Zero Balance Billing, dapat maramdaman ng bawat Pinoy
- BULGAR

- 41 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 27, 2026

Kailangan maging mas malinaw sa bawat Pilipino na ang serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat nakadepende sa kapal ng bulsa.
Kapag may sakit at kailangang maospital, ang pangunahing iniisip ng pamilya ay ang paggaling, hindi kung saan kukuha ng dagdag na pambayad sa serbisyong dapat sana ay saklaw ng kanilang benepisyo.
Mahalagang hakbang ang kasunduang nilagdaan ng isang pribadong ospital sa Bonifacio Global City at PhilHealth para palawakin ang access sa serbisyong walang dagdag na bayarin para sa mga kwalipikadong miyembro. Sa ilalim ng No Co-Payment Policy, ang mga pasyenteng naka-confine sa basic o ward rooms at may mga serbisyong saklaw ng PhilHealth ay hindi na dapat masingil ng karagdagang bayad para sa covered medical services.
Bilang bahagi ng kasunduan, maglalaan ang ospital ng hindi bababa sa 10 porsyento ng kabuuang bed capacity nito para sa basic o ward accommodations. Malaking bagay ito para sa mga pasyenteng nangangailangan ng kalidad na pangangalaga ngunit nais maiwasan ang mabigat na gastusing karaniwang kaakibat ng pagpapaospital sa pribadong pasilidad.
Kaugnay ito ng Zero Balance Billing o ZBB na ipinatutupad na sa 79 Department of Health hospitals at apat na government-owned or controlled hospitals. Sa ilalim nito, ang mga miyembrong naka-confine sa ward o basic accommodation ay hindi dapat maglabas ng sariling pera para sa mga serbisyong, procedure, operasyon at gamot na saklaw ng kanilang PhilHealth benefits.
Mas mahalaga, hindi lamang mahihirap ang maaaring makinabang sa ZBB. Saklaw nito ang lahat ng PhilHealth members na kwalipikado sa polisiya, anuman ang kanilang socioeconomic status.
Gayunman, hindi dapat matapos sa pagkakaroon ng polisiya ang responsibilidad ng mga institusyon. Kailangang malinaw sa pasyente kung ano ang saklaw ng kanilang benepisyo, ano ang proseso at kung saan maaaring humingi ng tulong kapag may hindi inaasahang singil. Dapat ding maging mabilis at maayos ang pagpapatupad upang hindi na malito o mahirapan ang mga pamilyang nasa gitna ng emergency.
Ang tunay na halaga ng ganitong programa ay makikita sa pamilyang hindi kailangang mangutang para lamang maipagamot ang isang mahal sa buhay. Ang perang sana’y para sa pagkain, edukasyon at araw-araw na pangangailangan ay hindi na kailangang ilaan sa gastusing dapat saklaw ng benepisyo.
Kaya kailangang ipagpatuloy at palawakin ang ganitong hakbang. Ang serbisyong pangkalusugan ay dapat maging sandigan ng bawat Pilipino, hindi dagdag na dahilan para mabaon sa utang.





Comments