Bakit mas malaki ang premyong ibinibigay sa lalaking atleta?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 20, 2026

Dear Chief Acosta,
Kaunti lamang ang scholarship na pang-atletika na iniaalok ng paaralan namin para sa mga babae kumpara sa mga lalaking estudyante, kahit mas marami naman ang kababaihan sa paaralan namin. Bukod pa rito, mas malaki rin ang mga premyo na ibinibigay sa mga lalaking atleta kaysa sa mga babae, kahit pareho lamang ang kanilang nilalahukang palakasan. Pinapayagan ba ng batas ang ganitong sitwasyon? Nais ko lamang pong maliwanagan tungkol sa bagay na ito. Maraming salamat po.
— Enzo Corpuz
Dear Enzo Corpuz,
Kinikilala ng Estado na ang kalagayang pangkabuhayan, pampulitika, at panlipunan ay nakaaapekto sa buhay ng kababaihan. Kaya naman, kinikilala nito ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng bansa at tinitiyak ang pantay na karapatan at oportunidad ng mga babae at lalaki.
Sa ilalim ng Seksyon 17 (B) at (D) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No. 9710, o ang “Magna Carta of Women,” nasasaad na:
“SECTION 17. Women in Sports – The State shall develop, establish, and strengthen programs for the participation of women and girl-children in competitive and non-competitive sports as means to achieve excellence, promote physical and social well-being, eliminate gender-role stereotyping, and provide equal access to the full benefits of development for all persons regardless of sex, gender, and other similar factors. For this purpose:
x x x
B. No sports event or tournament will offer or award a different sports prize, with respect to its amount or value, to women and men winners in the same sports category: Provided, That the said tournament, contest, race, match, event, or game is open to both sexes: Provided, further, That the sports event or tournament is divided into male or female divisions.
x x x
D. Schools, colleges, universities, or any other learning institution shall take into account its total women student population in granting athletic scholarships. There shall be a pro rata representation of women in the athletic scholarship program based on the percentage of women in the whole student population.”
Ayon sa batas, hindi maaaring magbigay ng magkaibang premyo sa mga babae at lalaki na nanalo sa isang paligsahan kung pareho lamang ang kanilang kategoryang nilahukan. Bukod dito, ang mga paaralan, kolehiyo, unibersidad, at iba pang institusyong pang-edukasyon ay dapat isaalang-alang ang kabuuang bilang ng mga babaeng estudyante sa pagbibigay ng iskolarsip na pang-atletika upang matiyak na may sapat at patas na representasyon ang kababaihan batay sa kanilang porsiyento sa kabuuang populasyon ng mga mag-aaral.
Dahil sa mga nabanggit, maaaring labag sa batas ang ginagawa ng iyong paaralan. Hindi sila maaaring magbigay ng mas mababa o magkaibang premyo sa mga babaeng atleta kung pareho lamang ang kanilang kategorya sa mga lalaking kalahok. Gayundin, obligadong maglaan ang paaralan ng iskolarsip na pang-atletika para sa mga kababaihan ayon sa bilang o porsiyento sa kabuuang populasyon ng mga estudyante upang matiyak ang kanilang wastong representasyon sa mga programang pang-atletika.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments