top of page
BIDA - ANGEL, NI-LIKE ANG PAG-UNFOLLOW DAW SA KANYA NI MARIEL AT KAY ANNE SA IG-FB Angel L

Wakasan na ang magulong sistema sa edukasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Panahon nang alisin ang kalituhan sa pagitan ng basic education, kolehiyo, technical-vocational training, at paghahanap ng trabaho. Kapag malinaw ang direksyon ng sistema, mas nagiging madali para sa mga estudyante at kanilang pamilya na maabot ang kanilang mga pangarap nang hindi naliligaw sa magkakahiwalay na proseso.


Isang mahalagang hakbang ang inilunsad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ng One Education, isang pinagsamang programa na may temang "Maraming Landas, Isang Sistema. Para sa Bawat Pilipino." Inilunsad ito sa ikatlong Joint Education Trifocal Management Committee Meeting sa Baler, Aurora bilang simbolo ng mas malapit na koordinasyon ng tatlong pangunahing ahensya sa edukasyon.


Layunin ng One Education na pagdugtungin ang basic education, higher education, technical-vocational education, at mga oportunidad sa trabaho upang maging mas malinaw ang landas ng bawat mag-aaral. Hangad din nitong tulungan ang mga magulang, paaralan, training institutions, at mga employer na higit na maunawaan kung paano nagkakaugnay ang mga programang iniaalok ng DepEd, CHED, at TESDA.


Ayon sa tatlong ahensya, bahagi ang programa ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas maayos, magkakaugnay, at mas tumutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral at ng labor market ang sistema ng edukasyon. Sa ilalim ng inisyatibang ito, inaasahang magiging mas malinaw ang paglipat mula basic education patungo sa kolehiyo, technical-vocational training, trabaho, negosyo, at patuloy na pagkatuto.


Kasabay ng paglulunsad ng One Education, ipinakilala rin ang Education Reform Fellowship, isang programa na maghahanda sa mga kabataang propesyonal upang makatulong sa pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon at workforce development. Nilagdaan din ang kasunduan para sa Project TAHANAN, na naglalayong pahusayin ang pagsubaybay sa mga mag-aaral at palakasin ang ligtas na pagbabahagi ng datos sa pagitan ng basic education, higher education, technical-vocational education, at sektor ng trabaho upang masuportahan ang mas mahusay na paggawa ng mga polisiya at serbisyo.


Malaki ang maitutulong ng One Education kung maipatutupad ito nang maayos at tuluy-tuloy. Bukod sa pagpapadali ng paglipat ng mga mag-aaral sa susunod na yugto ng kanilang edukasyon, makatutulong din itong maihanda sila sa aktuwal na pangangailangan ng trabaho at kabuhayan.


Ang pagkakaroon ng iisang direksyon sa sistema ng edukasyon ay hindi lamang reporma sa mga paaralan kundi pamumuhunan din sa kinabukasan ng bawat Pilipino. Kapag mas maayos ang ugnayan ng pag-aaral, kasanayan, at trabaho, mas lumalawak ang pagkakataon ng mamamayan na magkaroon ng matatag na hanapbuhay at mas magandang kinabukasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page