top of page
Sarah Lahbati - IG.jpg

Karapatan ng maliliit na tindahan na maningil sa mga ayaw magbayad ng utang

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 11, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa ating pamayanan, lalo na sa mga matataong lugar, may mga kapitbahay tayong nagsisimula ng maliit na negosyo katulad ng pagtitinda sa harap ng kanilang mga kabahayan.


Nakatutulong din ito upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Subalit sa pagtayo ng negosyong ito, hindi rin maiwasan na kakambal nito ang peligrong may mga mangungutang at ayaw nang magbayad sa nagtitinda at lalabas pang masama ang ugali nito kapag naningil na siya.


Nakalulungkot namang malaman na ang may-ari ng isang maliit na tindahan ang lalabas pang masama sa mga nagkakautang sa kanya gayong siya ay naniningil lamang sa kanyang mga kakilala, kapitbahay at suki na pinakikisamahan niya kaya niya sila pinautang.


Sadyang ganyan talaga ang nangyayari at marami talaga ang mainam lamang makiusap kapag sila ay nangungutang subalit matapang na sa oras ng singilan. Kasama na ito sa mga panganib na maaaring harapin ng isang nagnenegosyo, bagamat ito ay maliit na tindahan lamang.


Mayroon iyong hindi sila mabayaran dahil wala talagang pambayad ang nakautang o kaya naman ay ayaw lang talaga nilang bayaran ito. 


Sa ating batas, partikular na ang Article 19 ng New Civil Code of the Philippines, dito ay nakasaad na:


“Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due and observe honesty and good faith”.


Ang probisyon ng batas na ito ay nagtuturo sa bawat isa na respetuhin ang karapatan ng bawat tao at sa paggamit ng isang tao ng kanyang karapatan, ito ay may kaakibat na obligasyon na ibigay ang nararapat sa kanyang kapwa tao. Ang bawat tao, sa paggamit ng kanyang karapatan at sa pagtupad ng kaniyang mga tungkulin, ay dapat kumilos nang may katarungan, ibigay ang nararapat sa iba, at magpamalas ng katapatan at kabutihang hangad. Kaugnay nito, ang sinumang tao na nayurakan ang karapatan ay maaaring magsampa ng kaso upang hingin ang danyos ng pinsalang natamo, sang-ayon sa probisyon ng sumusunod na artikulo, kung saan sinasabi na:


“Art. 20. Every person who, contrary to law, wilfully or negligently causes damage to another, shall indemnify the latter for the same.”


Gamit ang mga nabanggit na probisyon ng batas, malinaw na may karapatan ang nagpautang na maningil sa mga nagkautang sa kanya dahil sila ay may obligasyong magbayad. Ginamit at kinain naman nila ang mga bagay na inutang nila sa tindahan, kaya marapat lamang naman na ang nagtitinda ay kanilang bayaran. Kung hindi sila magbabayad, may karapatan ang nagtitinda na magsampa ng kaso upang singilin ang kabayaran ng kanilang inutang.


 Ang mabuting gawin ng nagtitinda ay habaan ang kanyang pasensiya sa kanyang paniningil upang maiwasang siya ay mapaaway. Kung hindi sila makuha sa magandang pakiusapan, ay maaaring idulog ng nagtitinda ang kanyang problema sa barangay para siya at ang nangutang ay pagharapin at pag-usapan nila sa harap ng Lupon ang pagbabayad nila at masingil ang angkop na kabayaran ng mga pautang.


Kung hindi naman ito uubra ay maaaring dumulog sa small claims court para roon na sila sampahan ng kasong Collection of Sum of Money upang masingil ang halaga ng mga ipinautang, alinsunod sa Article 1595 ng nabanggit na Code na nagsasabing:


 “Where, under a contract of sale, the ownership of the goods has passed to the buyer, and he wrongfully neglects or refuses to pay for the goods according to the terms of the contract of sale, the seller may maintain an action against him for the price of the goods.”


Sa kabila ng lahat ng ito, ipinapayo ng inyong abang lingkod na huwag na lamang magpautang ng malaki kung hindi naman marunong magbayad ang pinautang sapagkat ang pag-aasunto para makasingil ay sadyang matagal at nakakaubos din ng oras.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page