, nasangkot sa pagpatay… Akusadong ‘di napatunayang killer, pinawalang-sala

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
6 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | October 19, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #415



Hindi lahat ng mensahe ay ipinahahayag sa pamamagitan ng salita. Minsan, sapat na ang isang tingin, isang turo, o isang kumpas ng kamay upang maiparating ang nais sabihin.


Ngunit paano kung ang isang kilos ay ituring na patunay na may taong pumatay? Maaari bang basta na lamang bigyang-kahulugan ang isang kumpas at gamitin ito upang paratangan ang isang tao?


Lalong nagiging maselan ang ganitong usapin kung ang akusado ay bingi at hindi nakakapagsalita, at nakikipag-ugnayan lamang sa pamamagitan ng mga impormal na senyas na hindi ganap na nauunawaan ng ibang tao.


Kapag kalayaan ng isang tao ang nakataya, hindi sapat na ang isang kilos ay maaaring ipakahulugang may naganap na pagpatay. Kailangang mapatunayan na ang lahat ng ebidensya, kapag pinagsama-sama, ay humahantong sa iisang makatuwirang konklusyon na ang akusado nga ang gumawa ng krimen.


Ito ang maselang usaping sinuri sa People of the Philippines v. Rizal Almera @ “APA,” Criminal Case No. 20157, na dininig ng Regional Trial Court, Fifth Judicial Region, Branch 44, Masbate City, sa Order na inilabas noong ika-6 ng Marso 2020, sa panulat ni Honorable Judge Mary Flor D. Tabigue-Logarta.


Ang akusado, na tatawagin nating alyas “Apa,” ay kinasuhan ng Murder dahil sa pagkamatay ng isang lalaki na tatawagin naman nating alyas “Rudy.”


Ayon sa Impormasyon, noong gabi ng Oktubre 4, 2019, sa Kinamaligan, Masbate City, umano ay inatake at sinaksak ni Apa sa dibdib si Rudy habang natutulog ito. Ang naturang pananaksak ang sinasabing naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.


Walang saksi na nagsabing personal niyang nakita ang mismong pananaksak. Dahil dito, nakasalalay ang kaso ng Tagausig sa circumstantial evidence o mga ‘di makatuwirang ebidensyang maaaring pag-ugnayin upang patunayan ang pagkakasala ng akusado. Kabilang sa mga ebidensyang ito ang testimonya ng isang kapitbahay na tatawagin nating alyas “Lucy,” at ng isang barangay tanod na tatawagin namang alyas “Joenel.”


Ayon kay Lucy, noong hapon ng ika-3 ng Oktubre 2019, nasunog ang makeshift house na tinutuluyan nina Apa, biktimang si Rudy, at ng kinakasama nito na tatawagin nating alyas “Auring.”


Nalaman umano ni Lucy mula sa kanilang mga kapitbahay na habang nagluluto si Rudy ay may apoy na lumaki at kalaunan ay tuluyang tumupok sa kanilang tinitirahang bahay. Sinabi niyang nagalit si Apa kina Rudy at Auring. Tinangka pa umano nitong sampalin si Auring. Pagkatapos nito, itinuro umano ni Apa si Rudy at gumawa ng aksyong gamit ang kanyang kamay na wari’y hinihiwa ang kanyang leeg.


Para kay Lucy, ang kilos na iyon ay nangangahulugang nais ni Apa na patayin ang biktima.


Madaling-araw naman ng ika-5 ng Oktubre 2019, lumapit umano si Apa kay Lucy upang humingi ng tubig. Muli umano itong gumawa ng muwestra na wari’y hinihiwa ang kanyang leeg at pagkatapos ay itinuro ang lugar kung nasaan si Rudy. Nang puntahan ng asawa ni Lucy ang biktima, inakala pa umano nitong natutulog lamang si Rudy. Kalaunan, natuklasang patay na pala ito.


Subalit sa cross-examination, lumitaw ang ilang mahahalagang detalye. Katulad na lamang na si Apa ay isang deaf-mute at nakikipag-usap sa mga taong nakakakilala sa kanya sa pamamagitan ng informal signs o gestures. Inamin ni Lucy na hindi niya nauunawaan ang ilan sa mga aksyon nito. Hindi rin niya alam kung nakapag-aral ba si Apa ng wastong sign language. Sinabi rin niyang kapag may namatay na tao o maging hayop, gumagamit si Apa ng mga muwestra upang ipabatid iyon. Isa sa mga aksyon na nauunawaan ni Lucy ay ang paggamit ng kamay sa leeg upang sabihin na may isang tao o bagay na patay na. Matagal na rin umano nilang kilala si Apa at, ayon kay Lucy, maayos at magalang naman ito sa kanila.


Samantala, ayon kay Joenel, matapos ang imbestigasyon ng barangay ay inutusan siyang hanapin at arestuhin si Apa bilang suspek sa pagkamatay ni Rudy.


Naaresto ang akusado noong ika-5 ng Oktubre 2019, bandang alas-3:00 ng hapon, sa harap ng barangay plaza.


Sa kabilang banda, sa tulong ng kanyang Manananggol Pambayan na si Atty. Ma. Theresa A. Legaspi-Valencia, naghain si Apa ng Motion to Dismiss via Demurrer to Evidence noong ika-14 ng Pebrero 2020.


Iginiit ng Depensa na bagama’t maaaring magkaroon ng conviction batay sa circumstantial evidence, kailangang ang mga pangyayaring iniharap ng Tagausig ay bumuo ng isang unbroken chain na humahantong sa makatuwirang konklusyon na ang akusado, at walang iba, ang gumawa ng krimen.


Para sa Depensa, hindi iyon naipakita ng Tagausig. Una, ang pagturo ni Apa sa lugar kung saan naroon ang bangkay ni Rudy ay hindi nangangahulugang siya ang pumatay rito. Ikalawa, binigyang-diin ng Depensa na inamin mismo ni Lucy na hindi niya nauunawaan ang ilan sa mga aksyon at kilos ni Apa, na isang deaf-mute at nakikipag-usap sa pamamagitan lamang ng informal sign language. Higit sa lahat, malinaw umano sa testimonya ni Lucy na hindi kailanman sinabi ni Apa sa kanya na siya ang pumatay sa biktima. Ikatlo, iginiit din ng Depensa na ang testimonya ni Joenel ay hindi nagpapatunay sa mismong paggawa ng krimen. Wala siyang personal na kaalaman tungkol sa sinasabing pagpatay, at ayon sa Depensa, ang kanyang testimonya ay nakapagpatunay lamang sa paraan ng pagkakaaresto sa akusado.


Sa komento naman sa Demurrer, nanindigan ang Tagausig na sapat ang circumstantial evidence upang patunayan ang pagkakasala ni Apa. Partikular nitong itinuro ang testimonya ni Lucy tungkol sa kilos ng akusado na wari’y hinihiwa ang kanyang leeg, na kanyang binigyang-kahulugan bilang “killing a person” o “someone is dead.” Kasama nito ang pagturo ni Apa kung nasaan ang biktima.


Para sa Tagausig, ang mga pangyayaring ito ay sapat upang ipakitang walang ibang maaaring pumatay kay Rudy kundi ang akusado mismo. Dito pumasok ang pangunahing usapin sa kaso. Napatunayan ba ng Tagausig, sa pamamagitan ng circumstantial evidence, na si Apa ang pumatay kay Rudy beyond reasonable doubt?


Sa pagpasya sa kaso, ipinaliwanag ng hukuman na walang eyewitness sa mismong pagpatay at ang kaso ng Tagausig ay nakasalalay lamang sa circumstantial evidence.


Sa ilalim ng Section 4, Rule 133 ng Rules of Court, maaaring magkaroon ng conviction batay sa circumstantial evidence kung may higit sa isang circumstance; napatunayan ang mga facts kung saan nagmula ang mga inferences; at ang kombinasyon ng lahat ng circumstances ay sapat upang makabuo ng conviction beyond reasonable doubt. Ngunit, matapos ang masusing pagsusuri, nakita ng hukuman na hindi sapat ang mga circumstantial evidence na iniharap upang suportahan ang isang hatol na guilty.


Una, sinuri ng hukuman ang sinasabing pinagmulan ng galit ni Apa: ang pagkasunog ng bahay.


Inamin ni Lucy na ang kanyang nalalaman na si Rudy umano ang naging dahilan ng sunog ay nagmula lamang sa sinabi sa kanya ng kanilang mga kapitbahay. Para sa hukuman, ito ay hearsay at hindi maaaring gamiting patunay na ang biktima nga ang responsable sa pagkasunog ng bahay. Bukod dito, walang direktang ebidensya na nagtuturo kay Rudy bilang siyang dahilan ng pagkasunog. Dahil dito, sinabi ng hukuman na wala ring sapat na ebidensya upang maipakita kung bakit magkakaroon si Apa ng dahilan upang magalit sa biktima at magbanta na papatayin ito.


Napansin pa ng hukuman ang isang praktikal na tanong: Bakit naman nanaisin ng biktima na sunugin ang bahay na siya rin at ang kanyang kinakasama ang tumitira at kung saan sila rin mismo ay mapipinsala?


Pangalawa, sinuri ng hukuman ang pinakamahalagang bahagi ng kaso ng Tagausig: ang kumpas ni Apa na wari’y hinihiwa ang kanyang leeg. Bagama’t binigyang-kahulugan ni Lucy ang kilos na iyon bilang may kinalaman sa pagpatay, inamin din niyang ginagamit ni Apa ang ganitong mga muwestra upang ipabatid na may isang tao o hayop na patay na. Sa madaling salita, hindi iisa ang maaaring kahulugan ng kilos. Maaaring ipakahulugang may pinatay, ngunit maaari ding nangangahulugan lamang na ipinababatid ni Apa na may isang taong patay.


Higit pa rito, napansin ng hukuman na hindi lubos na nauunawaan ni Lucy ang lahat ng aksyon at kilos ni Apa. Gayunman, naging tiyak siya sa pagbibigay-kahulugan sa isang kilos na siyang ginamit upang iugnay ang akusado sa isang napakabigat na krimen.


Para sa hukuman, lalo nitong pinahina ang pagiging mapagkakatiwalaan ng naturang interpretasyon.


May isa pang mahalagang obserbasyon ang hukuman. Kung si Apa nga ang pumatay kay Rudy, bakit siya mismo ang lalapit kay Lucy upang ipaalam na may patay at ituro pa kung nasaan ang biktima?


Para sa hukuman, ang ganitong kilos ay hindi awtomatikong maituturing na pag-amin sa krimen. Sa halip, maaari din itong mangahulugang ipinaaalam lamang ng akusado na may taong patay. Dahil dito, nakita ng hukuman na ang testimonya ni Lucy ay hindi sapat na kapani-paniwala, at bukod dito, uncorroborated. Hindi ito sapat upang makabuo ng moral certainty na si Apa nga ang pumatay kay Rudy. Higit sa lahat, binigyang-diin ng hukuman ang isang mahalagang tuntunin sa mga kasong nakasalalay sa circumstantial evidence. Hindi sapat na ang mga pangyayari ay tumuturo lamang sa posibilidad na ang akusado ang gumawa ng krimen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page