ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 29, 2023
MAINAM ANG MUNGKAHI NI DELA ROSA NA DAANIN SA BOTOHAN SA SENADO KUNG SINO ANG PABOR AT HINDI SA ICC KASI D’YAN MALALAMAN KUNG SINONG RE-ELECTIONIST SENATORS ANG IBABASURA NG MGA DDS -- Kung desidido si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na mag-rejoin para maging member uli ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Sen. Ronald dela Rosa ay dapat may approval ito ng Senado, na ang ibig sabihin kailangang dumaan sa botohan, kung sino sa mga senador ang pabor o hindi na maging ICC member uli ang Pilipinas.
Mainam ang mungkahing ‘yan ni Sen. Dela Rosa, kasi d’yan makikita ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) kung sinong re-electionist senator sa 2025 election ang ibabasura nila sa halalan, boom!
XXX
MARKADO NA SA MAG-AMANG DUTERTE ANG MGA PULITIKO SA DAVAO NA BUMALIMBING AT PUMANIG KAY ROMUALDEZ -- Sumanib na sa partidong Lakas-CMD ni Speaker Martin Romualdez ang ilan sa mga pulitiko sa Davao region na kaalyado na kaalyado ng mag-amang ex-P-Duterte at Vice Pres., Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio.
‘Yan ang maling ginawa ng mga pulitikong taga-Davao region, kasi kapag kumandidatong presidente si VP Sara sa 2028 at siya ang nagwagi sa pagka-presidente ay hindi na sila makakadikit sa pamilya Duterte dahil markado na sila sa pagiging balimbing, period!
XXX
KARO-ROLLBACK LANG, TAPOS NAGTAAS NA NAMAN NG PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO -- Tumaas na naman kahapon ang presyo ng mga produktong petrolyo, na ang kada litro ng diesel ay tumaas ng P0.30 at ang kada litro ng kerosene ay tumaas naman ng P0.65.
‘Yan ang bad na gawain ng mga appointee ni P-BBM sa Energy Regulatory Commission (ERC), kasi karo-rollback lang noong Nov. 21, 2023 ang presyo ng mga produktong petrolyo, tapos kahapon, inaprub na naman ng ERC ang hirit na taas-presyo sa diesel at kerosene ng mga oil companies, buset!
XXX
SABLAY ANG PANINIPSIP NG MMDA KAY QC MAYOR JOY BELMONTE -- Ikinagalit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ginawang pagpapahinto ng Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers sa daloy ng trapiko kamakalawa sa Katipunan Avenue, QC habang dumaraan ang kanyang convoy dahil ayon sa mayora ay wala siyang utos na gawin ito kasi ayaw niyang makaperhuwisyo ng mga motorista.
Ibig sabihin n’yan, sablay ang paninipsip kay Mayor Joy ng mga MMDA traffic enforcers kasi akala nila matutuwa sa kanila ang mayora, ‘yun pala ay batikos ang aabutin nila sa alkalde ng QC, period!