top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Ibinahay ang kabit, ano ang pananagutan sa batas?

Writer: BULGAR
BULGAR
18 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 19, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano po ba ang krimen ng concubinage o pangangalunya? Totoo po ba na isa sa mga paraan ng paggawa nito ay kapag ibinahay ng lalaking may asawa ang kanyang kabit? Ano po ba ang ibig sabihin ng “ibinahay?” Hindi po ba sapat ang minsanan o panandaliang pakikipagtalik upang masabing may pangangalunya?


— Nate





Dear Nate,


        Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating Revised Penal Code of the Philippines (RPC) at sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Article 334 ng RPC ang sumusunod:


“Article 334. Concubinage.- Any husband who shall keep a mistress in the conjugal dwelling, or, shall have sexual intercourse, under scandalous circumstances, with a woman who is not his wife, or shall cohabit with her in .any other place, shall be punished by prision correccional in its minimum and medium periods. The concubine shall suffer the penalty of destierro.”


Hinggil sa nasabing batas, maaaring magawa ng isang lalaking may asawa ang pangangalunya (concubinage) sa alinman sa sumusunod na tatlong paraan: una, kung pananatilihin niya ang kanyang kerida sa tirahan nilang mag-asawa; ikalawa, kung makikipagtalik siya sa isang babaeng hindi niya asawa sa ilalim ng mga iskandalosong pangyayari; at ikatlo, kung makikipamuhay siya sa naturang babae sa ibang lugar. Upang managot naman ang babae bilang kerida (concubine), kinakailangang alam niyang may asawa ang lalaking kanyang kinakasama.


Ang karaniwang tinutukoy na “ibinahay ang kabit” ay ang pagpapatira o pagpapanatili ng isang lalaking may asawa sa kanyang kerida sa tirahan nilang mag-asawa. Ang tirahan ng mag-asawa ay ang tahanang ginagamit. Hindi kinakailangang pag-aari mismo ng mag-asawa ang bahay, sapagkat ang mahalaga ay ginagamit ito bilang kanilang tahanan.


Bukod dito, maaari ring magkaroon ng pangangalunya kahit hindi sa tirahan ng mag-asawa nakatira ang babae, kung mapatutunayang nakipamuhay ang lalaki sa kanya bilang mag-asawa sa ibang lugar.


Sa kasong Ariel Cadayday Singgit and Genivieve Mayondo But-ay vs. People of the Philippines (G.R. No. 264179, February 27, 2023), sa panulat ni Honorable Associate Justice Samuel H. Gaerlan, ipinaliwanag ng Korte Suprema ang kahulugan ng salitang “cohabit,” gaya ng sumusunod:


“It has been held that the term ‘cohabit’ means to dwell together, in the manner of husband and wife, for some period of time, as distinguished from occasional, transient interviews for unlawful intercourse. And, whether an association, for illicit intercourse, has been such as to constitute an unlawful assumption of the conjugal relation, is, in every case a question of fact, and the extent of such association as to constitute a cohabitation within the meaning of the law, is a matter of the court’s appreciation.”


Samakatuwid, ang “cohabitation” ay hindi lamang nangangahulugan ng paminsan-minsang pagkikita o pakikipagtalik. Kinakailangang maipakita na ang lalaki at ang babae ay nanirahan o namuhay nang magkasama, na tila sila ay tunay na mag-asawa, sa loob ng isang takdang panahon.


Sa nasabing kaso, binanggit din ng Korte Suprema ang naging paliwanag sa naunang kasong People vs. Ocampo (G.R. No. 47756, June 10, 1941) na isinulat ni Chief Justice Manuel V. Moran: 


“In the instant case, petitioner's conduct with his co-accused was not confined to isolated interviews for unlawful intercourse. He and his co-accused dwelt together as husband and wife in the same house in Naga, Camarines Sur, where they were seen attending shows and dances; again, in Tiwi, Albay, they dwelt together as husband and wife in the same house for seven days and nights where they slept together and alone in one room. We are of the opinion and so hold that such association is sufficient to constitute a cohabitation within the meaning of the law even disregarding proofs of actual sexual intercourse.”


Ipinakikita nito na ang mahalagang tinitingnan sa cohabitation ay hindi lamang kung nagkaroon ng pakikipagtalik, kundi kung ang lalaki at babae ay aktuwal na nagsama at kumilos na tila mag-asawa. Maaaring mapatunayan ang cohabitation kahit walang direktang patunay ng aktuwal na pakikipagtalik, basta malinaw sa kabuuan ng mga pangyayari na namuhay silang magkasama bilang mag-asawa.


Gayunman, hindi nangangahulugan na walang pangangalunya sa lahat ng pagkakataon kung minsan lamang naganap ang pakikipagtalik. Maaari pa ring pumasok ang ginawa sa ikalawang paraan ng pangangalunya kung mapatutunayang ang pakikipagtalik ay naganap sa ilalim ng mga iskandalosong pangyayari. Ang pagkakaroon ng mga iskandalosong pangyayari ay isang usapin ng ebidensiya at nakasalalay sa kabuuang kalagayan ng bawat kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page