top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 11, 2026



Fr. Robert Reyes


Nagulat ang marami nang kumalat kamakailan ang larawan ng tatlong batang mambabatas na may nakasulat sa ilalim ng kanilang pinagsamang imahe ang katagang “Makabagong GomBurZa.”


Sa nasabing paglalarawan, tila ipinantay nina Kiko Barzaga, Leandro Leviste, at Eli San Fernando ang kanilang mga sarili kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang tatlong paring martir na naging inspirasyon ng ating pambansang kamalayan at ng ating pambansang bayani.


Sino ang nag-isip na gawin ito? Sila ba mismo, o may iba pang nag-akala na maaaring ipantay ang tatlong batang mambabatas sa tatlong paring nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at katarungan?


Maaari bang ihambing ang kanilang danas sa dinanas ng GomBurZa—ang pag-uusig, maling paratang, at ang malagim na kamatayan na ginamit ng Rehimeng Kastila upang higpitan at apihin ang mga mamamayang Pilipino? Ang tatlong pari ay kinilalang martir hindi dahil sa sariling deklarasyon kundi dahil sa kanilang buhay ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo ng Katotohanan, Katarungan, at Kalayaan. Ipinaglaban nila ang pagkakapantay-pantay ng mga paring kayumanggi at Pilipino laban sa sistemang kolonyal na nagkakait ng tiwala at mataas na tungkulin sa mga katutubo.


Lalo itong isinulong ni Padre Jose Burgos, na matapang na ipinaglaban ang dangal at kakayahan ng mga paring Pilipino bilang kapantay—hindi bilang pangalawa—sa mga paring Kastila at puti.


Sa kontekstong ito, mahalagang balikan ang mga salitang madalas abusuhin: “anointed,” “appointed,” at “entitled.” Naalala natin ang pastor na tumawag sa sarili bilang “Anointed Son of God,” isang makapangyarihan at mayamang lider ng grupong Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, Inc. Ang kanilang punong himpilan ay tila isang palasyo. Subalit gumuho ang imaheng ito nang kasuhan siya sa Estados Unidos ng immigration fraud at sex trafficking. Sa kasalukuyan, nakakulong siya sa Pasig City Jail.


Sino ang humirang sa kanya bilang “anointed”? Ganoon din ang tanong sa isa pang grupo kung saan ang isang ina ang nagtalaga sa sariling anak bilang pari, hanggang sa kilalanin itong “Supreme Pontiff”— mas mataas pa umano kaysa Papa. Nang mamatay siya noong Enero 19, 2021, agad siyang idineklarang santo noong Agosto 1 ng parehong taon. Sino ang nag-orden, naghirang, at nagtalagang santo sa kanya?


Maraming grupo at sekta—na maituturing ding kulto—ang may ganitong kasaysayan ng sariling paghirang at pagbibigay ng kadakilaan. Hindi nalalayo rito ang ginawa ng tatlong batang mambabatas sa pagtawag sa kanilang sarili bilang “Makabagong GomBurZa.”


Sa totoo lang, ang tunay na kadakilaan ay hindi ipinapahayag ng sarili. Ito ay iginagawad ng kasaysayan. Bilang dating nag-aral at naglingkod bilang kura paroko sa pamayanang Katoliko ng UP Diliman, marami tayong nakilalang tunay na dakilang propesor—mga National Scientist at National Artist tulad nina Alfredo Lagmay, Jose Maceda, N.V.M. Gonzalez, at Ramon Pagayon Santos. Walang dudang kahanga-hanga ang kanilang talino at ambag.


Ngunit minsang natanong natin ang isang propesor kung paano nagiging “Professor Emeritus” sa pagreretiro. Ang sagot niya: “Medyo mahiwaga ang proseso. Maraming karapat-dapat ang hindi napipili, at may mga napipili ring hindi karapat-dapat.”

Patunay lamang ito na sa huli, ang tao at ang kasaysayan pa rin ang huhusga kung sino ang tunay na dakila. Hindi maaaring hirangin ng magulang, ng kapangyarihan, o ng sarili ang sarili bilang pinakabanal, pinaka-magaling, o pinakadakila. Ito ang malubhang sakit ng ating lipunan—ang walang kahihiyang sariling pagbubunyi ng mga may yaman at kapangyarihan.


Mabuti’t tila tumatahimik na ang mga tinaguriang “nepo babies” na lantad na ipinagyayabang ang luho sa gitna ng kahirapan ng nakararami. Marahil dahil unti-unting nalalantad na hindi pala sa kanila ang mga ipinagmamalaki—kundi bunga ng mga “ghost flood control projects.”


Ngayong Linggo ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagbibinyag ni Hesus. Kakaiba ang kanyang kuwento: sa halip na magpadakila, pinili niyang magpabinyag kay Juan Bautista. Nang sabihin ni Juan, “Ako ang dapat magpabinyag sa inyo,” tumugon si Hesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Isang malinaw na aral ng pagpapakumbaba at paglilingkod.


Oo, hinirang si Hesus—ngunit hindi ng tao. Pinahiran siya hindi ng papuri kundi ng sariling dugo, pawis, pagdurusa, at kamatayan. Ganoon din ang naging kasaysayan ng GomBurZa. Hindi sila hinirang ng sarili, ng pamilya, o ng kakampi, kundi ng kasaysayan at ng Diyos na tumawag sa kanila na maglingkod—hindi lamang sa buhay, kundi maging sa kamatayan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 11, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa ilalim ng ating Saligang Batas at ng Republic Act (R.A.) No. 7438 o mas kilala sa tawag na “An Act Defining Certain Rights of Person Arrested, Detained or Under Custodial Investigation as Well as the Duties of the Arresting, Detaining, and Investigating Officers and Providing Penalties Thereof,” naging malinaw na polisiya ng ating estado na bigyang halaga ang dignidad ng bawat tao at bigyan ng kasiguraduhan at pangangalaga ang mga karapatang pantao.


Binibigyang garantiya ng estado sa pamamagitan ng R.A. No. 7438 at Seksyon 12, Artikulo III ng 1987 Philippine Constitution ang mga iba’t ibang karapatan ng isang taong inaresto, nakadetine, at nasa ilalim ng custodial investigation. Sakop ng custodial investigation ang pagbibigay ng imbitasyon sa isang taong pinaghihinalaang gumawa ng isang krimen upang siya ay maimbestigahan ukol dito. Ang taong ito ay isasailalim sa kustodiya ng mga pulis o awtoridad para sumagot sa isinasagawang imbestigation na may kinalaman sa isang krimeng naganap. Kapag ang isang tao ay sumailalim na sa pagtatanong ng mga awtoridad sa kung anong kinalaman niya sa isang krimen o ang nasabing tao ay mawalan na ng kalayaan para gumalaw nang ayon sa kanyang kagustuhan, dito na papasok ang garantiya ng ating Saligang Batas at RA 7438 para maprotektahan ang mga karapatan ng nasabing tao na sumasailalim sa pagtatanong.   


Ayon sa mga nabanggit na batas, ang isang tao na isinasailalim sa custodial investigation ay may karapatang manahimik at magkaroon ng isang mahusay at independenteng abogado na kanyang pinili. Siya rin ay may karapatang mabasahan o masabihan ng kanyang mga karapatang manahimik at magkaroon ng sariling abogado. 


Kung ang taong iniimbestigahan ay walang kakayahang kumuha ng kanyang sariling abogado, may karapatan siyang mabigyan ng estado ng isang abogado. Ang mga karapatang ito ay hindi maaaring talikdan ng isang taong iniimbestigahan maliban lamang kung ang pagtalikod dito ay nakasulat at ginawa sa harap ng isang abogado.


Sa isang imbestigasyon, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng awtoridad na nag-iimbestiga ng dahas, pamimilit, pananakit, pananakot, pagpapahirap, o anumang paraan na maaaring makakaimpluwensiya sa taong iniimbestigahan na magbigay ng impormasyong labag sa kanyang kalooban at pag-iisip. Anumang uri ng pag-amin na makuha sa ganitong paraan ay hindi maaaring gamiting ebidensya laban sa taong umamin sa kahit saang hukuman.


May karapatan din ang iniimbestigahan na mabisita ng kanyang mga malalapit na kaaanak, maging ng kanyang doktor, pari o ministro ng relihiyong kanyang kinabibilangan na kanyang mapili. May karapatan din siyang madalaw ng kanyang abogado o ng isang pribadong organisasyon na kinikilala ng Commission on Human Rights. Kabilang sa mga malalalapit na kaanak ang asawa, nobyo o nobya, magulang, anak, kapatid, lolo, tito, tita, pamangkin, guardian, ward, at apo. 


Ang mga pulis o awtoridad na lumabag sa mga isinasaad na probisyon ng mga nasabing batas, partikular sa pagsasabi ng mga karapatan ng taong iniimbestigahan, ay maaaring maparusahan ng pagbayad ng P 6,000 na multa o pagkakakulong ng walo hanggang 10 taon, o parehong multa at pagkakakulong. 


Parehong kaparusahan din ang igagawad sa mga awtoridad na hindi nagbigay ng abogado, kapag ang taong iniimbestigahan ay walang kakayahang kumuha ng kanyang sariling abogado.


May kaparusahan din ang pagbabawal na madalaw ang taong iniimbestigahan ng kanyang mga kaanak, abogado, doktor, o pari na kanyang ipinatawag.             


Sa lahat ng oras na nangyayari ang naturang pagsisiyasat o pagtatanong, ang mga pulis o awtoridad na nagsasagawa nito ay dapat na palagiang isaalang-alang ang mga nasabing karapatan dahil ang anumang paglabag sa mga ito ay may katumbas na kaparusahan.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 11, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALAMANG NA MAITATALA ANG ‘PINAS NA PINAKA-KORUP NA BANSA SA MUNDO KUNG HINDI MAPIPIGILAN ANG TALAMAK NA KATIWALIAN – Ayon sa isinapublikong survey ng Pulse Asia, 94% ng mga Pilipino ang nagsabing masyadong talamak na ang korupsiyon sa gobyerno.


Kung hindi mapipigilan ang ganitong talamak na katiwalian sa bansa, hindi na nakapagtataka kung dumating ang panahon na maitala ang Pilipinas sa Guinness World Records bilang pinaka-korup na bansa sa buong mundo. Boom!


XXX


GOBYERNO ANG 'BIGGEST CRIMINAL SYNDICATE' SA ‘PINAS? – Hindi na nakapagtataka na 94% ng mga Pilipino ang naniniwalang malala na ang katiwalian sa pamahalaan. Halos lahat ng nagpapakilalang “lingkod-bayan” ay nasasangkot sa iba't ibang anomalya. May ilan pa nga na nagsasabing korup ang presidente, ang bise presidente, ilang senador at kongresista, ilang miyembro ng Cabinet, at iba pang opisyal ng gobyerno — mula sa local governments at barangay officials hanggang sa ilan sa mga mahistrado at hurado ng korte sa bansa.


Sa totoo lang, sa dami ng mga korap sa ehekutibo, lehislatura, at hudikatura, maituturing na ang gobyerno ang “biggest criminal syndicate” sa Pilipinas, na nambibiktima sa mga Pilipinong taxpayers. Tsk!


XXX


MGA KAMAG-ANAK INC., MGA TRAPO AT MGA CONG-TRACTOR IBASURA SA 2028 ELECTION – Nasaksihan ng publiko sa mga nakaraang imbestigasyon hinggil sa flood control scandal na ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan ay mga nagpapanggap na “lingkod-bayan”: magkakamag-anak na pulitiko o political dynasty, mga trapo, at mga cong-tractor o kongresistang kontraktor.


Kabilang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang nananatiling mahirap, dahil ang pondo ng bayan na dapat nakalaan para sa serbisyo sa mamamayan ay ini-scam ng mga “Kamag-anak Inc.”, mga trapo, at cong-tractor.


Kaya sana, matuto na ang mga botante: busisiin ang pagkatao at track record ng mga kandidato sa 2028 elections, at ibasura sa halalan ang mga “Kamag-anak Inc.”, mga trapo, at cong-tractor. Period!


XXX


MAY PAG-ASA PA ANG ‘PINAS KUNG ANG ILULUKLOK AY WALANG BAHID NG KORUPSIYON AT GOOD GOVERNANCE ANG ISUSULONG – Hindi naman lahat ng pulitiko at opisyal ng gobyerno ay korup; mayroon ding mga matitino na isinusulong ang good governance.


Ang nais nating ipunto rito ay may pag-asa pa ang Pilipinas—kung hindi man tuluyang mawala, ay maibsan man lang ang korupsiyon sa bansa. At makakamtan ito kung matututo ang mga botante sa tamang pagboto. Sa 2028 elections, lalo na sa presidential election, mahalagang iluklok ang mga pulitikong walang bahid ng korupsiyon at tunay na magsusulong ng good governance. Period!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page