top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | December 20, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa ahensiyang inaasahan ng tao sa oras ng sunog at sakuna, dito pa raw pinakamaraming nangyayaring kalokohan. Sa mga ganitong eksena, sino pa kaya ang ating lalapitan?


Hindi biro ang sinabi ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol sa Bureau of Fire Protection.  


Para sa karaniwang mamamayan, masakit isipin na kung sino pa ang nararapat na nag po-protekta sa taumbayan, siya pa pala ang nananamantala sa lipunan.


Ayon rito, mas malala pa raw ang korupsiyon sa BFP kesa sa Philippine National Police. Hindi ito basta opinyon lamang, kundi base sa malawak na imbestigasyon ng DILG. Dito niya nakita na ang problema ay hindi lang iilan, kundi halos buong sistema. Mula sa mga bagong pasok hanggang sa matataas na opisyal, may bahid umano ng katiwalian.


Isa sa mga nakabibigla ang isiniwalat na bentahan ng posisyon sa ahensya. May mga aplikanteng pinagbabayad umano ng hanggang P500,000 para lang makapasok bilang bumbero. 


Sa ating bansang maraming gustong magtrabaho at maglingkod, malinaw na hindi kakayahan ang basehan kundi pera. Ang kawawa rito ay ang publiko, dahil ang nakapapasok ay hindi ang may malasakit, kundi ang may pambayad.


Bukod dito, binanggit din ng opisyal ang paniningil sa fire inspection fees na sobra-sobra ang presyo. Meron ding bentahan ng fire extinguisher at fire sprinkler system na mas mahal nang apat o limang beses kaysa sa tamang halaga. Ang mga gastusing ito ay diretso umanong ipinapasa sa maliliit na negosyo, ordinaryong pamilya, at mga nagnenegosyo para lang mabuhay araw-araw.


Hindi rin sinang-ayunan ng kalihim ang panukalang obligahin ang lahat ng bahay na magkaroon ng fire extinguisher. Para sa kanya, malinaw na may bahid ito ng negosyo at hindi tunay na malasakit sa kaligtasan ng publiko.


Dagdag pa ng opisyal, kilala na ng pamahalaan kung sinu-sino ang sangkot sa mga anomalya. Sinabi niyang sisibakin ang mga tiwaling opisyal at magsasampa ng kaso simula Enero. Mahalaga ito, pero hindi sapat kung pansamantala lang. Kailangang tuluy-tuloy ang paglilinis upang hindi na maulit ang ganitong sistema.


Ang isyung ito ay hindi lang tungkol sa BFP kundi tungkol sa tiwala ng taumbayan. Kapag ang serbisyong pangkaligtasan ay ginawang pagkakakitaan, buhay ang kapalit. Panahon na para patunayan ng gobyerno na ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, hindi lisensya sa pananamantala. Ang masa ay hindi dapat masunog sa apoy ng korupsiyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 19, 2025



Boses by Ryan Sison


Lagi nating inaabangan ang Kapaskuhan bilang panahon ng saya, salu-salo, at walang katapusang kainan at inuman. Ngunit kasabay ng masasayang handaan, dumarami rin ang banta sa kalusugan, partikular na ang sakit sa puso. 


Ayon sa mga eksperto, hindi biro ang tinatawag na "holiday heart syndrome" na madalas sumulpot tuwing Disyembre at Enero dahil sa labis na pagkain, pag-inom ng alak, at stress.


Ipinaliwanag ng isang cardiologist na tumataas ang kaso ng irregular heartbeat, atake sa puso, at stroke sa panahon ng bakasyon. Dagdag rito, kahit sino ay maaaring tamaan nito, lalo na ang mga kabataang napapasobra sa pag-inom. Kapag sobra ang alak, naaapektuhan ang electrical system ng puso na nagiging sanhi ng palpitations at seryosong komplikasyon.


Ayon pa sa isang paliwanag, tumataas ang insidente ng hypertension tuwing holidays, hindi lamang dahil sa pagkain ng matataba at maalat, kundi pati na rin sa kakulangan sa pahinga at emosyonal na stress. Pinayuhan niya ang mga may nararamdamang sintomas ng atake sa puso na agad magtungo sa ospital at ang may dati nang karamdaman ay magpa-check up matapos ang bakasyon.


Sabi naman ng Department of Health (DOH), ang holiday heart syndrome ay karaniwang dulot ng binge drinking. 


Ipinakita ng 2021 DOH study na apat sa bawat sampung Pilipinong adult ang uminom ng alak sa loob ng 30 araw bago ang survey, at isa sa bawat tatlo ay umiinom ng anim o higit pang inumin sa isang upuan. At ang mas nakakabahala pa rito ay ang mga kabataan, dahil batay sa 2023 National Nutrition Survey, dalawa sa bawat sampung Pilipinong edad 10 hanggang 19 ay umiinom na rin ng alak.


Noong nakaraang taon, 103 katao ang na-stroke sa walong ospital mula Disyembre 22 hanggang 30, at dalawa ang namatay. Sa parehong panahon noong 2024, 62 ang nakaranas ng acute coronary syndrome at isa ang nasawi. Ipinapakita nito na ang sobrang kasiyahan ay maaaring mauwi sa trahedya.


Hindi masama ang magdiwang. Bahagi ito ng ating kultura. Ngunit ang tunay na diwa ng holidays ay ang makasama ang pamilya nang ligtas at buo. Sa kaunting disiplina gaya ng tamang pagkain, tamang inom, sapat na pahinga ay mas magiging makabuluhan ang selebrasyon. Tandaan, ang saya ay hindi nasusukat sa dami ng nainom o nakain, dahil ang kalusugan ay mas mahalaga pa sa mga selebrasyon at kultura na atin ng nakasanayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 18, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang mga programa raw ng gobyerno ay para sa kalusugan ng mamamayan, ngunit sa aktuwal na karanasan ng marami, nananatiling mailap ang serbisyong dapat sana’y karapatan ng bawat Pinoy. 


Ngayon ay malinaw na nasa malubhang krisis ang healthcare system ng bansa, hindi dahil kulang ang nangangailangan, kundi dahil kulang ang maayos, tapat, at direktang serbisyong ibinibigay sa taumbayan.


Ayon sa isang opisyal, maraming komunidad ang halos walang maayos na primary health services. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na dumiretso sa malalayong pampublikong ospital, kung saan haharap sila sa mahabang pila, siksikang ward, at gastusing kadalasa’y sagot na nila mismo mula sa kanilang bulsa. Para sa mahihirap, ang pagkakasakit ay hindi lamang problema sa kalusugan, kundi lalong pagkalulong sa kahirapan.


Binigyang-diin din na kailangang itaguyod ang mga konkretong hakbang upang matiyak na ang batayang serbisyong pangkalusugan ay tunay na naaabot ng lahat. Isa sa mga tinuligsa niya ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program o MAIFIP. Sa halip na direktang mapunta ang pondo sa mga pampublikong ospital, kinakailangan pa itong idaan sa guarantee letter mula sa mga politiko.


Sa ganitong sistema, nagmumukhang limos ang serbisyong dapat sana’y awtomatikong ibinibigay ng estado. At ang masakit pa rito, nagkakaroon ng pakiramdam ang pasyente na may utang na loob pa siya sa pulitiko para sa tulong na galing naman sa kaban ng bayan. Isa umano itong malinaw na scam at tahasang paglabag sa karapatan ng mamamayan, lalo’t napakaliit pa ng pondong inilalaan sa naturang programa.

Hindi kakulangan ng pera ang ugat ng problema, kundi maling prayoridad at korapsyon.


Habang may pondo sa papel, nauuwi ito sa kontrol ng iilan sa halip na direktang mapakinabangan ng mga ospital at pasyente.


Kung tunay na may malasakit ang pamahalaan, dapat ayusin ang healthcare system mula sa pinakapundasyon nito. Direktang pondohan ang mga ospital, palakasin ang primary health care, at tanggalin ang sistemang ginagawang pabor ang serbisyong publiko. Ang kalusugan ng mamamayan ay hindi dapat dumaan sa palakasan, pangalan, o koneksyon.


Ang maayos na healthcare ay hindi pribilehiyo kundi karapatan. Hangga’t may mga kamay na mas inuuna ang sariling bulsa kesa sa buhay ng tao, mananatiling may sakit ang sistemang dapat sana’y nagpapagaling sa bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page