- BULGAR
- 6 hours ago
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 13, 2025

Dear Chief Acosta,
Noong nakaraan ay nagbenta ako ng lupa. Kailangan kong ipanotaryo ang aming “Deed of Absolute Sale”. Naalala ko na ang pinsang buo ko ay isang abogado. Ngunit noong lumapit ako sa kanya para magpanotaryo, sinabihan niya ako na hindi niya maaaring notaryohan ang aking dokumento dahil ako ay kanyang pinsang buo at ito ay hindi pinapayagan diumano ng batas. May batas ba na nagbabawal notaryohan ng abogado ang dokumento ng kanyang kamag-anak? — Biana
Dear Biana,
Ayon sa Section 3 (c), Rule IV ng A.M. No. 02-8-13-SC o 2004 Rules on Notarial Practice, na inilabas ng Korte Suprema noong 5 Hulyo 2004, ang isang notaryo publiko ay hindi maaaring magnotaryo ng isang dokumento kung ang “principal” o ang taong nakalagda sa dokumento ay kanyang asawa, common-law partner o kasalukuyang kinakasama kahit hindi kasal, kanyang ninuno, kanyang mga anak, apo at kaapu-apuhan, o kamag-anak niya, sa dugo man o sa pamamagitan ng batas, na nakapaloob pa sa tinatawag na “4th civil degree”, narito ang eksaktong pahayag ng batas:
“Sec. 3. Disqualifications – A notary public is disqualified from performing a notarial act if he: x x x
(c) is a spouse, common-law partner, ancestor, descendant, or relative by affinity or consanguinity of the principal within the fourth civil degree.”
Ang diskwalipikasyong ito ay para maingatan ang integridad ng pagnonotaryo. Ito rin ay para maiwasan ang magkakontrang interes at siguruhin ang katotohanan ng dokumentong nanotaryuhan.
Ang tanong ngayon ay paano natin malalaman kung ang isang tao ay kasama sa tinatawag na “4th civil degree” sa pamamagitan man ng dugo o ng batas. Kailangan mong bilangin kung ilang antas hanggang sa inyong parehas na ninuno at patungo sa kanya.
Halimbawa, ang iyong pinsang buo ay pasok sa tinatawag na “4th civil degree”. Kung paano ito bilangin ay narito:
Mula sa iyo patungo sa iyong mga magulang = 1 degree
Mula sa iyong mga magulang patungo naman sa iyong lolo at lola = 1 degree
Mula sa iyong lolo at lola, bilang sila ang parehas na ninuno ninyo ng iyong pinsang buo, patungo naman sa iyong tito o tita na siyang nanay o tatay ng iyong pinsan = 1 degree
Ang huling bilang ay mula sa iyong tito o tita, patungo sa iyong pinsan = 1 degree.
Base sa iyong isinalaysay, pinsang buo mo ang abogado sa inyong pamilya. Tulad ng halimbawang nabanggit sa itaas, ikaw ay nakapaloob sa tinatawag na “4th civil degree” dahil kung bibilangin mula sa iyo hanggang sa iyong pinsan ay binubuo ng apat na degrees o antas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.